Camille Victoria M. Fernandez
‘Di pangkaraniwang kanser
Ang CTVT ay isang nakahahawang kanser na ekslusibo lamang sa pamilya ng mga aso. Karaniwan ang CTVT sa mga bansang may klimang tropikal kagaya ng Pilipinas lalo pa kung maraming pagala-galang aso na aktibo sa sekswal na aktibidad.
Ang sagabal at masakit na bukol
Ang pagkakaroon ng tumor na may kasamang pagtutulo ng dugo kung ito ay tumubo sa ari, ay sinyales na positibo na sa CTVT ang isang aso. Karaniwan sa eksternal partikular sa ari umuusbong ang bukol sapagkat ang pakikipagtalik ang pinakamabilis at pinakamadalas na paraan upang maipasa ito.
Bukod pa rito, pwede rin namang tumubo ang bukol sa mga mucous membrane gaya ng mga labi, ilong, mata, o kahit na sa biyak na balat kung magkakaroon ng direktang kontak si “Bantay” sa asong positibo sa naturang sakit. Halimbawa, inamoy niya ang ari ng asong may ganitong kondisyon, ilang araw lang ay mahahalata na ang pagtubo ng bukol sa kaniyang ilong. Kung didilaan naman niya ang anumang parte ng katawan na mayroong bukol ay gayun din naman ang mangyayari sa kanyang mga labi. Maski kung makagat siyat ng isang asong may CTVT ay mahahawaan na rin siya nito.
Sa kabilang banda, walang pagbabago sa kasiglahan ng aso gaya ng sa pagkain o pakikipaglaro kung siya ay tinamaan ng CTVT. Wala ring taning ang buhay ng aso sa oras na siya ay mahawaan nito hindi kagaya ng kanser ng mga tao. Kaya lang, maaaring maging sagabal sa aso ang tumor lalo pa kung ito ay patuloy sa paglaki at pagkalat sa iba pang parte ng katawan.
Samantala, may mga naitalang kaso rin naman na ang CTVT ay kumalat sa mga lamang-loob ngunit ito ay napakabihira lamang. Subalit hindi dapat ito ikakampante ng may-ari sapagkat sa oras na kumalat ang tumor sa mga iba pang parte ng loob ng katawan gaya ng kulani, baga, atay, at pali o spleen, mga kadalasang lugar na pinagtutubuan ng tumor, maaari itong magdulot ng matinding komplikasyon.
Ang kaso ni Buddy
Sa kaso ni Buddy, nakuha niya ang sakit buhat sa pakikipagtalik sa aso ng aming kapit-bahay. Bilang nagpalaki sa kaniya, masasabi ko na gaya ng ibang lalaking
lalang siya ay napakaaktibo sa pakikipagtalik kaya naman basta may pagkakataon na siya ay makalabas ng aming bodega na kaniyang binabanatayan ay sinusulit niya namang talaga. Naaalala ko na tumitili pa siya sa gabi kapag hindi siya nakalabas sa maghapon lalo pa kapag nakikita niya ang mga babaeng aso ng aming mga kapit-bahay na pagala-gala sa labas.
Iyon nga lang, dahil sa hindi lamang sa pakikipagtalik nakukuha ang CTVT kung hindi pati rin sa pakikipagsalamuha, nahawaan na nga ni Buddy ang kaniyang dalawang kapatid, sina Scavenger at Bunso, na kasama niya sa pagbabantay ng aming bodega.
Kumpara sa kaniyang mga kapatid, ang kondisyon ni Buddy ay malala na. May lumalabas at tumutulo ng dugo mula sa kaniyang ari lalo pa kapag siya ay nakaalapas at nakipagtalik na naman sa mga asong nasa kalye. Mayroon na ring kahalong dugo ang kaniyang pag-ihi at namamaga na ang kaniyang ari dahil sa pagbulwak ng mismo nitong muscle gawa ng paglaki ng tumor. Dahil sa pangyayaring ito, minabuti naming dalhin siya kasama si Bunso upang ipakapon sa ospital ng mga hayop dito sa College of Veterinary Medicine (CVM) ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).
Bago sila sumailalim sa operasyon, sinuri muna sila ng mga estudyante ng naturang kolehiyo na sina Matt Calibo, Sherwin Camba, at iba pa nilang kagrupo. Ayon kay Calibo, pareho na ngang positibo sa CTVT ang dalawang aso. Ang kay Buddy ay malaki na samantalang ang kay Bunso ay hindi pa gaanong mahahalata bagamat may pamumula na sa kaniyang mga tainga at mga paa. Dagdag pa, inabisuhan ako ni Calibo na maaaring ikamatay ni Buddy ang gagawing opersayon sapagkat bumaba na ang bilang ng kaniyang white blood cells na siyang tumutulong sa pag-iwas mula sa matinding pagdurugo. Habang si Bunso naman ay may taglay pang resistensiyang mainam sa mabilis na pagrekober mula sa isasagawang opersayon.
Samantala, ilang araw bago ang kanilang operasyon ay napagdesisyonan ng propesor nila Calibo sa surgery na si Dr. Marco Reyes na hindi maaaring ipagpatuloy ang operasyon ng aking dalawang aso hangga’t hindi nagagamot ang kanilang CTVT.
Ang mabisang lunas
Bagamat isa sa mga lunas sa CTVT ang pagtanggal ng ari, hindi naman nito nasisiguro na 100 porsiyento ngang ligtas na mula sa sakit ang aso. Maaari pa rin siyang magkaroon kung aksidenteng matuluan ng dugo ang anumang bahagi ng kaniyang katawan buhat ng operasyon. Ang pangyayaring ito ay tinatawag ng mga doktor ng hayop bilang seeding.
Ang pinakamabisang paraan upang tuluyan ng mawala ang CTVT sa sistema ng isang aso ay sa pamamagitan ng pagsuswero ng Vincristine sulfate isang beses kada linggo sa loob ng apat hanggang anim na magkakasunod na linggo o depende sa pangangailangan.
Ayon kay Dr. Leila Flores, propesor sa Department of Veterinary Clinical Sciences ng CVM, kahit na kayang bigyang lunas ang CTVT, maaari pa ring magkaroon ang isang asong tinamaan ngunit gumaling na. Papaano? Kung siya ay makikipagtalik muli o may direktang kontak sa mga asong may naturang sakit.
Ayon sa mga talaan, mayroon ng humigit 80 kaso ng CTVT ang nahawakan ng mga doctor mula sa ospital ng mga hayop sa UPLB simula ng taong 1990 hanggang Hulyo 2011.
Noong 2003, naitala ang pinakamataas na kaso ng CTVT sa Los Baños. Umabot ng 19 ang bilang ng mga asong ipinasuri na naging positibo rito. Ayon kay Dr. Flores, may nahawakan siyang kaso tungkol sa isang kilalang nagpapalahi at nagbebenta ng mga aso sa naturang bayan kung saan ang kaniyang inahing aso ay nahawaan ng ito ay ipakasta. Ang hayop ay naging sanhi upang maipasa ang sakit sa iba pang kasama niyang aso.
Ang nakasaad sa itaas ay isang pagpapatunay na hindi lamang tanging mga gala at napabayaang aso ang kandidato sa pagkakaroon ng CTVT kung hindi maging ang mga pinakaiingatang mga purong lahing aso.
Bukod pa roon, mas maraming babaeng aso ang may CTVT sa buong mundo. Base sa isinasagawang pag-aaral nila Dr. Flores, ang mga babaeng asong may edad tatlo ang mas delikado sa pagkakaroon nitong sakit. Napuna rin nila, base na rin sa kanilang mga datos, na ang panahon kung saan maraming aso ang nagtatalik— at nagkakaroon ng CTVT— ay sa pagitan ng mga buwan ng Oktubre at Nobyembre.
Sa kabuuan, unti-unti nang bumaba ang bilang ng mga asong dinadala sa ospital ng mga hayop sa UPLB na pumopositibo sa CTVT. Kaya lang nilinaw ni Dr. Flores na hindi sapat na basehan ito upang masabing tuluyan na ngang bumababa ang antas ng mga kaso ng CTVT hindi lamang sa bayan ng Los Baños maging sa buong Pilipinas. Ito ay sa kadahilanang tanging ang mga naging pasyente lamang nila na may naturang sakit ang kanilang naitala at kinonsider sa kanilang isinagawang pag-aaral.
Ayon sa mga pag-aaral, ang CTVT sa ngayon ay hindi dala ng virus. Ang cells ng pambihirang sakit ay maituturing na clonal na may kakaibang katangian kumpara sa mga malulusog na cells.
Ayon sa mga libro, may 2000 taon na ang nakalilipas mula ng magsimulang maghasik ng lagim ang CTVT sa pamilya ng mga aso gaya ng mga lobo. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa mga mananaliksik at eksperto kung papaano nagsimula at nabuo ang nakahahawang sakit.
Samantala, ayon kay Dr. Flores, bagamat nakasulat sa karamihan ng mga librong nabasa ay hindi raw nakahahawa sa tao ang CTVT, may mangilan-ngilan din namang libro siyang nabasa na nagsasabi ng kabaligtaran.
“Based on books, there are reported cases of very, very rare occurrence of TVT among humans but there are no journal articles yet to prove this,” sabi niya. Gayun pa man, hindi natin dapat ipagsawalang bahala, lalo na ng mga taong may alagang aso kagaya ko, ang pagkakaroon at pagkalat ng CTVT kahit na ito ay hindi kasing sikat at kagaya ng ibang uri ng sakit ng aso na kapag tumama sa tao ay tiyak ngang nakamamatay gaya ng rabis at leptospirosis.
Mas mainam pa rin na naaalagaang mabuti si “Bantay” upang hindi siya magkaroon ng mga hindi kanais-nais na sakit.
Kung aalalahaning muli, karamihan sa mga nakamamatay na sakit ng tao sa panahon ngayon ay nagsimula sa mga hayop. Kabilang doon ang madcow disease, anthrax, at ang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na unang kumalat sa Hong Kong, China.
Ayon sa mga eksperto, ang SARS— ang sakit na pumatay sa libu-libong manok at iba pang uri ng mga ibon— ay pinaniniwalaang nagmula sa bird flu na dulot ng virus. Ito ay buhat ng pagpapabaya ng mga may-ari sa kalusugan at kalinisan ng kanilang mga hayop. Sa paglipas ng panahon, mas nagiging malakas at mas malawak ang pamiminsala ng mga sakit ng hayop na hindi binibigyan ng sapat na atensyon ng publiko.
Kadalasan na ang mga bata at matatanda ang madaling dapuan ng kung anu-anong sakit kaya naman kung ang isang aso na may CTVT ay pababayaan na lamang pagala-gala at makahawa ng marami pang aso, hindi malayong dumating ang araw na katakutan na rin ng milyung-milyong tao ang sakit na ito dahil sa napatunayan nang nakahahawa nga ito sa mga tao.
Pag-iwas sa pagkalat ng CTVT
Upang maiwasan ang pagkalat ng CTVT, ugaliing patingnan nang regular si”Bantay” sa isang magaling na beterinaryo. Sa ganoong paraan, madedetekta at mabibigyang lunas kaagad kung siya ay maging positibo. Isa sa mga suhestyon upang hindi magkaroon ng CTVT ang isang aso, lalo na kung ito ay madalas na lumalabas, ay ang pagpapakapon dito o ang tinatawag na spaying at neutering. Sa pamamagitan ng mga ito, nawawalan na ng gana ang aso sa pakikipagtalik at hindi na siya nagiging agresibo sa aspetong sekswal
Kaya lang, kahit na matanggalan na ng ari ang isang aso, hindi pa rin kasiguruhan iyon sa hindi pagkakaroon niya ng CTVT dahil maaari pa ring makuha ito sa pakikipag-amuyan at pakikipagsalamuha sa mga asong mayroon nito. Kaya naman mas mainam na kung palalabasin ang aso ay samahan na lamang ito nang nakatali upang maging kontrolado ang kaniyang mga gawain.
Sa suma total, mas maigi pa rin kung ang may-ari ng aso ay responsable kaysa sa hindi. Sa bandang huli, kung ipagsasawalang bahala lamang natin ang karamdaman at kalagayan hindi lamang ng ating mga aso maging ng iba pang mga hayop at sarili lamang nating kapakanan ang ating iisipin, tayo rin naman ang mahihirapan at maaapektuhan. Sapagkat ang lahat ng bagay ay magkakaugnay. Ang kahinaan o kalakasan ng isa ay kahinaan na rin o kalakasan ng lahat.