ni Earl Gio N. Manuel
Tatlong linggo matapos salantahin ng hanging habagat na sinundan ng bagyong Helen ang maraming lugar sa Luzon, bakas pa rin ang iniwan nitong pinsala sa mga paaralan sa bayan ng Siniloan sa Laguna. Ayon sa ulat ng PAGASA, nakapagtala ng halos 472 mm ng tubig ulan ang Habagat sa loob lamang 22 oras na mas mataas kumpara sa bagyong Ondoy noong 2009.
Kabilang ang Siniloan Elementary School (SES), Siniloan Technical and Vocational National High School (STVNHS) at ang Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa mga lugar na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa baha. Kasama sa mga lugar sa Siniloan na mayroon pa ring baha ay ang mga barangay ng Acevida, Halayhayin, at ang J. Rizal Wawa.
Ayon sa kapitan ng J. Rizal Wawa na si Brgy. Chairman Epong Em, ang matagal na paghupa ng baha ay nang dahil sa pag-apaw ng ilog Putol at dahil na rin sa pagpapakalawa ng tubig galing sa lawa ng Caliraya sa bayan ng Kalayaan noong ika-8 ng Agosto.
Ayon pa sa kaniya, maaaring tumagal pa ng dalawang linggo bago humupa ang baha. “Nagkaroon na rin ng matagalang pagbaha sa mga paaralan dito sa Wawa noong bagyong Ondoy at tumagal ito ng isang buwan,” dagdag pa ni Kap. Em.
Sa kasalukuyan, lubhang naapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante sa nabanggit na mga paaralan dahil sa hanggang binting tubig baha na dulot ng pangatlong linggong di paghupa ng baha.
Sa LSPU, halos lahat ng mga klase ay ginawa na lamang “half-day” at nagkaroon na rin ng pasok tuwing araw ng Sabado dahil ang ginagamit na mga silid-aralan ay nasa second at third floor na lamang. Dahil sa tubig baha, napipilitang sumakay ang mga kolehiyo na sumakay ng bangka sa halagang dalawang piso.
Ayon kay Mirra Jane Principe, isang sophomore BS Psychology sa LSPU, nagiging mahirap ang paraan ng pagpasok dahil sa baha ngunit marami pa ring estudyante ang pumapasok at patuloy na nag-aaral sa kabila ng kanilang sitwasyon.
Samanatala, sa STVNHS naman ay nabago ang araw ng pagpasok kung saan tatlong araw na lamang ang kailangang ipasok ng mga estudyante, ang nasa una at ikalawang antas ay tuwing araw ng Lunes hanggang Miyerkules samantalang tuwing Huwebes at Sabado naman ang nasa ikatlo at ikaapat na antas.
Sa kabilang dako, ginawa namang evacuation center ang ilan sa mga silid aralan ng SES at ang mga estudyante ay pumapasok na lamang ng kalahating araw.
Sa pamamagitan ng pinagkabit-kabit na mga kahoy, nagsisilbi na itong mga tulay sa mga paaralan ng LSPU, STVNHS at SES upang makatawid patungo sa lugar na nais puntahan ng estudyante.
Kasalukuyan namang nasa evacuation center sa SES ang mga residente ng mga apektadong baranggay.
Ayon kay Trisha Anareta, isang residente ng Brgy. Acevida, mas mabuti ay mas maging handa sila sa susunod upang mas maiwasan ang pinsalang dulot ng mga susunod pang mga sakuna.