Ulat nina Merry Mariano at Rainier Abundo
Upang mapadali ang pag-access sa mga mahahalagang serbisyo ng gobyerno at institusyon, nagsagawa ang Human Resources Development Office (HRDO) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ng isang one-day service desk fair noong Hunyo 26 sa Charles Fuller Baker Hall, bilang bahagi ng HR Fair 2025.
Sabay-sabay na nagbigay ng serbisyo ang iba’t ibang ahensya at organisasyon, kabilang ang Pag-IBIG, PhilHealth, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), UP Provident Fund, UPEMCO, Laguna Prime Multipurpose Cooperative (LPMC), Civil Service Commission (CSC), University Health Service, Institute of Human Nutrition and Food, HealthServ, at iba pa.
Layunin nito na mailapit sa mga empleyado ang mga serbisyong ito, gaya ng pag-follow up sa benepisyo, pag-update ng personal na records, pagsagot sa mga katanungan, at pagproseso ng mga dokumento. Sa ganitong paraan, hindi na kinakailangang lumabas pa ng mga kawani sa Los Baños para sa kanilang transaksyon.
Naging abala ang bawat booth sa pagtanggap at pagtugon sa mga kliyente mula sa unibersidad. Maraming kawani ang nakinabang sa pagkakataong makapag-asikaso ng personal na transaksyon sa loob mismo ng campus, kaya’t nakaiwas sila sa abala ng pagbiyahe at pagtungo sa mga opisina sa labas.
Ayon sa HRDO Human Resources Development Office (HRDO) ng UPLB, ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng unibersidad na isulong ang kapakanan ng mga kawani sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang serbisyo sa lugar ng kanilang trabaho.