Kapatid ng estudyante sa viral video ng Basaan Festival, desididong magsampa ng kaso

Ulat nina Arlette Lorzano at Rachel Sarif 

Ipinagdiwang ng Barangay Dayap, Calauan, Laguna ang Pista ni San Juan o ang Basaan Festival noong Hunyo 24, 2025. Ngunit nauwi sa kontrobersiya ang pagdiriwang matapos mag-viral ang video ng isang estudyante na umano’y binu-bully at nahirapang huminga dahil sa labis na pagbasa at pang-aasar na ilang mga kalahok.

Ayon kay Mark Magno, kapatid ng biktima, akala umano ng kanilang tatay ay hindi alas sais ang simula ng basaan kundi alas siete pa ng umaga, “Mali po ang impormasyong nakuha ng tatay ko,” paliwanag ni Magno. Dagdag pa niya, labis ang kanyang galit nang mapanood ang viral video ng kanyang kapatid na pinoprovoke ng isang babae. “Dun po talaga agad nagkulo ‘yung dugo ko, nung nakita ko yung video ng kapatid ko na nag viral at binu-bully po,” aniya. 

Sa panig ng pamahalaang lokal, iginiit ni Barangay Dayap Captain Domingo F. Audije na hindi nagkulang sa paalala ang lokal na pamahalaan sa publiko kaugnay sa pagdiriwang. Dagdag pa niya, dahil sa dami ng tao at kasayahan, hindi na rin naisip ng ilan na mali ang kanilang ginagawa. Hindi rin raw inaasahan ng mga opisyales na ganoon karami ang dadagsa sa kapistahan ng Basaan Festival.

Kaugnay sa reklamo ni Magno, bukas umano ang barangay sa anumang legal na aksyon, “Karapatan niyo po ‘yan na magblotter kayo. At kung ano [sino] man ‘yung nirereklamo niyo, ipatatawag natin para magkaharap ho kayo. At kung ano man po ang maging decision ng anumang pwedeng kaso ninyo, ay mananagot po dapat ang sino man pong dapat managot,” ani ni Barangay Captain Audije. 

Sa panawagan ni Magno, nanindigan siyang hindi maaring gamiting palusot ang tradisyon upang bigyang-katwiran ang pananakit o pambabastos.  “We all know na tradisyon n’yo lang ‘yun, but we cannot cover it by just using na ‘Ah, mababasa talaga kayo kasi tradisyon ‘yan’. Yes, mababasa kami or mababasa yung mga tao because babasain talaga intentionally. And I just want to let everyone know, kapag alam niyong public vehicles or private vehicles ‘yan, kapag alam n’yong nakababa yung mga cover nila, please lang, pakiusap naman po, ‘wag n’yo na iangat, ‘wag n’yo na sirain,” saad niya. 

Bagama’t nagpapasalamat si Magno sa suporta mula sa mga opisyal at kamag anak, mariin niyang iginiit na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban sa sinasabing responsable, na tinatawag online bilang “Tabo Girl”. Nakatakda ang paghaharap sa Hunyo 30, 2025. 

Bilang tugon, sinabi ni Barangay Captian Audije na paiigtigin pa nila ang mga patakaran at gumawa ng mga ordinansang maglalatag ng malinaw na alintuntunin para sa susunod na pagdiriwang ng Basaan Festival. Maliban dito, plano nilang magtakda ng isang lugar para sa pagdiriwang.