Ulat ni Marchy Bacoy

Larawan ng Tinfoil barb o Tinghoy (Barbonymus schwanenfeldii) na nahuli sa Laguna de Bay noong 2024. Larawang kuha ni Mark Aboganda.
Nagbabala ang mga mananaliksik mula sa Ateneo de Manila University matapos kumpirmahin ang presensya ng bagong invasive species ng isda sa Laguna de Bay, na nagdudulot ng seryosong banta sa ecosystem ng lawa.
Ang tinfoil barb (Barbonymus schwanenfeldii) o mas kilala sa “Tinghoy” ay isang uri ng isdang karaniwang makikita sa mga aquarium. Kilala ito dahil sa taglay nitong mga matang nagmimistulang bakal.
Ayon sa mga mananaliksik, ang mabilis na pagdami ng isdang ito ay magdudulot ng pangmatagalang pinsala tulad ng pagkaubos ng mga native species, pagbago sa balanse ng ekosistema, at pagbaba ng biodiversity.
Sa pag-aaral nina Kent Sorgon, Marjorie Martinez, Andrei So, Mariko Aboganda, Jazreen Parungo, Aeris Poricallan, Keona Prieto, Mellissa Magday, Alexa Geronimo, Ma Vianca Julia Anupol at Derreck De Leon, mga biologists mula sa Ateneo de Manila, ang Tinhoy ay nahuli sa Laguna de Bay noong 2024 at sumailalim sa masusing morphological analysis. Ito ang kauna-unahang ebidensya ng pagkakaroon ng tinfoil barb sa lawa.
Ang Laguna de Bay ay patuloy na humaharap sa mga banta mula sa iba pang invasive species tulad ng janitor fish, tilapia, at clown knifefish. Ayon sa mga lokal na mangingisda, matagal na nilang nakikita ang naturang isda.
“Madalas ko makita ‘yan kapag nagfi-fishing ako sa Pagsanjan, akala ko normal lang” ani Jefferson Maglasang, isang fishing hobbyist mula tubo sa Sta Cruz Laguna.
Bilang tugon sa problemang ito, ipinanukala ng mga mananaliksik ang pagsasagawa ng national inventory ng mga freshwater invasive species at paghihigpit sa biosecurity policies. Nanawagan din sila na mas palawakin ang kampanya sa edukasyon ng publiko tungkol sa epekto ng pagpapakawala ng exotic species, tulad ng Tinghoy, sa ating likas na yaman.
Bagama’t madalas itong ibinebenta sa mga pet shop, ang pagkahuli ng tinfoil barb sa Laguna de Bay ay isang patunay na ang maliit na kapabayaan ng tao ay maaaring magbunga ng malaking pinsala sa ating kalikasan.
Sanggunian:
Sorgon, K. E. S., Martinez, M. J. L., So, A. J. F., Aboganda, M. F. R., Parungo, J. N. G., Poricallan, A. J. G., Prieto, K. T. B., Magday, M. J. S., Geronimo, A. C. D. C., Anupol, M. V. J. E., & De Leon, D. O. (2025). First specimen-based record of Barbonymus schwanefeldii (Bleeker, 1854) (Teleostei: Cyprinidae) from Laguna de Bay, Philippines. Philippine Journal of Systematic Biology, 18(1), 55–58. https://archium.ateneo.edu/biology-faculty-pubs/186/