Ulat nina Clarisse Cardenas at Anna Nicole Francisco
Ano ang tunay na halaga ng perang padala?
Isa si Maricel Requiron, 46 na taong gulang na domestic helper na tubong Los Baños, sa mga libo-libong Pilipinong patuloy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Dahil sa kakulangan ng oportunidad na makapagtrabaho sa Pilipinas, napilitan siyang mangibang-bansa noong 2018 upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Limang anak ang nakadepende kay Maricel—dalawa ang nasa kolehiyo at tatlo ang nasa high school—habang ang kanyang asawa ay kasalukuyang walang trabaho. Para sa kanya, wala siyang ibang opsyon kundi magtrabaho sa abroad.
“‘Yung totoong sitwasyon sa buhay abroad ay talagang mahirap,” kwento ni Maricel. “Lalo na sa pakikisama sa ugali ng amo. Sa oras ng pagtulog mo, kinukulang ka. Sa oras ng pagkain, minsan lilipas ang gutom kasi kailangan ka o may trabaho ka,” dagdag pa niya.
Imported na tsokolate, damit, bag, at dolyar—ito kadalasan ang mga bagay na iniuugnay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) tulad ni Maricel. Ang bawat balikbayan box at perang ipinadadala ay naghahatid ng pananabik sa kani-kanilang pamilya.
Ngunit sa likod ng bawat balikbayan box at dolyar ay mga kwento ng sakripisyo. Ang bawat piraso ng tsokolate na isinisiksik sa balikbayan box ay simbolo ng puyat at pagtitiis sa kabila ng pangungulila sa ibang bansa; ang bawat dolyar ay bunga ng sipag at tiyaga, kahit madalas na kapalit nito ang walang katapusang pagtatrabaho.
Kaya naman, sa bawat buklat ng balikbayan box, mahalaga ring mabuksan ang kamalayan sa mga hirap na dinaranas ng mga OFW na nagpapadala nito.
Kwento pa ni Maricel, iba rin ang bigat sa pakiramdam na dulot ng pagiging malayo sa pamilya. Ayon sa kanya, mas nadarama niya ito kapag may problema o may sakit ang kanyang mga anak. Wala siyang magawa kundi manalangin, na siyang nagsisilbing tanging lakas niya tuwing may mga pagsubok.
Sa kabila ng mga karansang tulad ng kay Maricel, patuloy pa rin ang milyun-milyong Pilipino sa paghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang rehiyon ng CALABARZON ang nangunguna sa pinakamaraming bilang ng OFWs, na may 19% ng populasyon, kasunod ang Central Luzon na may 15.2%.
Malaking Kita, Malaking Ginhawa?
Para sa maraming OFWs, ang malaking kita sa ibang bansa ang daan patungo sa kaginhawaan. Ayon sa datos, umabot sa ₱238.63 bilyon ang kabuuang pera na ipinadala ng mga OFW sa Pilipinas noong 2023, higit na mataas kumpara sa ₱197.47 bilyon noong 2022. Ipinahihiwatig din nito ang pagdami ng bilang ng mga OFW upang suportahan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Ngunit sa patuloy na pagtaas ng bilihin sa Pilipinas, dagdag pa ang malaking gastusin ng mga OFW sa mga bansang pinagtatrabahuhan, tunay nga bang ang malaking kita sa ibang bansa ay nangangahulugan ding malaking ginhawa?
Si Rosemarie Oraya, asawa ng isang seafarer mula sa Dasmariñas, Cavite, ay nahihirapan nang pagkasyahin ang kanilang budget dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin. Bagamat kumikita ang kanyang asawa ng $2,000 kada buwan (humigit-kumulang ₱115,892), hindi raw ito sapat, lalo na’t may mga buwang walang trabaho ang kanyang asawa dahil kontraktwal ito.
“Kung ang inaasahan ko lang is ‘yung sweldo niya, hindi ko talaga kaya pagkasyahin,” ani Rosemarie. Dahil dito, napagdesisyunan niyang maghanap ng dagdag na pagkakakitaan tulad ng pagtatayo ng sari-sari store at street food cart.
Samantala, ganito rin ang karanasan ni Maricel, na kahit kumikita ng 1,800 riyals (₱27,772) kada buwan, ay hindi pa ring makapag-ipon. “Masasabi ko ngayon na umabot ako ng anim na taon pero wala pa akong masyadong napupundar o naiipon,” aniya. Dagdag pa niya, madalas magreklamo ang kanyang mga anak sa Pilipinas sa pagtaas ng presyo ng bilihin tulad ng bigas, na naging dahilan para magpadala ng mas malaking pera.
Ayon sa Household Expenditure Survey ng PSA, pagkain ang nananatiling pinakamalaking bahagi ng gastusin ng pamilya, na umabot sa 41.4% noong 2021 at bahangyang bumaba sa 39% noong 2023. Bukod dito, malaki rin ang itinaas ng gastusin para sa housing at utilities, mula sa 19.8% noong 2018 hanggang sa 23.7% noong 2023.
Tinutukoy ang inflation bilang rason sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Dahil dito, napilitang pagtuunan ng mga Pilipino ang mas mahigpit na pamamahala sa kanilang badyet. Isa sa mga lubos na naapektuhan ang personal care expenses, na bumaba mula 6.8% noong 2018, naging 4.2% noong 2021, at tuluyan pang bumagsak sa 3.7% noong 2023. Ipinahihiwatig nito na ang personal na pangangalaga ay hindi na isinasaalang-alang bilang pangunahing pangangailangan.
Matatag na Ekonomiya
Paliwanag ni Luisito Abueg, assistant professor mula sa College of Economics and Management (CEM) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), bagamat tila nakikinabang “nominally” ang mga OFW sa pagbaba ng halaga ng piso, nababawasan naman ang tunay na halaga ng kanilang kita dahil sa epekto ng inflation sa Pilipinas.
“Kapag nagde-depreciate ang exchange rate, nominally ay nakikinabang ang mga OFW—ang kanilang remittance na $1,000, halimbawa, ay nagiging mas mataas ang katumbas sa piso. Ngunit kung hindi sasabay ang produksyon sa dami ng perang umiikot sa merkado, nagiging sanhi ito ng inflation,” paliwanag ni Abueg.
Dagdag pa niya, ang labis na pag-asa sa remittances ay nagdudulot ng tinatawag na “Dutch Disease,” kung saan humihina ang lokal na ekonomiya dahil sa pagdepende sa perang nagmumula sa mga OFW. Ayon kay Abueg, nagiging balakid ito sa pagkamit ng matatag na ekonomiya, lalo na kung hindi inaaksyunan ng gobyerno ang pangangailangan sa paglikha ng maayos na trabaho para sa mga Pilipino.
Habang nananatiling umaasa ang bansa sa remittances mula sa mga OFW, kapalit nito ang patuloy na paghina ng lokal na ekonomiya. Pagdidiin ni Abueg, mahalaga ang pagkilos sa pambansang antas upang mapalakas ang ekonomiya. Kabilang dito ang pagbibigay trabaho na may patas at sapat na kita para sa mga Pilipino.
Happiness Premium, Kaya bang Maabot?
Ayon sa isang pag-aaral ng Expensivity, isang consumer website, kailangang kumita ng mga Pilipino ng ₱130,000 kada buwan upang maabot ang tinatawag nilang “happiness premium”—ang estado kung saan ang isang tao ay nakararamdam ng pinansyal na kaginhawaan, kayang tugunan ang mga pangangailangan, at magtamasa ng mas mataas na kalidad ng buhay nang walang patuloy na alalahanin sa pera. Ngunit kung ikukumpara ito sa PSA, ₱20,583 ang pangkaraniwang kita ng mga Pilipino kada buwan, ito ay 15.83% lamang na bahagi upang marating ang “happiness premium”.
Batay sa Occupational Wages Survey (OWS) ng PSA, ang pinakamataas na buwanang sahod sa bansa ay matatagpuan sa mga larangan tulad ng aircraft-related professions, software development, medicine, at accounting. Subalit kahit sa mga larangang ito, may mga pagkakataong hindi pa rin umaabot sa ₱130,000 ang sahod kada buwan.
Bukod dito, ang mga trabahong nabanggit ay malayo sa palad ng nakararami dulot ng edukasyon at kasanayan na kinakailangan. Kaya naman para sa mga mayroong high school diploma o technical-vocational education, tila imposibleng makamit ang “happiness premium”.
Ang katotohanang ito ang nagtutulak sa maraming Pilipino na mangibang-bansa at tiisin ang pagkawalay sa pamilya.
Trabaho Para sa Bayan Act
Samantala, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 27, 2023, ang “Trabaho Para sa Bayan Act,” na layuning tugunan ang mga hamon sa kakulangan ng trabaho at magtaguyod ng isang matatag at maunlad na ‘Bagong Pilipinas’.
Ang batas ay nakatuon sa pagpapabuti ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pagsasanay at pag-upskill; at suporta para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs), at iba pang mga stakeholders sa industriya.
“Makakatulong ang batas na ito upang masolusyonan ang iba’t ibang hamon sa ating sektor ng paggawa, tulad ng mababang kalidad ng trabaho, hindi akmang kasanayan, at underemployment, kasama na ang iba pa,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
Gayunpaman, tumaas ang underemployment sa 15.9 porsyento noong Hulyo 2023, kumpara sa 12 porsyento noong Hunyo 2022 at 13.8 porsyento noong Hulyo 2022 ayon sa PSA.
Iginiit din ng Trabaho Partylist spokesperson, Atty. Mitchell-David Espiritu, na dahil sa kawalan ng trabaho, karamihan sa mga pilipino ang sapilitang nangingibang-bansa para umunlad ang antas ng pamumuhay. Dagdag pa niya, ang pangingibang-bansa ay dapat isang “personal choice” lamang.
Kapiling ang Pamilya
Nahaharap ang gobyerno sa agarang hamon ng paglikha ng mga trabahong tunay na makabubuti sa kasanayan ng mga Pilipino at magpapanatili sa kanila sa bansa. Gaya ng paliwanag ni Abueg, sa pagkamit ng matatag na ekonomiya, kailangan ang tamang pagsasanay upang umangkop sa mga pangangailangan ng industriya. Hindi sapat na magtayo ng imprastraktura—nararapat na tugma sa kakayahan ng tao ang trabaho upang magtagumpay ito.
Sa huli, para sa mga OFW tulad nina Maricel at asawa ni Rosemarie, na mas piniling lumayo upang mabigyan ng maginhawang kinabukasan ang kanilang mga anak, ang bawat balikbayan box at remittances ay simbolo ng kanilang tagumpay. Ngunit ang tunay na nararapat sa mga Pilipino ay higit pa sa mga balikbayan boxes at remittances; ito ay ang pagkakataon na magtagumpay at maitaguyod ang kanilang mga pangarap nang hindi kinakailangang ng milya-milyang distansya, tagumpay na mararanasan kapiling ang pamilya.
MGA SANGGUNIAN:
Philippine Statistics Authority. (2024). Survey on Overseas Filipinos. Retrieved from https://psa.gov.ph/statistics/survey/labor-and-employment/survey-overseas-filipinos
Philippine Statistics Authority. (2024). Family Income and Expenditure Survey (FIES). Retrieved from https://psa.gov.ph/statistics/income-expenditure/fies
Expensivity. (2021). The Price of Happiness by Country. Retrieved from https://www.expensivity.com/price-of-happiness-by-country/
Philippine Statistics Authority. (2022). Occupational Wages Survey. Retrieved from https://psa.gov.ph/statistics/occupational-wages-survey
Philippine Statistics Authority. (2024). Labor Force Survey. Retrieved from https://psa.gov.ph/statistics/labor-force-survey/node/1684061252