LIKHAYAng Soy: Asenso ng isang lokal na negosyo

Ulat nina Eunice A. Reyes at Eron Isaac P. Manuel

Si Ome Bailey ang co-founder ng Likhaya Food Products. (Eunice A. Reyes/LB Times)

“It’s more on promoting to the next generation (ang pagkain ng soy) and celebrating what we have, the local food heritage… If gusto niyo matulungan yung mga local farmers, local economy, [then] let’s buy local,” saad ni Ome Bailey, ang co-owner ng Likhaya Food Products, na matatagpuan sa Techno Hub & One-Stop Shop (THOSS) sa loob ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). 

Si Bailey ay naniniwala sa mga benepisyong dala ng soy sa kalusugan ng tao. Kaya ito ang naisipan niyang gawan ng negosyo.

Sa Pilipinas, kaliwa’t kanan ang paggamit ng utaw, o mas kilala bilang soy. Ito ay ginagamit sa maraming produktong tinatangkilik ng mga Pilipino, mula sa taho, tokwa, soymilk, hanggang sa pagkain ng kanilang mga alagang baboy at manok. Ngunit, gaano man karami ang produktong nagagawa mula sa soy, ang mapait na katotoohanan para sa ating mga magsasaka ay halos lahat ng soy ng bansa  ay inaangkat mula sa ibang bansa.

Noong 2011, sinimulan ng Department of Agriculture Bureau of Agricultural Research (DA  BAR) ang “Soybean Development Program” na ang layunin ay itaguyod ang lokal na produksyon ng soy. 

Hindi man masyadong napagtutuunan ng pansin ang sektor ng produksyon ng soy ay noong 2016 ay tumaas ang numero ng mga magsasaka mula sa mga farming communities na nag tatanim ng soy. Ayon kay Rosemary Aquino, na dating chairperson ng Soybean Technical Working Group (STWG), ay mas marami na rin ang tumatangkilik ng produktong gawa sa soy. Karamihan dito ay ang kabataan, dahil sa tumataas na interest sa mga pagkaing lokal. 

Hiling ni Bailey, na sana mas tumaas pa ang pag tangkilik ng mga Pilipino sa mga produktong gawa sa soy, nang sa gayon ay matulungan ang mga maliliit na negosyo, pati na rin ang mga magsasaka.

GALING SA PUSO. Bagong gawa, personal na nilagay. Kapag ang may-ari na ang naglalagay sa pridyider, higit pa ito sa negosyo–ito’y pagmamahal, ayon kay Bailey. (Kuha ni: Eunice Reyes at Teksto ni Eron Manuel/LB Times)

Industriya ng soy

Ngunit, kahit na gusto nating tangkilikin ang mga produktong gawa sa soy, halos 99% ng pangangailangan ng Pilipinas sa soybean ay galing sa Estados Unidos, at ang natitirang 1% lamang ay galing sa lokal na produksyon. Tinataya ng Department of Agriculture na ang lokal na ani ng soybean ay nasa 2,000 hanggang 3,000 tonelada kada taon at lahat ito’y napupunta sa industriya ng pagkain. 

Kahit na ganito ang lagay ng soybean industry sa Pilipinas ay maraming mga baguhang negosyante ang nagiisip na pumasok sa mga negosyo na tumatangkilik sa mga lokal na produksyon ng soy, gaya na lamang ni Bailey. 

“We are promoting local soy, meaning from local farmers from Isabela. Since 2014 doon kami nag s-source ng aming soy,” ani Bailey. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng pag suporta sa lokal na produksyon ng soy, ay mas maraming Pilipino ang makakakilala sa mga benepisyong dala nito. 

Ayon din kay Phoebe Williams, isang Assistant Professor sa Department of Agribusiness Management and Entrepreneurship sa UPLB, ang industriya ng soy ay magandang pasuking negosyo. Hinihikayat niya ang mga nais mag simula ng kanilang mga negosyo na pagtuunan ng pansin ang industriya ng soy.

Sabi niya kayang pasukin ng maraming maliliit na negosyo ang paggawa ng soy products kahit pa maliit ang puhunan, sa kadahilanan na hindi mahal ang mga sangkap at kagamitang kailangan upang simulan ito. Lalo na’t nagbibigay rin ang pag-usbong ng plant-based diet ng mas matatag na merkado para sa mga nagsisimulang negosyante na nais pasukin ang ganitong uri ng negosyo.

Sa ganitong paraan, mapapataas natin ang kamalayan at demand, na mas mag hihikayat sa mga magsasaka na magtanim ng soy dito mismo sa ating mga lupain, na magiging resulta ng pagbaba ng ating kakailanganan na mag import mula sa ibang bansa.

Nauusong Plant-Based Diets

Ang mga small business owners na maingat sa kalusugan kagaya ni Bailey ay mas pumapanig sa mga produktong bago sa merkado at mabuti sa katawan, sa kadahilanang nauuso na ang mga plant based diets.

Hinihikayat ang pagkonsumo ng abot-kayang pagkaing may soy-protein upang magkaroon ng mas malusog na pamumuhay. Ayon sa mga eksperto, mas nahuhumaling na ang mga Pilipino sa mga plant based diets, kasama na rito ang pag konsumo ng soy bilang kapalit ng karne.

Sabi ni Dr. Floirendo Flores, isang Doktor sa Agham ng Pagkain na may espesyalisasyon sa Pagproseso ng Pagkain, na ang soy raw ay magandang kinokonsumo bilang pamalit sa karne. 

“OK na alternative to meat, [dahil] very suitable. We have been doing that for a very long time and actively promoting textured soy protein as [a] vegan source of protein,” ani Flores.

Ayon din kay Genrev Esguerra, isang Registered Nutritionist-Dietitian na ang soybean at mga produktong gawa rito ay may malaking papel sa pag-iwas sa mga malulubhang sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, diabetes, at osteoporosis.

Dagdag pa rito, ayon naman kay Genrev Esguerra, isang Registered Dietician Nutritionist, ang soy ang pinaka-magandang option kung nanaisin mong mag simula sa plant based diet dahil bukod sa mataas ang protein content ng mga produktong gawa sa soy, ito ay ‘di hamak mas mura sa ibang plant based products at madali rin itong bilhin sa mga lokal na pamilihan.

“Hindi tayo major producer [ng soy] pero ang daming soy [sa market]. Madaling bilhin ang tokwa sa palengke, kasi maraming nag proprocess nito,” ani Esguerra.

Ngunit, gustuhin man ng karamihan na simulan mamuhay nang mas malusog, malaking epekto rin ang pag iimport natin ng ating mga soy mula sa ibang bansa. 

Ayon kay Williams, 95% ng soy sa bansa ay imported, at tanging 5% lamang ang locally produced. Isa sa mga malinaw na dahilan kung bakit nahihirapan ang mga maliliit na negosyo, gaya ng kay Bailey, na mag produce ng mas maraming mga produkto.

Sabi rin ni Williams na kung mapapalakas ang lokal na suplay sa pamamagitan ng maayos na pananaliksik, pagpapaunlad ng produkyson, at mga programang sumusuporta sa mga magsasaka, maaaring maging mas matibay ang pundasyon ng mga lokal na tanim na soy, hindi lamang para sa mga maliliit na negosyo kundi para rin sa layunin ng bansa na magkaroon ng sapat na pagkain para sa karamihan.

Ayon naman kay Flores, ang ganitong sistema ay aktibong mag papaasenso sa pag tangkilik ng plant-based diets na unti unting umuusbong sa Pilipinas na ang layunin naman ay mas gawing malusog ang pangaraw-araw na pagkain ng mga Pilipino. 

Pagsulong sa soy

Naniniwala si Bailey na ang maliliit na negosyo gaya ng Likhaya, ay may potensyal na mag dulot ng bagong kaalaman sa mga taong nag hahanap ng bagong paraan upang mas maging malusog sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga lokal na produktong masustansya.

“Nag thrive na dito yung soy, sa Philippines. Tapos, may processing technology si Food Science, may market, meaning kailangan na lang buohin ‘yung enterprise. ‘Yun na lang ‘yung pinaka naging role ko dito, na ipakita na may potential,” ani Bailey.

Isa rin sa dahilan kung bakit soy ang napiling pag tuonang pansin ni Bailey ay ang kulturang dala nito. Mula noon, ay talagang masugid na mamimili na ang mga Pilipino ng mga produktong gawa sa soy. Hindi lamang ito isang trend dahil sa mga nauusong diet, matagal na itong tinatangkilik ng mga Pilipino, ang tanging nabago lamang ay ang kagustuhan ng karamihan na mag tangkang sumubok sa mga plant based diets.

Ayon din kay Williams tuloy-tuloy lamang tinatangkilik ang mga produktong gawa sa soy dahil sa mga isyung etikal, pangkalusugan, at pangkalikasan. Kahit pa unti-unti pa lang ang pagbabago sa pagkain ng mga tao, lumalago naman ang bilang ng vegetarian, vegan, at flexitarian o mga vegetarian na paminsan-minsan ay kumakain ng karne. Ibig sabihin, may malinaw na pagbabago sa panlasa ng mga Pilipino.

Ang mga produktong gawa sa soy ay di hamak na mas mura at mas masustansya kumpara sa ating mga nakagisnan. Kailangan lamang natin na hikayatin ang mga magsasaka at mga nakaupo sa puwesto na tangkilikin at bigyang pansin ang produksyon nito. 

Iba’t ibang uri ng plant-based milk ang meron ngayon—gaya ng mula sa bigas, almond, at soy. Sa lahat ng ito, ang soy milk ang may pinakamataas na protein content, kaya ito talaga ang inirerekomendang alternatibo ng mga eksperto ayon kay Flores.

Ang payo ng mga eksperto sa nutrisyon gaya na lamang ni Esguerra, ay unti-unting bigyang kahalagahan ang ating kalusugan sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga plant based products, gaya na lamang ng soy. 

“For example, if you’re preparing your coffee, instead of using regular milk, soy milk ang alternative to fresh milk,” ani Esguerra. 

Sa panahon kung kailan mahalaga ang kalusugan at kabuhayan, ang pagtangkilik sa soy ay isang konkretong hakbang tungo sa mas malusog na pamumuhay, mas matatag na agrikultura, at mas maunlad na lokal na ekonomiya. 

Sa simpleng pagpili ng mga produktong gawa sa soy, nakakatulong ka na sa sarili mong kalusugan, sa mga maliliit na negosyo, at higit sa lahat, nabibigyan nito ng pagkakataon ang mga magsasaka na magkaroon ng mas maraming oportunidad sa pananim.