Burdang Lumban, Buhayin at Itaguyod ang Tradisyon at Sining

Ulat ni Lawrenz Fabico

Sa bayan ng Lumban, Laguna—kilala bilang “Embroidery Capital of the Philippines”— ang pagbuburda ay nagsisilbing puso at tahi ng ating kabuhayan at kultura, pati na rin ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mga hibla ng ating pagkakakilanlan ay unti-unting napuputol.

TIGNAN: Isang halimbawa ng mga gawang-kamay mula sa mga Burdera ng Lumban. Kuha ni Lawrenz Fabico

 Ano nga ba ang burdang mula sa Bayan ng Lumban? 

Para sa karamihan, ang pagbuburda ay isang tipo ng sining kung saan binibigyang buhay nito ang mga simetrikong disenyo—mula sa pag-iisip hanggang sa paghahabi, pagtatahi, at pagbibigay reyalidad nito gamit ang iba’t-ibang tela tulad ng husi at pinya, na karaniwang ginagamit sa paggawa ng tradisyonal na pananamit. Minsan, itinuturi itong isang negosyo ngunit minsan ay tinatawag din itong isang uri ng tradisyon at sikat na kultura. 

Sa Lumban, matatagpuan sa timog bahagi ng Laguna, makikita ang kilalang mga pambansang pananamit na tinatahi gamit ang kamay at ang bawat disenyo nito ay may malalim na kahulugan. Ayon sa mga lokal na mga mambuburda, ang bawat disenyo ng mga kanilang burda ay humuhugot ng inspirasyon mula sa kapaligiran, o kaya naman sa values na makikita nila sa mga nagsusuot o magsusuot ng mga ito. 

Bilang 500 taong tradisyon at matagal nang bahagi ng kanilang kultura, ang mga mambuburda sa Lumban ay gumagamit ng “Calado”—isang teknik sa pagbuburda kung saan pinaghihiwalay ang bawat hibla ng tela upang gamitin ang mga ito sa paggawa ng iba’t ibang klase ng ukit sa damit. Sa pamamagitan nito, namukod-tangi ang kanilang mga handmade Barong Tagalog, Filipiniana, at iba pang tradisyunal na mga kasuotan kumpara sa mga burdang gawa sa ibang bayan. 

TIGNAN: Ang pagbuburda na hugis bilog tulad ng mga ito ay isang halimbawa ng kung paano gawin ang “calado.” Kuha ni: Lawrenz Fabico

Sa kabila ng pagkakakilanlan, ano na kaya ang nangyayari rito? 

Sa paglipas ng panahon, ang pagbuburda ang nananatiling kabuhayan ng maraming lokal at nagsilbing susi sa tagumpay at pagtataguyod ng kani-kanilang pamilya. Subalit sa kabila ng pagiging sikat nito at mahigit 400 taong tradisyon at pamumuhay, patuloy pa rin ang kinakaharap na mga suliranin pagdating sa produksyon, dulot ng iba’t ibang dahilan. 

Kahit sa taglay nitong kasikatan, malaking suliranin pa rin ang kakulangan ng interes ng mga Pilipino sa mga tradisyonal na pananamit. Dahil dito, bumababa ang kita ng mga mambuburda sa Lumban, kaya’t marami sa kanila ang napilitang itigil ang pagpapatuloy sa kanilang tradisyon at sining. 

Bukod dito, mapapansin din ang pagtanggi ng mga kabataan sa pagpapatuloy ng burda dahil sa mas malawak na oportunidad na nakalatag sa kanila sa ibang lugar—tila’y isang pagtatastas na tuluyang pumutol sa tahi ng kanilang pagkakakilanlan bilang “Embroidery Capital of the Philippines”.  “Sa kabataan naman, okay pa naman ang pagbuburda kaso siguro humihina dahil marami nang lumuluwas para magtrabaho doon,” ani Elina Llames, isang 58 taong gulang na magbuburda. 

Sa dalawang dekada ng pagbuburda ni Llames, ngayon niya na nadarama ang hirap dahil sa liit ng kita, na nagiging dahilan ng hindi kumikitang kabuhayan. Dagdag pa rito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pagtangkilik ng mga tradisyunal na pananamit sa mas mababang halaga. 

Sa kasalukuyan, tanging ang Barangay Concepcion na lamang ang nanatiling matatag sa pagtatahi ng mga sinulid ng kanilang tradisyon at sining, “Hindi din naman nawawala ang kultura…dito sa barangay. Pero madalang na sa bayan ‘yung nagbuburda, mga matatanda na lang talaga…kumbaga yung dati na, pero yung mga bata wala talaga eh. Iba na ang gusto ng mga kabataan ngayon at dapat natin itong tanggapin,” saad ni Angelina Bacsafra, isang 49 taong gulang mula sa Barangay Concepcion. 

TIGNAN: Mga gawa ni Nanay Gina “Ka Gina” Anciete Osio noong binebenta aniya niya ang kanyang mga hand-crafted na mga produkto noong ginanap ang National Arts and Crafts Fair noong nakaraang taon.( Kuha ni Gina Osio)

Pahayag naman ng pag-asa

Marami mang suliranin, nananatili pa rin ang pag-asa sa bawat karayom at sinulid ng mga lokal na mambuburda para tibayan ang kanilang loob upang isalba at ipagpatuloy ang burda sa kanilang bayan. 

“Para din sa akin, para maging interesado [sa pagbuburda]; hindi lang dito sa Barangay Concepcion, [pati na rin] sa ibang barangay, dapat gumawa ang munisipyo ng isang workshop sa bawat barangay [para] magkaroon ng ano [interes] sa pagbuburda” ani Ka Gina, isang 58 taong gulang mambuburda na siyang tumutulak sa lokal na pamahalaan ng Lumban na maglunsad ng iba’t ibang programa tulad ng workshop at youth interesting topic upang mabuhay muli ang diwa ng Burdahan sa Lumban. 

Sa pahayag ni kasalukuyang Vice Mayor Belen Raga, nais niyang gawan ng paraan upang maipaabot ang pagbuburda sa mga eskwelahan upang mahikayat ang mga kabataan. “I-include sana ito sa school, para manatili ang kultura nating Barong Tagalog na hand embroidery,” ani Vice Mayor Raga. 

Kahit pa tastasin ang mga obrang kumakatawan sa kanilang tradisyon, kultura, at sining, hindi mawawala ang pag-asang maitahi muli ang sinulid na nagpapatibay sa kanilang kultura at tradisyon sa pagbuburda. Kailangan ang puso na makipagtulungan at gumawa ng kolektibong aksyon para sa mga mambuburda mula sa Lumban, Laguna.