ni Earl Gio N. Manuel
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon na may temang “Pagkain ng Gulay ay ugaliin. Araw-araw itong ihain”, nagdaos ng isang feeding program sa pangunguna ng Los Baños Group kabalikat ang kanilang mga volunteers na kinabibilangan ng Rotary International-Makiling District, UP Sigma Alpha Nu Sorority, Singles for Christ Los Baños Chapter, at mga Barangay Nutrition Scholars noong nakaraang Hulyo 14 sa Municipal Covered Court.
Ang naturang programa ay pinamagatang “Los Baños Group Feed A Child Program” na may layuning bigyan ng masusustansyang pagkain ang mga bata sa iba’t ibang barangay ng Los Baños.
Dinaluhan ng 123 na mga bata kabilang ang kanilang mga nanay na nagmula sa sampung barangay kabilang ang Tadlac, Timugan, Lalakay, Maahas, Bambang, Malinta, Putho-Tuntungin, Batong Malake, Baybayin, at Anos ang feeding program.
Sinimulan ang pagpapakain sa mga bata sa pamamagitan ng isang mga kwentong pambata na pinagunahan ng mga miyembro ng UP Sigma Alpha Nu Sorority na sinundan ng pagpupurga sa mga bata. Matapos nito, isinagawa na ang pagbibigay ng mga pagkain tulad ng lugaw, manok, gatas, tinapay, at juice sa mga batang dumalo sa feeding program.
Ayon kay Mary Jane Corcuera, and Program and Development Chairman ng Los Baños Group, nagsimula ang kanilang samahan na binubuo ng mga mamamayan ng Los Baños noong Agosto 26 lamang ng nakaraang taon. Layunin ng samahang ito na magbigay serbisyo sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programang may kinalaman sa nutrisyon at kalusugan.
Bagaman wala pang isang taon ang kanilang samahan, nakapagsagawa na sila ng mga programa tulad ng Linis Lawa at isa pang feeding program na ginanap noong nakaraang Mayo 26.
“Parte lamang ang feeding program na ito ang aming layuning masubaybayan ang kalusugan ng mga malnourished na bata sa Los Baños dahil magsasagawa kami ng six month feeding program upang mas matugunan namin ang pangkalusugang pangangailangan ng mga bata”, dagdag pa ni Corcuera.
Ayon naman kay Municipal Nutrition Action Officer na si Maria Cerezo, “Maganda at masustansya ang kanilang programa na makakatulong sa nutrisyon ng mga bata kahit isang araw lamang ito.”
Sa kabilang dako, nagpahayg din ng opinyon ang isang nanay na nakiisa sa nasabing programa at ayon sa kaniya,”Nagkaroon kami ng ideya para magkaroon ng mabuting kalusugan ang aming mga anak at kung ano ang tamang ipakain sa kanila”, ani Rowena Pamulaklakin, isang maybahay mula sa Brgy. Maahas.
Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng UP Sigma Alpha NU ng mga sertipiko sa mga Barangay Nutrition Scholars ng mga barangay na dumalo.
Kaugnay nito, magkakaroon din ng iba’t iba pang programa na may kinalaman sa buwan ng nutrisyon tulad ng paligsahan para sa pagluluto, paggawa ng jingle, at sa hardin ng komunidad sa iba’t ibang barangay ng Los Baños.