Ulat nina Katrina Panaligan at Jan Paolo Pasco

Aktibong nakiisa ang mga mag-aaral sa ikaapat na baitang sa isinagawang Alpha Basa program ng BN Calara Elementary School. Ang Alpha Basa ay isang
game-based program na napatunayang epektibo sa pagtulong sa mga non-readers na matutong bumasa. Larawan mula sa BN Calara Elementary School Documentation Team.
“Sa pagtuturo sa bata, ang guro at ang magulang, dapat magtulungan.”
Ito ang binigyang-diin ni Angela Manalo, English reading coordinator ng Bernaldo N. Calara Elementary School (BNCES), habang tinatalakay ang patuloy na hamon sa literacy, lalo na sa larangan ng pagbabasa, sa kanilang paaralan.
Isa ang BNCES sa maraming pampublikong paaralan na patuloy na nakikibaka upang mapataas ang antas ng pagbabasa ng mga mag-aaral. Sa kabila ng pagsisikap ng mga guro, marami pa rin ang nahihirapan sa pagbabasa, ito man ay mula sa aklat o nakasulat sa pisara— isang hamon na hindi lamang isang datos kundi isang araw-araw na realidad sa mga silid-aralan.
Ayon sa datos mula sa United Nations, 584 milyong bata sa buong mundo ang nakaranas ng hirap sa pagbabasa noong 2020—ang panahon kung kailan maraming paaralan ang napilitang magsara dahil sa COVID-19 lockdown. Hindi ligtas ang Pilipinas sa ganitong uri ng isyu. Sa ulat ng Philippine Business for Education noong 2023, siyam sa bawat 10 bata na may edad sampung taon ang hindi makapagbasa ng simpleng teksto —isang malaking hamon sa muling pagbangon ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Para sa mga gurong kagaya ni Manalo, kailangan pagtulungan ng mga guro at magulang upang matugunan ito.
Lumalalang Krisis sa Pagbabasa
Bago pa man ang pandemya, mataas na ang learning poverty sa bansa—70% ng mga batang Pilipino ang nakararanas ng matinding pagsubok sa pag-aaral, at nakapaloob rito ang kawalan nila ng kakayahang bumasa at umunawa, ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund. Mas pinalala pa ito ng pandemya dahil sa kawalan ng face-to-face classes , limitadong access sa mga kagamitan, at kahirapan ng maraming magulang na suportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa bahay.

Halos kalahati ng mga mag-aaral mula Baitang 3 hanggang 6 sa BNCES ay hindi pumasa sa pagsusuri sa pagbabasa noong Taong Panuruan 2022–2023.
Ang suliraning ito ay nararanasan din ng mga lokal na paaralan ng Los Baños tulad ng BNCES. Mahihinuha mula sa Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) ang negatibong epekto ng dalawang taong kawalan ng face-to-face classess sa paaralan.
Ayon sa datos ng Phil-IRI, umabot sa 49% ng mga mag-aaral mula ikatlong baitang hanggang ika-anim na baitang ang bumagsak sa isinagawang pagsusulit, habang halos 17% namang ang hindi nakasali dahil sila ay non-readers o hindi nakakabasa. Ang datos na ito ay naglalarawan na ang karamihan sa populasyon ng mga mag-aaral mula sa mga nabanggit na baitang, na nagpapakita ng malaking agwat sa literacy na kinakailangang masolusyunan sa muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga silid-aralan.
Ang Phil-IRI ang batayan ng BNCES sa pagsusuri ng kakayahang magbasa ng mga mag-aaral pagkatapos ng pandemya. Sa kasamaang palad, walang anumang programa ang isinagawa upang humusay sa pagbabasa ng mga mag-aaral sa kasagsagan ng pandemya.
“Wala kasing intervention noon [during the pandemic] at sa bahay lang alaga sila. Kaya hindi ganun [kaayos] ang pagbabantay sa reading, lalo na’t wala pong face-to-face,” paliwanag ni Angela Manalo.
Masasabing ang pangunahing alalahanin ng paaralan at ng mga guro noong pandemya ay nakasentro sa pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng iba’t ibang hamon. Dagdag rito ang paggawa ng mga paraang makatutulong sa pagtataguyod ng academic resilience habang hinaharap ang pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Pansamantalang Pagbabago, Pangmatagalang Epekto
Buhat ng pabago-bago/ pagbabago sa kalagayan ng edukasyon sa bansa, nag-iba rin ang mga pamamaraan sa pagtuturo ng mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa loob ng dalawang taon, walang direktang ugnayan sa pagitan ng mga guro at mag-aaral. Tanging pamamahagi ng mga modyul ang kanilang naging paraan upang magpatuloy ang edukasyon sa mga panahong limitado ang galaw ng mga tao sa komunidad. Ito ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng mabilis na pagbatid ng mga puna o komento sa akademikong gawain ng mga mag-aaral, lalo na sa kanilang pagbabasa.
“Mas mahirap pa nga po yata nung nagmo-modular, kaysa face-to-face. Kasi mas nahihirapan sila [mga magulang] na modular yung mga bata,”pagpapahayag ni Manalo tungkol sa karaniwang pagsubok na hinarap ng mga magulang. Ito ay masasabing totoo bunsod ng iba’t ibang salik na nakaaapekto sa kakayahan ng mga magulang na turuan magbasa angkanilang mga anak sa sariling tahanan.
Si Kristine Marie Reyes, isang lektor mula sa College of Human Ecology ng University of the Philippines Los Baños at mananaliksik sa paksang child development at family and community education, ay nagbigay linaw sa iba’t ibang salik na nakaaapekto sa pagtatatag ng mga gawi sa pagsasanay sa pagbabasa ng kanilang mga anak. Marami sa mga salik na kanyang nabanggit ay nakaugnay sa kalidad ng pananaw ng mga magulang sa kanilang kredibilidad bilang pangalawang guro, tulad ng mababang self-esteem, kawalan ng kakayahang magturo, at minsan, kawalan mismo ng kaalaman sa pagbabasa.
“Lumaki din kasi sila [parents] sa isang sistema na hindi naman din sila masyadong ginabayan ng kanilang mga magulang kasi yun yung traditional way of learning sa school, bahala na ang school. Also, I think a lot of parents are intimidated by the amount of knowledge that they have to impart doon sa children,” ani Reyes.
Samantala, binigyang-diin naman ni Manalo ang kanilang paghihirap dahil hindi naging handa ang kanilang paaralan sa biglaang paglipat sa remote learning mula sa tradisyunal na pagtuturo.
“Hindi naging handa kasi biglaan. Kasi wala pa noong mga materials na dumating. So kailangan namin mag-print para may maipamigay kami,” aniya. Dagdag pa niya, tanging mga magulang lamang ang nakasalumuha at nakausap ng mga guro noong panahon ng pandemya, kaya ang balita mula sa kanila lamang ang basehan ng progreso sa pagbabasa ng mga bata, o kaya naman ay ang kawalan nito.
Bagama’t nagpatuloy ang edukasyon habang lockdown, naging mahirap pa rin para kina Manalo ang pagtuturo at palakasin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsulat. Ang kanilang karanasan na magbigay ng mga babasahin ay walang kasiguraduhan kung ang mga bata ay aktibong nagbabasa o sumasagot lamang sa mga aktibidad upang makapasa.
Krisis sa Pagbabasa: Noon at Ngayon
Patuloy na lumalala ang krisis sa pagbabasa sa Pilipinas, kung saan nahihirapan ang mga mag-aaral na maabot ang mga pangunahing pamantayan sa literacy . Ayon sa datos ng Program for International Student Assessment (PISA) noong 2022, ang Pilipinas ay nasa ika-77 na pwesto sa 81 bansa, kung saan ang mga 15-anyos na Pilipino ay nakakuha ng 347 puntos sa pagbabasa – malayo sa pangkaraniwang markang 476 ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Dagdag pa rito, isang ulat mula sa World Bank ang nagsiwalat na 91% ng mga batang Pilipino na may edad 10 ay nahihirapan magbasa at umunawa ng simpleng teksto.

Mahigit isang-katlo ng mga mag-aaral sa BNCES, batay sa Phil-IRI
assessment ng Taóng Panuruan 2024–2025, ay nasa mababang antas ng kasanayan sa pagbabasa.
Sa lokal na antas, ang krisis sa literacy ay nakakabahala . Ayon sa datos mula sa Phil-IRI assessment para sa S.Y. 2024-2025 sa BNCES, mula sa 303 mag-aaral sa ikatlo hanggang ika-anim na baitang na kumuha ng pagsusulit, 106 ang naitalang frustrated readers at non-readers.
Binibigyang-diin din ang kahalagahan ng mga targeted interventions upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral. “May assessment naman tayong ginagawa para sa mga non-readers, parehong pre-test at post-test sa reading. [Pero]dapat, pagdating ng
post-test, kahit papaano, nakakabasa na ang mga non-readers. Kung hindi pa rin nila magawa, ibig sabihin, may mas malalim na problema na kailangang matugunan,” paliwanag ni Manalo.
Sa kasalukuyan, ang krisis sa literacy ay nakaaapekto sa buong sistema ng edukasyon tulad ngkalidad at daloy ng pagtuturo, karanasan ng mga mag-aaral sa klase, at mga pamantayan para sa akademikong pag-unlad.
Madalas nahihirapan ang mga guro sa pagbabago ng mga plano sa aralin upang umangkop sa mga mag-aaral na hindi nakakabasa. Ito ay nagpapabagal sa progreso ng buong klase at nagiging sanhi ng domino effect na nakaaapekto sa lahat ng mag-aaral, hindi lamang sa mga nahihirapan sa pagbabasa.
“Wala ‘yung discipline and ‘yung span ng attention,” ibinahagi ni Viena Allovida, Filipino reading coordinator ng BNCES, tungkol sa kasalukuyang hamon na kinakaharap ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral.
“Bilang teacher, hangga’t maaari, gagawa kami ng paraan. Ginagawa naman talaga ng mga teacher ang lahat ng makakaya para matulungan ang mga bata,” dagdag pa niya, hinggil sa pagsusumikap ng mga guro sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap.
Papel ng Pamilya sa paghubog ng literacy sa mga bata
Laging sinasabi na ang pamilya ang unang paaralan ng isang bata, at ang mga magulang ang kanilang unang guro. Dahil dito, mahalaga na aktibong sinusubaybayan ng mga magulang ang paglaki ng kanilang anak, lalo na sa bahay, kung saan nabubuo ang pundasyon ng panghabambuhay na mga gawi.
Samantala, binigyang-diin ni Reyes, isang eksperto sa human at family development, ang kahalagahan ng gabay ng mga magulang sa pagbabasa ng kanilang anak.
“Even before the pandemic, lagi na naming sinasabi ang halaga ng papel ng mga magulang sa literacy ng mga bata. Gusto naming ipaintindi sa parents at teachers kung gaano kahalaga ang kanilang papel sa paglago at pagkatuto ng kanilang anak,” paliwanag niya.
Gayunpaman, nahihirapang gampanan ng maraming magulang ang kanilang papel bilang gabay sa pag-aaral ng kanilang anak dahil sa mga sistematikong gawi at nakasanayang pananaw ukol sa edukasyon ng mga bata.
“Traditionally, nakasanayan na natin na iaasa ang learning process sa school,” pagbabahagi ni Reyes. Sa loob ng maraming dekada, halos lubos na umasa ang mga pamilya sa mga paaralan para sa edukasyon, kaya’tmaraming magulang ang hindi sigurado kung paano tutulungan ang kanilang mga anak sa bahay.
Inamin din ni Reyes ang mga hamon na kinakaharap ng maraming magulang, lalo na ang mga nasa mahihirap na komunidad, sa pagsuporta sa literacy ng kanilang anak, tulad ng kakulangan sa oras at mga resources.
“Hindi rin natin sila masisisi. Yung time management, resource management, at mismong kasanayan nila, limitado. Lumaki rin kasi sila sa sistema kung saan hindi rin sila masyadong ginabayan ng kanilang mga magulang,” paliwanag niya.
Samantala, naging mas personal pa ang hamon para sa mga magulang na kulang sa pormal na edukasyon.
“Worse, yung mga magulang mismo—lalo na yung nasa laylayan ng lipunan—hindi rin nakapag-aral. Parang, ‘Kahit ako (parent) nahihirapan magbasa, paano ko pa tuturuan yung anak ko?’” paliwanag ni Reyes.
Ang mga hamong ito ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mga programang magbibigay-lakas sa mga mag-aaral at mga magulang, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pangunahing kasanayan at kumpiyansa upang masuportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak.