ni Zarrel Gel M. Noza at Elsie E. Reyes
Nanguna ang Paaralang Elementarya ng Lalakay sa pandistritong paligsahan ng sabayang pagbigkas na ginanap sa Paaralang Elementarya ng Mayondon sa Los Baños, Laguna noong Agosto 16, 2013. Ang paligsahan ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ngayong taon na may tema na “Wika natin ang daang matuwid.”
Ang nasabing patimpalak ay nilahukan ng anim na mababang paaralan sa bayan ng Los Baños. Dito ay ginamit nila ang piyesang “Tuwid na Daan ang Wika Natin” na isinulat ni Erico Memije Habijan.
Ayon sa kanilang punungguro na si Ginoong Anatacio, ang pagsali sa paligsahan ay hindi naging madali para sa kanila. Isang problemang kinaharap nila ay pampinansyal. Ayon sa punungguro, ang mga kasuotan ng mga kalahok ay gawa sa sako ng mais na ginawa at pinagtulung-tulungan mismo ng mga guro.
“Natuwa po kami kasi kami na po yung pinakamaliit na school. Lahat po kasi ng nakalaban namin ay malalaki. Malaki ang resources, malaki ang population ng mga teachers na magtutulong-tulong. Natuwa po kami kasi habol lang po talaga kami na sumali,” ani Anatacio.
Ang eskwlehan naman ay nagkamit ng sertipiko ng pagkilala dahil sa kanilang pagkapanalo sa pandistritong paligsahan.
Bukod pa dito, kanila ring nirepresenta ang bayan ng Los Banos sa pangklaster na paligsahan na ginanap sa Paaralang Sentral ng Calauan (Calauan Central School) noong Agosto 28. Sa paligsahang ito, limang bayan ng Laguna ang nakilahokkabilang ang Bay, Calauan, Pila, Los Baños, at Victoria.
Nanguna ang Calauan sa pangklaster na paligsahan, pumangalawa ang Los Baños, at nagkamit ng pangatlong pwesto ang Pila.
Maliban sa sabayang pagbigkas ay nagkaroon din ng ibang paligsahan sa pagtula, pag-awit, at pagsulat ng sanaysay.