ni Brando Bernard Bucks
Sa pagpupulong na ginanap noong Marso 19, 2012, Lunes, sa session hall ng bayan ng Bay, napagpasyahan ng Sangguniang Bayan (SB) na pahintulutan ang pagtataas ng pasahe para sa tricycle.
Ayon kay Konsehal Emerson Ilagan, chairman ng Transportation and Communication Committee, may dagdag nang piso ang dating mga taripa. Ang magiging minimum na pasahe na ay P9.00 mula sa dating P8.00.
“Ang kapasiyahan naming ay kaugnay ng petisyon ng mga driver noon pang nakaraang taon,” sabi ni Ilagan. Napabalita ngayong taon ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod umano ng pagtaas din ng halaga nito sa pandaigdigang pamilihan. Ngayong araw naman ay nagkaroon muli ng pagtataas ng presyo. Ito na ang ikasiyam na pagkakataon ng gayong pagtataas sa loob lamang ng unang tatlong buwan ng 2012.
Nagsagawa ng mga public hearings bago ang naging pagpupulong ng SB. Ginanap ang mga public hearing sa Chipeco Building ng munisipyo ng Bay noong Pebrero 29 at Marso 8 at 15. Inanyayahan sa nasabing mga pulong ang mga punong-guro, mga pangulo ng mga tricycle operators and drivers association (TODA) ng iba’t ibang baranggay at ang pangulo ng pederasyon ng mga tricycle drivers ng munisipalidad. Liban sa kanila ay naging bukas din naman ang pulong sa iba pang mga mamamayan.
“Naiintindihan nila na kailangang magtaas na ng pasahe. Pero ang hiling naman nila ay iayos sana ang serbisyo,” pahayag ni Ilagan.
Inilahad ng konsehal na inaasahan sa mga tricycle driver na magsukli ng tama, magpatakbo sa tamang bilis, at ugaliin ang nararapat na hygiene. Dapat din silang maging magalang sa kanilang mga pasahero.
Tinukoy naman ng tagapangulo ng komunikasyon at transportasyon na ang marapat na humingi ng dagdag na piso sa pasahe ay ang mga may kaukulang dokumento gaya ng prangkisa, mayor’s permit at lisensya.
“Hindi naman tama na kung sino pa ang kolorum ay siya ang kumikita, at baka mas malaki pa ang kita niya kaysa sa legal na driver,” komento ni Ilagan.
Kaugnay nito ay iaayos ng SB ang kanilang ipalalabas na resolusyon ukol sa pagtataas ng pasahe. Sinabi ni Ilagan na makikipagsanggunian pa rin siya ukol sa ikatitiyak ng maayos na implementasyon ng kanilang pasiya.
Tumanggi naman siya na magbigay ng petsa ng implementasyon ng pagtataas ng pasahe ngunit maaaring magsimula na ito sa susunod na linggo kapag naiayos na ang ordinansa. “Binabalak pa rin namin kasing magpalagay ng mga announcements sa mga paradahan para huwag namang mabigla ang mga tao,” tukoy ni Ilagan.
Pinatunayan naman ni Aniceto Managat, tricycle driver mula sa Brgy. Sto. Domingo, na kailangan na nga nilang makatanggap ng dagdag sa kanilang taripa.
“Noong halos P50.00 pa kada litro, kumikita pa ako ng P100-P150. Pero ngayon na magiging P60.00 na, halos pang-gasolina na lang ulit ang kinikita ko,” daing ni Managat.
Ayon pa kay Managat, bunga ng kahirapan ng buhay ay ipinasiya niyang mamasada rin ng tricycle liban pa sa paghahanapbuhay niya bilang farm aid sa BFAR station sa Brgy. Sto. Domingo. Namamasada siya tuwing umaga hanggang bago 8:00 ng umaga, kung kalian papasok naman siya sa BFAR.
Kung ihahambing naman sa ibang bayan, mas mababa ang pisong dagdag na pasahe sa bayan ng Bay.
“Sa Calauan, Victoria, at Sta. Cruz, sampung piso ang minimum nila,” paglalahad ni Ilagan.
Ayon pa kay Konsehal Ilagan, dalawang piso talaga ang hinihingi ng mga driver na dagdag sa pasahe ngunit pinakiusapan umano nila ang mga tricycle driver na maghinay-hinay upang maiwasan ang pagkabigla ng mga mamamayan.
Sinasang-ayunan naman ni Meryll Dela Cruz ang pagtataas ng pasahe sa tricycle. Mayroon siyang anak sa elementarya na lagi niyang inihahatid at sinusundo sa paaralan apat na beses isang araw.
“Kawawa naman kasi ang mga driver. Mataas na rin naman ang gasolina,” sabi ni Dela Cruz.
Para naman sa first year student mula sa Nicolas L. Galvez Memorial National High School na si Arvin Bautista, “Mataas na rin iyon kahit dalawang piso.”
Dalawang piso ang dagdag sa pamasahe ni Bautista araw-araw dahil kailangan niyang sumakay ng dalawang beses ng tricycle para makarating sa paaralan. Magiging P16.00, kung gayon, ang kanyang babayaran mula P14.00.
Samantala, iba naman ang damdamin ni Ruth Batongmalaque, isang second year student mula sa Galvez.
“Okay lang ‘yun. Naghahanapbuhay naman kasi sila,” sabi ni Batongmalaque.
Kaalinsabay ng pagtataas ng pasahe, nanawagan si Konsehal Ilagan na ayusin ng mga driver ang kanilang serbisyo at ang kanilang mga dokumento upang maiwasan nila ang mahuli ng mga awtoridad at maabala pa sila.
Hinikayat din niya ang mga mamamayang pasahero ng mga tricycle na ipagbigay-alam agad sa mga pangulo ng kinauukulang TODA, ng pangulo ng pederasyon ng mga tricycle driver, o sa kaniya mismo ang anumang reklamo o suliranin kaugnay ng pamamasada ng tricycle.