ni Levi Joshua A. Verora Jr.
Wagi ang anim na mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños sa katatapos lamang na 2013 Gawad Felicisimo T. San Luis para sa Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna nitong Sabado, Hunyo 22 sa Sta. Cruz, Laguna.
Kabilang sa mga pinangaralan ang tatlong nakapasok sa top 10 na sina John Cynex Sollorano, Veah Fleurdeliz Escote, at Venuel Robel. Tatlo naman ang nakapag-uwi ng special awards sina Candy Barcena, Earl Gio Manuel, at Stanley Gajete.
Ang Gawad San Luis ay isang samahan na nagbibigay parangal sa mga natatanging kabataan sa lalawigan ng Laguna. Bubuksan ang nominasyon para sa mga nais magsusumite ng kanilang mga pambato. Pagtapos ay susuriin ang mga ito at iaanunsyo ang mga opisyal na mga nominado.
Ang mga natanggap na nominado ay dadaan sa proseso ng screening o pagsasanay sa loob ng halos anim na buwan. Dito, layunin ng Gawad San Luis na linangin ang mga kabataan at tulungan silang matuklasan ang kanilang mga kakayahan. Matapos ang proseso ay gagantimpalaan ang Top 10 at ang mga Special Awardees base sa mga batayan ng samahan.
Ilan sa mga batayan ng Gawad San Luis ay ang kakayahang mamuno at makisama ng mga nominado at ang kanilang mga kontribusyon sa pagpapaunlad ng kanilang lugar.
Ang mga nagwagi ay kapwa dumaan sa matinding pagsubok sa final screening ng Gawad San Luis na tumagal ng halos limang buwan mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Kada linggo ay nagpupulong ang mga nominees upang magkaroon ng mga talakayan, diskusyon at samu’t saring mga aktibidad.
Nakapanayam ng Los Baños Times ang dalawa sa mga nagwagi—sina John Cynex Sollorano mula sa kursong BS Biology at Venuel Robel, mag-aaral ng BS Economics. Inilahad nila ang kanilang mga pinagdaanang mga karanasan bago tuluyang makamit ang karangalan.
“Sapat na ang sertipiko kung tutuusin; malaking bagay na iyon sapagkat panalo ka na sa karanasan at sa pamilyang ibinigay ng Gawad,” ani Sollorano, na hindi raw inasahan na malagay sa Top 10. “Hindi ko talaga inaasahan sapagkat lahat ay magagaling. Ang tingin kong inilamang ko sa kanila ay ang pakikisama ko at pagsali sa lahat ng kategoryang mayroon.”
Ganito rin ang mga naging susi sa tagumpay ni Venuel Robel. “Malaking bagay ang dedikasyon sa patimpalak na ito. Hindi pwedeng mang-iwan sa ere at hindi mo iiwanan ang Gawad ng walang naaayos na gusot.” Si Venuel Robel ay wagi sa kategoryang high school, matapos magtapos sa Famy National High School.
Hindi lamang ang mga katangian ng isang Felicisimo San Luis ang natutunan ng mga naging kasapi ng organisasyon bagamat iba’t ibang aspeto ng mga buhay tulad ng pagkilala sa sarili, sa ibang tao, sa lipunan at iba. Ito ang ilan lamang sa mga bagay na hinding-hindi malilimutan ng mga nagsipagtapos sa Gawad San Luis ngayong taon.
Bukod sa karangalang natanggap, isang pagsubok ang pagkakahirang na pinakanamumukod-tanging kabataan para kina Cynex at Venuel; ayon sa kanila, higit pa sa naiuwing mga tropeyo ang hamon sa kanila na mapatunayan ang kanilang angking galing pagdating sa paglilingkod sa sambayanan, sa mapakahit-anong paraan.