Isang himala: Pananampalataya at pagiging bakla, posible kaya?

Ulat nina Jaren Grace Duazo at Alyssha Felismino

Iba’t ibang sektor na nananawagan para sa pagpasa ng SOGIESC Equality Bill noon Southern Tagalog Pride March noong Hunyo 22, 2024 sa UPLB Carabao Park

“‘Yung pagiging LGBTQIA+ and religious, napakaimportant niya for me because there may be people out there who experience [the same struggles], young kids na nag-qquestion in their lives na gusto lang din talaga magdasal and to commune with someone out there.”

Ang tensyon sa pagiging relihiyoso  at pagiging isang bakla ni Pichi, 24 taong gulang at Romano Katoliko, ay isa sa mga bagay na patuloy pa ring nagbibigay pangaba sa kanya. Posible nga ba niyang maitulay ang kanyang sekswalidad sa kanyang pananampalataya?

Ang libo-libong isla sa Pilipinas ay testamento sa pagkakaiba-iba ng mga tao, kultura, at relihiyon na kaakibat nito. Tuwing naiisip ang mga Pilipino, ang kanilang pagkakakilanlan, tulad ng kabutihan ay maayos na pakikitungo, ang unang pumapasok sa isipan, sapagkat ito ay nagmula sa kanilang mga paniniwala at gawi sa pagsunod sa kanilang kultura at relihiyon. 

Sa loob ng isang relihiyosong bansa kagaya ng Pilipinas, na may potensyal maging isa sa pinaka-LGBTQIA+ friendly na bansa sa Asya, saan ilalagay ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community ang kanilang sarili habang ipinapahayag ang kanilang mga paniniwala?

Ang mga relihiyosong komunidad, na tinatahak ang mga konserbatibong pananaw patungo sa moderno at makabagong panahon, ay nagpapakita ng posibilidad ng pag-iral ng pagiging LGBTQIA+ at relihiyoso. Subalit, ayon kay Pichi, marami pa ang kailangang gawin upang matamo ang tunay na inklusibo at ligtas na espasyo na may maayos na pagsasama ng dalawa. 

Samantala, si Mark, isa ring miyembro ng LGBTQIA+ community at dating kasapi ng isang impluwensyal na relihiyon sa bansa, ay inilayo ang kanyang sarili mula sa institusyon bago siya pormal na pinatalsik noong 2022. Ayon kay Mark, ang isang kapaligiran na hindi tumatanggap sa mga kagaya niya, kahit siya ay naging isang church leader, ay nakakapagod sa mental at espiritwal na kalagayan nila. 

Aniya, “Though I do believe pa din sa ganon [spiritual beliefs], naging agnostic na lang ako kasi ang hirap maniwala kasi they’re not really open for the LGBTQIA+. And ang hirap na din magtiwala ng mga spiritual beliefs kasi almost 21 years akong nasa church that time, pero yun yung nafeel ko.”

Pilipinas: Ang Kristiyanong Bansa ng Asya

Ang Pilipinas ang tanging bansa sa Asya na ang pambansang relihiyon ay Kristiyanismo . Ito ay pangunahing dulot ng impluwensya ng pamumuno ng mga Katolikong Kastila sa loob ng 300 taon. Isa sa tatlong pangunahing sangay ng Kristiyanismo ang Romano Katoliko, habang ang Protestantismo at Ortodoksong Kristiyanismo naman ang dalawa pa.

Ayon sa 2020 Census of Population and Housing  ng Philippine Statistics Authority (PSA) , naitala na higit sa 78% o mga 85.6 milyong Pilipino  ang Katolikong Romano, habang ang ibang grupong Kristiyano ay nasa 1.9% naman. Ang dalawa pang relihiyon na prominente sa bansa ay ang Iglesia ni Cristo (INC) na may may 2.8 milyong indibidwal (2.6%) at ang Islam nay may 6.9 milyong indibidwal (6.4%). 

Ang mga relihiyon na ito ay laganap sa buong bansa, kung saan mahigit kalahati ng populasyon ng bawat rehiyon ay mga Katolikong Romano.  Sa rehiyon ng Bicol, at ng Eastern at Central Visayas, makikita ang pinakamataas na porsyento ng kanilang populasyon na nag-ulat bilang Katolikong Romano, na nasa 90-93%.   Habang  sa Rehiyon IV -A (CALABARZON), nag-ulat ng halos 14 milyong indibidwal (89%) na Katolikong Romano. Sa kabilang banda, ang Islam ay mas laganap sa katimugang bahagi ng bansa, kung saan nakararami ang mga Muslim sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kung ikukumpara sa 2015 Census of Population and Housing, kapansin-pansin ang pagbaba sa porsyento na kabilang sa ilang relihiyon. Ayon sa pinakabagong census, bumaba ng 2% ang populasyon ng mga Katolikong Romano, at ngayon nasa 80% na lamang. AAng Iglesia ni Cristo naman ay bumaba ng halos 0.1%.

Habang ang Pilipinas ay tahanan ng iba’t ibang relihiyon, ito rin ay tahanan ng samutsaring pagpapahayag ng pangkasarian at sekswalidad. Ang bawat relihiyon ay may magkakaibang antas ng pagtanggap sa mga kasapi ng LGBTQIA+ community.

Ang Iglesia Ni Cristo (INC) at ang Islam ay dalawang relihiyon sa Pilipinas na sumusunod sa heteronormative binary na pagkakakilanlang kasarian at oryentasyong sekswal. Ang mga banal na kasulatan ng Islam ay ginagamit upang apihin ang mga homosekswal. Ayon sa mga paniniwala ng INC, ang atraksyon at pagpapakasal ng magkaparehong kasarian ay itinuturing na pagtaliwas sa layunin ng Diyos sa paglikha ng lalaki at babae , kaya’t ang mga indibidwal na ito ay tinatanggal at pinalalayas mula sa simbahan kapag ito ay nalaman.

Antas ng Pagtanggap ng mga rehiliyosong Komunidad sa LGBTQIA+ na Komunidad

Ipinaliwanag ni Robbin Charles Dagle, isang lektor mula sa Ateneo De Manila University (AdMU), na ang paraan ng pagpapaliwanag ng simbahan sa mga doktrina at ang estruktura ng bawat relihiyon ay may papel sa paghubog ng pagtingin at pagtanggap sa komunidad ng LGBTQIA+ sa iba’t ibang relihiyon.

Sa Katolisismo, itinuturing ng Katesismo ang homosekswalidad  bilang “imoral at laban sa likas na batas. Gayunpaman, itinuro rin sa Katesismo na katulad ng ibang tao, ang mga homosekswal ay may parehong likas na dignidad at ang anumang hindi makatarungang diskriminasyon laban sa kanila ay dapat iwasan.

“Ang turo (sa Catechism ) is that homosexuals should be treated with respect, compassion, and sensitivity,” pahayag ni Dagle. 

Ngunit, mayroon pa ring mga relihiyon sa Pilipinas na may kasalunggat na pananaw tulad ng Kristiyanismo at ang mga sekta nito. Sila ay mas bukas sa pagtanggap sa komunidad ng LGBTQIA+ bilang isang pagdiriwang ng pagkakaiba-iba ng nilikha ng Diyos. 

Ang Protestante at Ebangheliko ay mas progresibo ang mga pananaw patungkol sa LGBTGIA+ bilang bahagi ng kanilang komunidad. Kabilang sa mga kilalang simbahan na may positibong pananaw sa komunidad ng LGBTQIA+ ay ang Open Table Metropolitan Community Church, United Church of Christ in the Philippines at ang Aglipayan Church. Noong 2023, ang Aglipayan Church, o kilala rin bilang Iglesia Filipina Independiente, ang kauna-unahang nag-ordinansa ng trans clergy. Ito ay nagsisilbing progresibong hakbang patungo sa isang mas inklusibong komunidad na panrelihiyon. Ngunit, mayroon pa ring mga relihiyon sa Pilipinas na may kasaluggat na pananaw.

Sa huli, ipinaliwanag ni Dagle na ang mga simbahan at ang kanilang pagtanggap sa komunidad ng LGBTQIA+ ay nakasalalay sa kanilang teolohiya at mga patakaran. 

“Kung gaano ka-bonded ang simbahan, kung gaano katindi ‘yung surveillance mechanisms ng simbahan mo, it would really depend. Buti na lang sa Catholic Church hindi ganoon katindi, pero INC and even sa Born Again churches, matindi. Mas nakakasakal,” aniya.

Pananaw ng mga estudyante sa dibisyon ng pagiging LGBTQIA+ at ng pagiging relihiyoso

Mula sa isinagawang survey ng Los Baños Times sa mahigit-kulang 50 na purposively sampled* na mga kasapi ng LGBTQIA+ na estudyante sa UPLB ay nakapagbigay ng datos sa kanilang pagkakakilanlang pangkasarian at oryentasyong sekswal, panrelihiyong  pagkakakilanlan  at ang kanilang paglahok sa mga relihiyosong aktibidad.

Mahigit sa kalahati ng mga LGBTQIA+ na respondente ay Katoliko. 

“Dati kasi, I think hindi lang naman ako, but a lot of people na part ng [Catholic] community na gusto mag practice ng faith, mayroong time na nag-try to be straight.”ani Pichi.  Napansin ni Pichi na ang mga doktrina ng simbahang Katoliko ay hindi isinasaklaw ang same-sex marriage at hindi ito  kinukunsinti. Ang paniniwalang ito ay nagdulot sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na bumalik sa itinuturo ng simbahan .

Ang teolohiya at sistemang paniniwala ng simbahan,  mga pamamaraan ng paglahok, at  bukas na espasyo sa pakikinig ng mga karanasan ng LGBTQIA+ ang mga salik na nagtutulak sa paghati ng LGBTQIA+ at relihiyosong komunidad. 

Ang mga simbahan na nagsasagawa ng conversion therapy o deliverance ay nakakaapekto sa mga pananaw at sa  pagbabalik-loob sa kanilang relihiyon ng mga miyembro ng LGBTQIA+

“It could be traumatic for some people if this is done at a young age… or if they don’t find more affirming or safe spaces for them to process this [LGBTQIA+ness] then it might cause baggage or negative self-perception in the future,” dagdag ni Dagle.

Ayon sa datos, may pagbaba sa paglahok ng mga tao sa mga aktibidad sa simbahan. 

Sa pagsusuri ng Social Weather Stations noong 2023 tungkol sa pagdalo ng mga Pilipino sa mga misa , 38% lamang ang dumadalo sa mga serbisyong ito sa isang beses sa isang linggo. 

Gayunpaman, pito sa sampung Katolikong Pilipino ang nagdarasal ng isang beses sa isang araw. Inilalarawan ni Dagle na ito ay  isang pagpapahayag ng pananampalataya ng isang indibidwal, kung saan ang relasyon nila sa Diyos ay mas naging personal.

Pagkakaroon ng samahan sa pagiging LGBTQIA+ at pagiging Rehiliyoso

Bagaman karamihan ay nagsasabing ang motibasyon nila sa pagsimba ay ang kanilang pamilya, pito (7) ang sumagot na ang kanilang motibasyon ay ang kanilang sariling paniniwala. May mga nagbahagi na sila ay nakakahanap ng lakas at kapayapaan sa pagsisimba.

Inilarawan ni Dagle na ang mga Pilipino ay hindi lubos na agnostiko sa kanilang pananampalataya at naghahanap pa rin sila ng kahulugan sa kanilang relihiyosong komunidad.  “Based on data and research, from experiences of LGBTQIA+ Filipinos around the country, pinanghuhugutan pa din ng lakas ng maraming LGBT na Pilipino ang kanilang pananampalataya,”dagdag niya.

(Batay sa datos at pananaliksik, mula sa mga karanasan ng mga LGBTQIA+ na Pilipino sa buong bansa, pinanghuhugutan pa rin ng lakas ng maraming LGBT na Pilipino ang kanilang pananampalataya.)

Para kay Pichi, nakahanap siya na kaginhawan sa pagkakaroon ng kaalaman na makakahingi siya ng suporta sa kanyang relihiyon at ka-relihiyon. Bagamat may iba siyang pananaw sa doktrina, ibinahagi niya na ang pagiging isang Katoliko ay ang pagiging mabait na tao at may  pag unawa sa iba, kahit na sila ay  deboto or espirituwal lamang.

“There is a reason kung bakit sila andon in the first place, and ikaw pa ba ang reason kung bakit sila aalis,” sabi niya.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa nina Dagle ukol sa relihiyon at kasarian, ang mga LGBTQIA+ na Kristiyano ay pangangailangan na  patunayan ang kanilang sarili  bilang mabuting Kristiyano upang maging katanggap-tanggap sila sa lipunan. Mayroong mga tumanggap ng kanilang pagkatao bilang isang ‘misyon’, kung saan ay mahikayat at maitaguyod ang mga LGBTQIA+. Sa kabilang banda, nakikita ng mga LGBTQIA+ ang kanilang pagkakakilanlan sa sarili bilang isang biyaya na hindi nakakapagpahamak ng iba–ito ay naglalarawan sa kanilang mga panrelihiyon at panlipunang pakikibaka. Ayon kina Dagle, mula rito, naipahayag ng LGBTQIA+  ang kanilang sariling kahulugan ng pagiging isang Kristiyano.

“Despite the teaching of churches with regards to LGBTQIA+ and despite the influence of these less affirming churches in the policies, LGBTQIA+ Filipinos themselves find meaning in their faith, their religion, and their faith community,” dagdag ni Dagle. 

Gayon din, pinahahalagahan ni Pichi ang pagiging LGBTQIA+ at ang pagiging relihiyoso  dahil may mga tao, lalo na ang mga bata, nagsususmikap maunawaan ang kanilang sarili at makahanap ng komunidad sa loob ng kanilang simbahan. 

“Wala akong ibang pinanghahawakan kundi to spread love,” sabi ni Pichi.

Ipinaliwanag din ni Dagle na ang pagtulong at ang aktibong paglahok ng komunidad ng LGBTQIA+ , lalo na ang mga gay, sa mga kaganapan ng simbahan ay kalimitang makikita sa sining at kultura tulad ng music ministry at mga dula-dulaan tuwing Mahal na Araw

“We see meaningful participation and leadership even. May isang linya sa research namin, isa sa mga di ko makakalimutan [ang sinabi ng isa] sa mga nakausap namin, “Kung wala ang mga beki sa simbahan mamamatay ang simbahan, ani ni Dangle. 

Patungo sa isang tunay na inklusibong mga espasyo rehiliyoso para sa LGBTQIA+ na Komunidad

Ang pagiging bahagi ng isang relihiyosong komunidad ay nagmumula sa malasakit sa kapwa Pilipino–anuman ang kanilang pagkakakilanlang pangkasarian at oryentasyong sekswal. Isang tungkulin na pakinggan ang mga turo ng simbahan, ngunit tungkulin din ng relihiyosong komunidad na panatilihing bukas ang puso at isipan, at hindi maging mapili  kung sino ang  igagalang at tratuhin  ng maayos.

Binigyan-diin ni Mark na mahalaga ang muling pagsusuri kung bakit nga ba sumasali ang mga tao sa mga relihiyosong komunidad. Ito ay upang makakuha ng lakas ng loob at mapayapa  hindi lamang galing sa Diyos kundi pati na rin sa kapwa relihiyoso. Sa pamamagitan ng ganitong mga komunidad, nakatatanggap ang mga tao ng suporta at pakiramdam ng pagiging kabilang sa isang komunidad.

Para kay Pichi naman, ang tulay sa pagitan ng komunidad ng LGBTQIA+ at relihiyoso ng komunidad ay ang pagkakaroon ng maayos at ka-abot-abot na communication channels. 

“[This is] not just for the catholic faith, ayusin and i-open ang communication channels. Be receptive sa criticisms. Open the floor for representation to come in,” sabi niya.

Dagdag pa ni Dagle, maari ring magbigay ang mga simbahan at relihiyosong komunidad ng mga ligtas na espasyo para sa counseling. Tiyakin na ito ay pinamamahalaan ng mga propesyonal na may sapat na pagsasanay sa sikolohikal na aspeto. Ang pakikinig sa mga karanasan ng kanilang LGBTQIA+ na mga miyembro ang  unang hakbang na maaring gawin ng isang simbahan upang makalikha ng tunay na inklusibong espasyo para sa pagsamba.

*Pichi ay hindi niya tunay na pangalan, ito ay ginagamit niya bilang palayaw.
*Mark ay hindi niya tunay na pangalan, ito ay ginamit sa istorya bilang isang pseudonym upang maitago ang kanyang identidad bilang dating INC
*Paunawa: Hindi intensyon ng survey na mag generalize sa buong populasyon ng UPLB, kundi kunin lamang ang mga pananaw ng mga naging bahagi nito

Mga Sanggunian
Buckley, D. (2023, October). Philippines Religion, Peace and Conflict Country Profile. United States Institute of Peace. https://www.usip.org/programs/religion-and-conflict-country-profiles/philippines#:~:text=The%20Philippines%20is%20sometimes%20described,percent%20of%20the%20overall%20population
Cabico, G. K. (2023, February 21). SWS: Only 38% of Filipinos attend religious services weekly. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2023/02/21/2246557/sws-only-38-filipinos-attend-religious-services-weekly
Cornelio, J. S., & Dagle, R. C. M. (2024, September 9). Who am I? Whom can I love? And why me? LGBTQIA+ Christians and the spirituality of struggle. Critical Research on Religion, 12(3), 266–284. https://doi.org/10.1177/20503032241277494
Dagle, R. M. (2023, February 24). Historic, revolutionary: Iglesia Filipina Independiente ordains first trans woman clergy in PH. RAPPLER. https://www.rappler.com/philippines/iglesia-filipina-independiente-ordains-transgender-woman-clergy-philippines/
Poushter, J., & Kent, N. (2020, June 25). The global divide on homosexuality persists. Pew Research Center. https://www.pewresearch.org/global/2020/06/25/global-divide-on-homosexuality-persists/
Tiosen, N. P. (n.d.). For they are no longer two, but one – Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ). Iglesia Ni Cristo (Church of Christ). https://iglesianicristo.net/for-they-are-no-longer-two-but-one/
Philippines Statistics Authority. (2020). Religious Affiliation in the Philippines (2020 Census of Population and Housing). https://psa.gov.ph/content/religious-affiliation-philippines-2020-census-population-and-housing
Catholicism in the Philippines. (n.d.). Religion and Public Life at Harvard Divinity School. https://rpl.hds.harvard.edu/faq/catholicism-philippines