Ulat ni Airel Justine Angeles
Kabilang ang Puypuy Farmers’ Association ng Bay, Laguna, sa siyam na organic farmers’ organizations mula sa CALABARZON na kinilala ng Department of Agriculture (DA) – Regional Field Office IV-A sa ika-11 Regional Organic Agriculture Congress (ROAC). Ang programa ay ginanap noong Oktubre 21 hanggang 22, 2026 sa Nawawalang Paraiso Resort and Hotel, Tayabas City, Quezon.
Sa ilalim ng temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK: Organikong Pagkain, sa Pamilya ay Ihain,” nagtipon-tipon ang iba’t ibang organisasyon ng mga organikong magsasaka at mga opisyal mula sa national, regional, at local government units (LGUs) mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon upang kilalanin at itaguyod ang organikong pagsasaka at agrikultura.
Sa kanyang paunang talumpati, binigyang-diin ni Engr. Romelo F. Reyes ng DA-RFO IV-A, ang halaga ng mga magsasaka sa kaunlaran ng agrikultura sa bansa. “We recognize that our farmers are at the heart of our agricultural development. Through their hard work, dedication, and resilience, they help ensure food security and contribute significantly to the progress of our communities. It is therefore our responsibility to provide them with the necessary knowledge, technology, support, services, and opportunities to adapt and sustain organic agriculture practices,” sabi niya. Si Engr. Reyes ang kasalukuyang OIC-RTS for Operations and Extension at Regional Organic Agriculture Focal Person ng Department of Agriculture Regional Field Office- CALABARZON.
Bukod sa Puypuy Farmers’ Association, kinilala rin ang mga sumusunod na samahan ng mga magsasaka:
- Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative (Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite)
- Upland Cavite Farmers Agriculture Cooperative (Amadeo, Cavite)
- Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (Sta. Cruz, Laguna)
- Majayjay Organic Farmers Association (Majayjay, Laguna)
- Marikina Watershed Kaysakat Farmers Association (Antipolo City, Rizal)
- Samahan ng Magsasaka ng Tayabas sa Yamang Organiko (Tayabas City, Quezon)
- Guinayanan Organic Farmers Association (Guinayangan, Quezon)
- Local Government Unit of General Nakar, Quezon
Samantala, nakatanggap naman ng Organic Agriculture Program (OAP) hauling vehicles ang Samahan ng Magsasaka ng Tayabas City, Quezon, at Marikina Watershed Kaysakat Farmers Association ng Antipolo, Rizal.
“Napakahalaga nitong congress na ‘to kasi dito, nakikita mo yung nag-iisang mithiin ng bawat magsasaka, ng bawat grupo, na itaguyod ang organic agriculture,” wika ni Diosdado B. Iranon II, Pangulo ng Puypuy Farmers Association.
“Dito sa pagsasama-samang ito, ito yung nagbibigay ng fuel sa bawat miyembro nito na talagang kumapit kasi hindi naman talaga natin maaalis na mayroon naman talagang mga problema. Pero sabi nga, sa pagsasama-sama, ang problema ay kayang-kaya,” dagdag pa niya.

Mga opisyal ng Department of Agriculture, nagsama-sama sa pagbubukas ng ika-11 Regional Organic Agriculture Congress
Sa ikalawang bahagi ng programa, isinagawa ang mga diskusyon tungkol sa organikong agrikultura. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pag-iimbak ng mga binhi sa mga komunidad sa pangunguna ni Engr. Meanne Andres, focal person ng National Organic Agriculture Program (NOAP). Sinundan naman ito ng paggawa ng compost na tinalakay naman ni Emmanuel Carlos Malibiran, isang miyembro ng Batangas Organic and Natural Farming Agriculture Cooperative.
Ang mga talakayang ito ay sinundan ng isang open forum na nagsilbing plataporma para sa mga magsasaka at tagapagsalita upang magbahagi ng kanilang mga ideya at magpalitan ng mga pananaw sa isa’t isa.
Sa ikalawang araw ng pagtitipon, nagkaroon naman ang pagbabahagi ng mga karanasan at testimonya ang mga OA practitioners at young OA farmers mula sa iba’t ibang organisasyon, kabilang na si Josephine Montecillo, isang miyembro ng Puypuy Farmers Association.
Hinimok naman ni Joseph Montecillo, anak ng Josephine at myembro ng Puypuy Farmers Association, ang mga kapwa magsasakang natatakot pumasok sa organikong pagsasaka. “Siguro, it’s a matter of mindset lang… Kailangan din siguro na gusto natin yung ginagawa natin. As long [as] masaya tayo, gusto natin yung ginagawa natin, tingin ko [ay] walang hindrance na hindi natin kayang ma-survive o hindi natin kayang malampasan,” pahayag niya.
Itinampok din sa pagtitipon ang isang exhibit ng iba’t ibang uri ng mga organikong produkto na dinala ng mga kalahok na organisasyon mula sa kani-kanilang mga lokalidad. Kabilang dito ang banana chips, taro chips, ube chips, macapuno, chili garlic oil, atsara, malunggay flakes, coco jam, at mga sariwang gulay tulad ng talong, pechay, sitaw, kalabasa, talbos ng kangkong at kamote, at iba pa.
Nagtapos ang ROAC sa paggagawad ng mga sertipiko sa mga kalahok na organisasyon at mga tagapagsalita na sinundan ng pangwakas na mensahe ni Felix Joselito Noceda, ang OIC-Chief ng Field Operations Division. Dito, binigyang-pugay niya ang mga delegado dahil sa kanilang aktibong pakikilahok at suporta sa organikong agrikultura sa rehiyon.
