ni Joyce Marie S. Maloles kasama ang mga ulat ni James M. Gabrido at Lembert B. Tandang
Ginanap ang pangatlong bahagi ng pagsasanay sa organic vegetable production ng Gender and Development (GAD) Office ng Los Baños at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) noong Abril 30 sa PAMANA Center sa Brgy. Putho-Tuntungin.
Nakilahok sa pagsasanay ang humigit kumulang 40 na katao mula sa mga barangay ng Maahas, Timugan, Bagong Silang, Lalakay, at Putho-Tuntungin. Tinalakay ang paggawa ng organikong pataba gamit ang manure tea, kompost, binurong katas ng halaman, lactic acid bacteria serum, at green manure; paggawa ng organikong pestisidyo; at ang organikong pagbibinhi ng gulay. Si Celeria S. Rodolfo ng UP Los Baños Institute of Plant Breeding (IPB) at mga kasamahan sa proyekto ang mga nagsilbing punong tagapagsanay.
Ayon kay Lucas Dela Cueva, pangulo ng Maahas Senior Citizens’ Association at isa ring kalahok, bukod sa pagkakaroon ng pagkain na walang masamang kemikal, maari din nila itong pagkakitaan.
Dagdag pa niya, maliban sa magkakaroon sila ng karagdagang kita ay mapapabuti pa ang kanilang kalusugan dahil sa organic na ani. Plano ni Dela Cueva na magpatawag ng pulong sa mga magsasaka ng Brgy. Maahas para ituro ang mga natutunan nila sa pagsasanay. Sa ganitong paraan, mas mabilis na mapalalaganap ang organic farming sa kanilang lugar aniya. Nag-uwi rin ang mga nakilahok sa pagsasanay ng mga organic spray para masubukan sa kanilang pananim.
Ang naunang dalawang bahagi ng pagsasanay ay ginanap noong Abril 15-16 at Abril 23 at 25 sa munisipyo ng Los Baños.
Ang mga pagsasanay na ito ay bahagi ng programang Enhancing Gender-Sensitive Sustainable Agriculture and Aquatic Science and Technology (S&T)-based Livelihood Enterprises in Los Baños ng PCAARRD at ng lokal na pamahalaan ng Los Baños.
Tinatayang nasa 125 na residente o nasa 25 pamilya sa bawat barangay ang matutulungan ng kabuuang programa sa pamamagitan ng pagsulong ng sustainable gender-sensitive livelihood projects sa tulong ng iba’t-ibang ahensyang bahagi ng Los Baños Science Community.