Ulat nina Birkita Abella at Aman Ocampo
Hindi umano naging matagumpay ang isang batas na naglalayong maisulong ang mga teknolohiyang agrikultural na pinondohan ng pamahalaan tungo sa komersiyalisasyon, dahilan upang manatili ang tinatawag na “vicious cycle of underinvestment” o paulit-ulit na kakulangan sa pamumuhunan sa paglilipat ng teknolohiya.
Sa ginanap na “CEMposium” ng College of Economics and Management (CEM) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong Setyembre 7, 2026, sinabi ni Dr. Roehlano M. Briones, Senior Research Fellow ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na “not at all” naging matagumpay ang Republic Act No. 10055 o Philippine Technology Transfer Act of 2009 sa pagkamit ng layunin nitong maisulong ang paggamit at komersiyalisasyon ng mga teknolohiyang mula sa pananaliksik na pinondohan ng pamahalaan.
Sa presentasyon ng kaniyang pananaliksik, sinabi ni Briones na labis umanong nabibigyang-diin sa pagpapatupad ng batas ang pampublikong interes at mga safeguard o pananggalang kumpara sa komersiyalisasyon ng mga teknolohiyang pinondohan ng pamahalaan.
“Ay, baka tagilid ang gobyerno, kasi ‘pag kumita na ito, dapat hindi lahat pupunta doon sa private sector kasi taxpayer ang pondo nito,” paglalarawan ni Briones sa ganitong pananaw.
Sa 1,340 teknolohiyang agri-food na pinondohan ng pamahalaan at nalikha mula 2021 hanggang 2025, umabot lamang sa ₱23.5 milyon ang kabuuang royalties, ayon sa datos na inilahad ni Briones. Tinawag niya itong “pathetic,” na may katumbas na average na humigit-kumulang ₱18,000 na royalty sa bawat teknolohiya.
Inihambing ni Briones ang halagang ito sa ₱30-bilyong badyet ng National Rice Program, na aniya ay malaking bahagi ang inilalaan sa pamamahagi ng libreng binhi at pataba sa halip na sa nasusukat at napalalawak na pananaliksik at pagpapaunlad.
Sa mga aplikasyon para sa intellectual property rights (IPR), pinakamalaki ang bahagi ng utility models sa 54.7%, kumpara sa patents na 29.3%. Ayon sa presentasyon ni Briones, maaaring gamitin sa industriya ang mga utility model ngunit, hindi tulad ng patent, hindi kinakailangang magtaglay ang mga ito ng inventive step o makabagong hakbang.
Samantala, ang mga teknolohiyang mula sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Agriculture (DA) ang nakalikom ng pinakamalaking halaga ng royalties. Sa kabilang banda, pinakamababa ang royalties na natanggap ng UP System sa kabila ng pagkakaroon nito ng pinakamataas na bilang ng IPR filings, batay sa datos na ipinakita ni Briones.
Ipinakita rin sa kaniyang pag-aaral na karaniwang walang bayad ang paglilipat ng teknolohiya. Umabot sa 57% ng mga institusyong sinuri ang naglilipat ng kanilang mga teknolohiya sa mga pribadong partido nang walang bayad, habang 34% naman ang gumagamit ng bahagi sa kabuuang kita bilang paraan ng pagbabayad. Tig-2% naman ang gumagamit ng bahagi sa netong kita at nakatakdang bayad.
Sa ilalim naman ng Republic Act No. 8439 o Magna Carta for Scientists, Engineers, Researchers and Other Science and Technology Personnel in Government, may karapatan sa bahagi ng royalties ang mga kawani ng agham at teknolohiya sa pamahalaan. Sa mga teknolohiyang nalikha bilang bahagi ng kanilang regular na tungkulin, 40% ng royalties ang nakalaan sa mga tauhang sangkot at 60% sa pamahalaan.
Bukod sa bilang at uri ng IPR filings, tinukoy din ni Briones ang limitadong pondong nakalaan para sa paglilipat ng teknolohiya. Ayon sa kaniyang pag-aaral, mas mababa sa ₱1 milyon kada taon ang badyet ng mga tanggapan para sa technology transfer sa mga state university at iba pang institusyong sinuri.
Dagdag na hamon ang mataas na puhunan na kailangan upang dalhin ang isang teknolohiya sa merkado. Ayon kay Briones, nasa ₱23 milyon ang median na panimulang puhunan ng mga tumatanggap at nagkokomersiyalisa ng teknolohiya, na pangunahing nagmumula sa sariling pera at pautang sa bangko. Batay sa kaniyang pag-aaral, limitado rin umano ang government support at innovation funds na nakararating sa mga technology transferee.
Sa pagtatapos ng kaniyang presentasyon, iminungkahi ni Briones na itaas sa 60% mula sa kasalukuyang 40% ang default na bahagi ng mga imbentor sa royalties. Aniya, maaari itong magsilbing insentibo sa pagtatayo ng mga startup, pagpaparehistro ng mga patent, at komersiyalisasyon ng mga teknolohiya.

