Isang pangakong sinambit sa ngalan ng dakilang tungkulin.
Apatnapung tao ang nanumpa sa kanilang tungkulin noong ika-18 ng Enero 2012 sa Municipal Covered Court ng Los Baños (LB), Laguna. Ang naturang panunumpa ay parte ng programang nagbibigay-pakilala sa Municipal Fisheries and Aquatic Resource Management and Reform Council (MFARMC) – isang non-government organization (NGO) dito sa Los Baños.
Pinamunuan ni Alkalde Ton Genuino at ni si Bise-Alkalde Baby Sumangil ang panunumpa ng bawat opisyal at miyembro ng samahan.
Ayon sa talumpati ni Genuino, ang mga nakatira malapit sa lawa ay madalas na nakakaranas ng pagnanakaw ng fish pens at cages. Upang matugunan ang kakulangan sa gamit, inanunsyo ni Genuino na bibigyan ng pamahalaan ng Los Baños ang samahan ng tatlong jet boats upang mapatnubayan at mapanatili ang kapayapaan sa lawa na sakop ng Los Baños. Tatawagin ang operasyon bilang Bantay Lawa.
Ayon kay Francisco Diaz, kinatawan ng Brgy.Mayondon at isa sa mga nanumpa, malaking bagay ang pagkakaloob ng gobyerno ng jet boats sa kanilang pamayanan. “Hindi man maubos syento porsyento ang mga krimen, malamang magiging mas madalang na ang ganitong mga pangyayari,” pahayag ni Diaz.
Ang mga jet boats ay inaasahang dadarating sa loob ng anim na buwan.
ni Rikki Lee Mendiola