BAY, LAGUNA – Dalawang bagong gusali ang magagamit ng mga mag-aaral at guro ng Nicholas L. Galvez Memorial National High School (Galvez) sa Brgy. San Antonio ng Bay, Laguna sa mga susunod na pasukan. Ang pagtatayo ng dalawang gusali ay proyekto ng pamahalaan ng bayan ng Bay sa pakikipagtulungan sa Aboitiz Group of Companies upang tugunan ang pangangailangan ng karagdagang silid aralan at activity area.
Ayon kay Mayor Jose O. Padrid, mula sa savings ng lokal na pamahalaan ng Bay ang ginagamit sa pagtatayo ng multipurpose building o covered court para sa Galvez. Ayon naman kay Municipal Engineer Edgard Pangilinan, nagkakahalaga ang multipurpose building ng kabuuang P7.5 M. Inaasahan niya na matatapos ang Phase 1 ng gusali pagsapit ng Abril 2012.
Sa atas ni Mayor Padrid, idinisenyo ang covered court upang magamit din bilang evacuation center sa panahon ng kalamidad o anumang sakuna. Katunayan, nakaplanong magkaroon ng 16 na toilets sa multipurpose building.
Matatandaang noong nasalanta Bagyong Ondoy ang bayan ng Bay, kasama ang Galvez sa mga ginawang evacuation site ng tinatayang 150-180 pamilyang nawalan ng tirahan. Nagdulot ang relokasyong ito ng pagkasira ng ibang mga kagamitan at pasilidad sa paaralan.
Upang maiwasan ang pagkaantala ng pag-aaral ng mga estudyante, pansamantalang isinagawa ang mga klase noon sa iba’t ibang lugar tulad ng paaaralang elementarya sa barangay Calo, sa gilid ng simbahan ng San Agustin Parish, at sa ikalawang palapag ng ginagawang Chipeco building ng munisipyo.
“Para sa mga mamamayan natin sa Bay ang multipurpose building na ‘yan para mapaglipatan sa kanila sa panahon ng kalamidad. Gusto na rin nating iwasang mapinsala pa ang pag-aaral ng mga bata sa tuwing gagawing relocation site ang school nila,” paliwanag ni Mayor Padrid.
Minimithi ng principal ng Galvez na si Bb. Asuncion Dilla na gawing silid-aralan ng mga pilot sections ang two-storey, four classrooms na gusaling pinagtutulungang itayo ng Aboitiz at pamahalaang lokal. Nito lamang unang linggo ng Pebrero sinimulan ang pagtatayo sa gusaling ito ng Aboitiz samantalang noong Oktubre naman ng 2011 nagsimula ang konstruksyon ng covered court.
Positibo ang pag-asa ng mga mag-aaral mula sa mga Diamond o pilot sections ng paaralan patungkol sa paglalaan sa kanila ng gusali. Sabi ni Ronalyn Arcillas, First Year student, “Mas makakapag-concentrate kami sa pag-aaral.” Inaasahan naman ni Grace Barrera na, “magiging mas maayos ang oras ng mga klase. Maalis na ang shifting schedule.” Sa kasalukuyan, ang ilang mga mag-aaral gaya nila Barrera na kabilang sa ikatlong taon ay kabilang sa afternoon shift kung saan karaniwang natatapos ang kanilang mga klase tuwing ikapito ng gabi.
“Mas matututukan ang mga Diamond sections kaya malaki ang chance na maging mahusay pa sila. Talagang magiging ‘cream of the crop’ sila,” dagdag naman ng kamag-aral ni Barrera na si Mylene Camalate.
Kinilala rin naman ng mga student-leaders ang responsibilidad nila at ng mga mag-aaral sa mga gusaling ipinatatayo sa kanilang paaralan. Sabi ni Eries San Andres, mula sa ikatlong taon, “Mas pagagandahin, aayusin, at bibigyang-halaga pa namin ang mga buildings.” Pahayag naman ni Aldrin Lanorio, isa ring third year student, “Ime-maintain namin ang clealiness at orderliness ng mga buildings.” Sila Andres at Lanorio ay mga presidential aspirants para sa Supreme Student Government ng Galvez.
Liban sa pagtatayo ng mga gusali, ilan naman sa mga programang ipinatutupad sa Galvez ay ang Student At Risk of Dropping Out (SARDO) kung saan regular na iniuulat ng mga classroom advisers sa punong-guro ang mga mag-aaral nila na nanganganib tumigil sa pag-aaral. Sa Adopt-A-Student program naman, mayroong 85 mag-aaral na tuwirang sinusubaybayan at inaasikaso ng mga guro sa paaralan. Nagsasagawa rin ang mga guro ng home visitation upang personal na alamin ang kalagayan ng kanilang mga estudyante.
Panghuli, sa pamamagitan ng Barya Mo, Aral Ko ay higit na maraming indibidwal gaya ng mga estudyante at mga bisita sa paaralan ang nagkakaroon ng pagkakataon upang tulungan ang mga mag-aaral na kinakapos ng panggugol sa pag-aaral. Boluntaryo silang nagbibigay ng anumang halagang makakayanan nila na siya namang iniipon ng paaralan upang ibigay sa mga karapat-dapat na mag-aaral.
Sa panig naman ng pamahalaang lokal, naninindigan si Mayor Padrid na sisikapin pang mailaan ng wasto ang Special Educational Fund para paunlarin ang sektor ng edukasyon sa bayan. “Pinipilit nating maibigay ang tamang alokasyon ng budget. Nag-i-invest talaga tayo sa edukasyon,” pahayag ni Padrid.
Binubuo ang Galvez ng 1200 mag-aaral mula sa mga bayan ng Bay, Calauan, at Los Baños at 30 guro. Nakatayo sa isang ektaryang lupa nito ang limang gusali na nagkakaloob naman ng 19 na silid para sa mga mag-aaral at tatlo naman para sa school administration.
ni Brando Bernard Bucks