ni Brando Bernard C. Bucks
Dalawang residente mula sa Barangay Tagumpay sa Bay, Laguna ang tatanggap ng mga inahing kambing mula sa Municipal Agriculture Office (MAO) para alagaan at maging tulong sa kabuhayan. Ang pagpapatuloy ng goat dispersal program ay bahagi ng nagpapatuloy na rehabilitation project para sa mga nasalanta ng Bagyong Ondoy, isang proyekto ng Department of Agriculture (DA) at ng Food and Agriculture Ogranization of the United Nations (FAO).
Ibibigay kila Faustino Echalar at Eufracio Velasco ngayong Pebrero 13-19, 2012 ang tig-isang inahing kambing. Napili sila Echalar at Velasco na pagkalooban ng hayop dahil dinaluhan nila ang seminar ukol sa pangangalaga ng kambing na ginanap noong Marso 2011 sa pangunguna ni Dr. Michael Cortez, Assistant Provincial Veterinarian. Ang seminar ay naglalayong maihanda ang mga mamamamyang tatanggap ng kambing mula sa proyekto ng DA at FAO. Tinalakay dito ang wastong pamamaraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng kambing.
Nang simulan ang proyekto noong Abril 12, 2011, labintatlong mamamayan ng Bay ang pinagkalooban ng mga kambing. Sila ay sina Ernesto Camangon, Jenny Parato, Bernardo Montecillo, Marina Fernandez, Ponciano Manzanilla, Alvin Sulibet, Marilou Sulibet, Joel Villadorez, Nonilon Sulibet, Diomides Guevarra, Felixberto Sabarias, Roberto Amatorio, at Romeo Padrid. Tumanggap ang bawat isa sa kanila ng tig-dadalawang inahing kambing samantalang binigyan pa tig-iisang barakong kambing sila Nonilon Sulibet, Diomedes Guevarra, at Romeo Padrid. Dalawampu’t siyam ang kabuuang bilang ng pinamahaging kambing na pawang ginugulan ng FAO.
Sa ilalim ng Goat Dispersal Program, dadalo ang mga benepisyaryo sa seminar tungkol sa iba’t ibang lahi ng mga kambing, panuntunan sa inahin at barakong kambing, uri ng bahay ng mga kambing, pagpapakain, pagpapalahi at pangangalagang pangkalusugan.
Pagkatapos, tatanggap sila ng dalawang inahing kambing upang kanilang alagaan at paramihin. “Babayaran” nila ang dalawang kambing na iyon sa pamamagitan ng dalawang kambing na babae na magiging anak ng mga pinamahaging hayop sa kanila. Kapag ang isang babaeng anak na kambing ay maaari nang maging inahin, “isasalin” na iyon sa bagong tagapag-alaga na pinili sa programa. Sa gayon, magpapatuloy at lalawak ang proyekto at darami ang makikinabang upang magkaroon ng mapagkakakitaan.
Matapos ang pamamahagi ng FAO ng mga inahing hayop, trabaho naman ng MAO na subaybayan ang pagpapatuloy ng proyekto. Kaugnay nito, linggu-linggong binibisita ni Belen Madrid, isang agricultural technologist, ang bawat benepisyaryo upang makita at alamin ang kalagayan ng mga hayop.
Tinatanong niya ang mga tagapag-alaga ukol sa mga obserbasyon nila sa mga kambing nang nakalipas na mga araw. Inaalam niya kung mayroong hayop na nagkasakit, anong uri ang sakit, kung may namatay at ang dahilan ng pagkamatay, at kung maaari nang ipakasta ang hayop. Pagkatapos, iniuulat niya sa tanggapang panlalawigan buwan-buwan ang buod ng kalagayan ng programa.
“Talagang makakatulong sa tulad naming mahirap [ang programa],” patotoo ni Ponciano Manzanilla, isa sa labintatlong tumanggap ng mga inahing kambing. Noong 2009, nalugi siya ng P40, 000 sa kanyang pagbubukid nang lumubog ang kanilang taniman bunga ng tubig na dulot ng Ondoy.
Matatandaan na ang bayan ng Bay na nasa baybayin ng Laguna de Bay, ay isa sa mga lubhang napinsala ng bagyo noong 2009. Partikular na naapektuhan ay ang mga mamamayan nito sa mga barangay ng San Antonio, Tagumpay, San Isidro, Dila at Sto. Domingo. Lumubog ang mga taniman ng palay at gulay at namatay sa baha o kaya ay natangay ng tubig ang mga inaalagan nilang mga hayop.
Samantala, pinagpapatuloy na ulit ngayon ni Manzanilla ang pagtatanim ngunit kasabay nito’y inaalagaan niya ang mga hayop na binigay sa kaniya. Sa kasalukuyan, nakapagpaanak na siya ng tatlong kambing, isa roon ay malapit nang kunin upang isalin kaninuman kila Echalar at Velasco.
Hiling naman ni Manzanilla na kung maaari rin sana ay mabakunahan ng pampalusog ang kaniyang mga alagang kambing. Ayon kay Madrid, pananagutan na ng mga mga tagapag-alaga ang ukol sa mga gayong bakuna, gamot at pagpapagamot sa mga hayop. Inihayag pa niya na libreng ipinagkakaloob ang konsultasyon mula sa municipal veterinarian. Wala ring bayad ang pagpupurga na isinasagawa naman tuwing tatlong buwan.
Lubos ding nawala ang kabuhayan ni Marilou Sulibet na pag-iitikan. Ang nasabing kabuhayan ang nagtaguyod sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, subalit nalulungkot siya na hindi na niya iyon naipagpapatuloy dahil sa kakulangan ng kapital.
Ngunit nagpapasalamat naman siya ngayon na sa pamamagitan ng pag-aalaga ng kambing ay may pagkakataon siya upang muling magsimula ng kabuhayan. Ipinahayag pa niya na pagyayamanin niya ang mga hayop na binigay sa kanya.
Naniniwala din siya na magtatagumpay ang pag-aalaga niya ng kambing sapagkat higit umanong mas matipid at hindi matrabaho ang pag-aalaga. Hindi na siya namimili ng ipakakain sa mga hayop sa halip ay nagsisipag na lamang siya na manguha ng mga kangkong, kumpay (ito ang tawag ng mga mamamayan sa Tagumpay sa isang uri ng damo na madalas na tumutubo sa matubig na lugar) at mga madahong sanga ng mga kahoy gaya ng ipil-ipil at kamachile. May malawak din siyang bakuran na napagpapastulan ng kambing kung saan pinapawalan niya roon tuwing umaga ang mga hayop at kukunin na lamang sa hapon. Kung umuulan naman, inilalagay niya sa kulungan ang mga kambing.
Sa kasalukuyan, dalawampu’t dalawang kambing ang nalalabi mula sa mga pinamahagi ng FAO. Namatay ang pitong iba pa bunga ng pagkakasakit, peste, at panganganak.