ni Roxanne D. Cruz
BAY, LAGUNA – Muling naglunsad ng feeding program sa Brgy. Maitim, Bay, Laguna sa pamumuno ng Diosis of San Pablo, ang tumatayong punong simbahan ng lalawigan ng Laguna, at ng mga myembro ng Ladies of Charity Organization mula sa St. Augustine Parish Church, nitong nakaraang Huwebes, ika-15 ng Marso.
“Ang bawat sentimo ay maaring makatulong upang punan ang mga kumakalam na sikmura ng mga kabataang kapos sa pagkain.”Ito ang paunang salita ni Gng. Delaila “Aida” Salazar, ang punong tagapamahala ng Ladies of Charity Organization. Ito ay dahil ang pondong ginagamit para sa feeding program ay nanggagaling sa bawat sentimong napupulot at iniipon ng mga miyembro ng Diosis of San Pablo na hinahati-hati sa bawat purok ng baranggay. Ito ang tinatawag na “Pinoy Fun”. Ang pondong ito ang nag-iisang pinagkukunan ng lahat ng pangangailangan ng organisasyon para sa kanilag programa.
Isang daan at dalawampu’t siyam (129)—ito ang bilang ng mga batang pinapakain nina Gng. Salazar, araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes. Sila ay may edad mula tatlo hanggang labindalawang taong gulang. Sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay g mga boluntaryong miyembro ng organisasyon, kinilala nila ng mas lubusan ang mga pamilya sa baranggay. Ang bawat bata mula sa bawat tahanan ay sinukatan ng timbang at taas. Gamit ang kanilang batayan ng kalusugan, natukoy ng organisasyon ang mga kabataan nangangailangan ng karagdagang suporta sa pagkain. Matapos piliin ay ipinakita nila ang talaan ng mga batang may kategoryang “malnourished” sa Nutrition Department ng Diosis of San Pabl upang maisama ang mga ito sa listahan ng mga batang kasali sa feeding program na tatagal ng anim na buwan. Ito ay nagsimula noong ika-5 ng Marso at inaasahang magiging epektibo hanggang sa katapusan ng Agosto. Isinasgawa ang feeding program tuwing ika-3 ng hapon.
“Sinisigurado namin na masustansiya at magugustuhan ng mga bata ang bawat putaheng ihahain namin,” ani Gng. Melanie Opulencia, ang tumatayong sekretarya at PRO ng organisasyon. Binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na pumili ng kanilang gustong ulam upang masigurado na hindi masasayang ang mga ito. Ang kanin naman na ginagamit sa programa ay ang tinatawag na “Fortified Rice with Soy Protein” kung saan ang bigas ay hinahaluan ng mga butil na may bitamina. “Mahirap kasing pakainin ang mga bata pagkatapos tsaka paiinumin ng Vitamins, kaya inihahalo na lang namin sa bigas, para hindi nila mapansin,” paliwanag ni Gng. Salazar. Sa bawat araw ay nakakagamit sila ng dalawampu’t isang pakete ng bigas na ay bitamina upang masiguradong hindi kukuangin ang pagkain ng bawat isa sa isang daan at dalawampu’t siyam na bata.
Layunin ng Diosis of San Pablo at Ladies of Charity Organization na mas mapabuti ang lagay ng kalusugan ng bawat bata sa buong baranggay. “Maraming feeding program na ginagawa dito sa baranggay, kaso kulang pa rin,” ani Gng. Opulencia.
Nais din ang organisasyon na maturuan ang mga magulang ng mga bata kung paano gagawing mas masustansiya at kaaya-aya sa mata ng kanilang mga anak ang kanilang mga lutuin. Bukas din ang kanilang programa sa mga konsultasyon ukol sa kalusugan. Malaking tulong rin ang programa upang paigtingin ang pagtutulungan sa mga magulang sapagkat sila ang lagging nagluluto ng mga mga pagkaing inihahain sa bawat araw.
“Maganda yung magiging epekto nitong feeding program na ito lalo na sa mga malnourished na bata sa baranggay,” dagdag pa ni Gng. Divina Castro, ang Baranggay Nutrition Scholar (BNS) ng baranggay.
Upang masigurado ang magandang epekto ng feeding program, araw-araw na nagtatala ng attendance ang sekretarya. “Para alam namin kung bakit hindi nagbago yung timbang, halimbawa, kapag nakalista dito tapos hindi naman pumupunta, ibig sabihin, hindi kami yung may pagkukulang,” ani Gng. Salazar. Sinabi nya rin na sinusubukan naman nilang kausapin ang mga batang hindi pumupunta sa programa at pinapaliwanag sa mga ito kung bakit kailangan nilang pumunta. “Minsan kasi, tinatamad na lang pumunta, kaya yun, hindi na lang kumakain.”
Sa tuwing matatapos ang buwan, itatala ng sekretarya ang mga obserbasyon at pagbabago sa kalusugan ng mga bata. Ang mga record na ito ay dadalhin at ipapakita sa Diosis of San Pablo upang makita kung epektibo ba o hindi ang programa. Positibo naman ang pananaw ng mga organizers ukol dito. “Inaasahan naming na magiging successful itong aming programa,” ani Gng. Opulencia.
Bagama’t maayos ang pagkaka-organisa ng programa, at mayroong pagtutulungan sa mga miyembro nito, hindi maiiwasan ang mga suliranin lalong lalo na ukol sa pondo. “Hindi naman kasi sapat ang P645.00 para punan ang kumakalam na sikmura ng 129 na bata, insane kasama pa yung mga kapatid nila. Hindi naman pwedeng hindi namin sila pakainin,”paliwanag ni Gng. Salazar.
Sa pondong ito, maaring sabihing ang bawat bata ay mayroon lamang pagkain na katumbas ng P5.00, na maituturing na kulang na kulang parin upang masiguradong malusog ang mga bata. Kaya naman may mga pagkakataon na nanggagaling na mismo sa bulsa ng mga miyembro ng organisasyon ang dagdag na pondong kailangan nila para sa programa. Gayunpaman, sinusubukan naman ng mga namumuno sa baranggay na tugunan ang pangangailangan ng organisasyon.