Ulat nina Rachel Sarif at Celsa Suan
Libreng anti-rabies vaccine ang ipinagkaloob sa mga alagang hayop sa Los Baños nitong Hunyo 28, 2025, sa iLab Community Park. Ang vaccination drive ay pinangunahan ng Upsilon Sigma Phi University of the Philippines Los Baños (UPLB) Chapter katuwang ang mga veterinary medical students mula sa UP Alpha Chiron Society. Layunin ng inisyatibong ito na masiguro ang kaligtasan ng mga ‘fur babies’ at proteksyon ng mga residente mula sa rabies virus.
Bagamat nakakamatay ang rabies, 100% itong maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna, ayon sa mga eksperto. Nagpapalitaw ang bakuna ng mga antibodies sa katawan na lumalaban sa rabies virus, kaya mahalaga itong proteksyon hindi lamang sa mga alagang hayop, pati na rin sa komunidad laban sa pagkalat ng rabies virus.
“Prevention is better than cure,” ani Dr. Antionio Augustus Laranas, veterinary health consultant. Binigyan-diin ni Dr. Laranas ang kahalagahan ng edukasyon ng publiko tungkol sa rabies vaccination at ang regular na pagpapabakuna ng mga alagang hayop bilang isang ligtas at mahalagang gawin ng mga pet owners, “Ang regular na pag vaccine ng mga fur babies ay proteksyon ng mga alaga laban sa rabies, na siyang proteksyon rin ng pamilya laban sa disease,” saad niya.
Mahalagang alamin ang kasaysayan ng pagbabakuna ng isang hayop kapag ito ay nakakagat, “If the animal is vaccinated, ang risk mo for rabies is very low, you can have the anti- tetanus shot lang and you don’t need to go to the post exposure treatment. Pero kung stray dog yan or unvaccinated animal ‘yan, you are at high risk of rabies infection,” paalala ni Dr. Laranas.
Samantala, balak umano ng Upsilon Sigma Phi na gawing taunan ang pagsasagawa ng libreng pagbabakuna upang mas paigtingin pa ang kampanya laban sa rabies.