Ulat ni Arlette Lorzano
Isinagawa ang ika-siyam na araw ng Clearing and Declogging Operations sa ilog ng Brgy. Hanggan Calauan, Laguna noong Hunyo 21, 2025.
Alas sais ng umaga ay handa na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Calauan upang tulungan ang Barangay Hanggan sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon na linisin ang mga tambak na basurang bumabara sa ilog na nagiging sanhi ng pagbaha tuwing tag-ulan.
Diin ni Roy Dalawangbayan, Local Risk Reduction and Management Officer III, araw-araw nilang ginagawa ang nasabing aktibidad ngayong taon dahil isinama na ang disaster risk reduction management ng Calauan upang tumulong sa pagsasagawa ng clearing at declogging operations sa mga mabababang barangay sa Calauan na laging binabaha.
Dagdag ni Dalawangbayan, hindi lamang ito one time activity dahil ang layon ni Mayor Roseller Caratihan ay patuloy itong isagawa para sa kalinisan at kaligtasan ng mga taong bayan, “Parang naging kasanayan na rin ng bayan namin na palaging nagco-conduct every time ng ganitong activity,” aniya.
Ilang mga residente mula sa nasabing barangay ang nagbahagi ng suporta at pasasalamat dahil sa magandang epekto ng proyekto. Ayon kay Bella Noriega, nakatira sa Purok 4, 58 taon na siyang nakatira sa barangay mula pa noong siya ay ipinanganak, “Maayos na [ang ilog]. At ang tubig eh, mabilis na umandar papuntang dagat [at], papuntang ilog, hindi katulad noon na hindi pa yan nahuhukay. Ngayon, maayos na,” ani ni Noriega.
Dagdag ni Julie Boldad, 75 anyos na mula sa Purok 2, “Maganda ang agos ng tubig, dire-diretso at hindi na bumabaha.” Nagpahayag din ng suporta at pasasalamat si Romano Perez, 26 anyos mula sa Purok 1, “Yun bale, maganda ang ginagawa nila. Dito samin kasi konting ulan nabaha, ngayon maganda yung ginawa nila kasi nililinis nila yung ilog eh. Ngayon once na umulan, hindi na samin babaha. Hindi na lalaki ang tubig doon samin, kaya nagpapasalamat kami sa mga naglilinis ng mga bangbang.”
Sa panayam ni Barangay Secretary Arvin Jay Cortez Reyes, hindi pa tuluyang nawawala ang baha dahil tuwing walang tigil ang buhos ng ulan ay tumataas pa rin ang tubig. Ang kagandahan epekto ng operasyong paglilinis ay mabilis na humupa ang baha at hindi na gaanong nagtatagal pa. Kaya naman patuloy ang pagsasagawa at paghanda ng budget para sa clearing at declogging operations sa barangay bilang solusyon sa problema sa baha.