Bagong Urgent Care and Ambulatory Service sa Laguna, itatayo na

Ulat ni Marchy Bacoy at Jeremie Marinella Ledesma

Ang Provincial Government Office ng Laguna ay nagsagawa ng ceremonial groundbreaking para sa itatayong Bagong Urgent Care and Ambulatory Service Center (BUCAS) noong Hunyo 20, 2025, sa Puypuy, Bay, Laguna.

Ang BUCAS ay isang programang isinulong ng Department of Health (DOH), sa ilalim ng pamumuno ni DOH Secretary Dr. Teodoro Herbosa, upang makapagbigay ng mga bagong pasilidad at mas abot-kayang pangunahing serbisyong medikal tulad ng laboratory tests, diagnostic procedures at minor surgeries sa mga malalayong lugar.

Bilang unang yugto ng mas malaking proyekto ng Laguna Regional Hospital, na itinatag sa ilalim ng Republic Act 12071, ang BUCAS ay maghahatid ng dekalidad na serbisyong medikal para sa mga Lagunense. Ang RA 12071 ay kilala bilang “An Act Establishing in the Municipality of Bay, Province of Laguna, A Level II General Hospital to be known as The Laguna Regional Hospital, and Appropriating Funds Thereof”. Ito ay pinangunahan nina House Representative Ruth Mariano Hernandez at Laguna Governor Ramil Hernandez, at inaprubahan noong Nobyembre 8, 2024.

Binigyang-diin ni Laguna Governor Hernandez na ang BUCAS ay isang malaking hakbang tungo sa paghahatid ng dekalidad at abot-kayang mga serbisyong medikal at pangkalusugan. Dagdag pa ni Hernandez, sisikapin niyang makakuha ng sapat ng suporta upang maging fully operational ang BUCAS sa mga Lagunense sa taong 2028.