By Christian T. Rieza
Nagtunggali ang mga paaralan ng CALABARZON sa sabayang pagbigkas at tradisyunal na sayawang Pilipino noong nakaraang ika-8 ng Septyembre sa DL Umali Auditorium, UPLB. Ang ginanap na kumpetisyon ng sabayang pagbigkas ay ginamit ang kathang piyesa ni Atty. Maria Joy Karen Adraneda-Filio na pinamagatang “Baluktot, Matuwid”.
Ang mga nasabing paligsahan ay kasunod lamang ng unang parte ng Pintig ng Lahi bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Wika Natin Ang Daang Matuwid”
Para sa kumpetisyon ng sabayang pagbigkas, 10 na paaralan ang nagtunggali. Ito ay ang mga sumusunod: Pagsanjan National High School; Los Baños National High School; Canossa Colleges – San Pablo; Morning Star Montessori School Inc; Mater Dei Academy – Tagaytay City; Calamba Bayside National High School; Alaminos National High School; Our Lady of Peace School – Antipolo, Rizal; University of Rizal System – Morong; at Mater Ecclesiae.
Sa tagisan ng galing sa Sabayang Pagbigkas, nanalo ng unang gantimpala ang Calamba Bayside National High School. Sinundan sila ng University of Rizal System-Morong (Pangalawang Gantimpala) at Our Lady of Peace School-Antipolo, Rizal (Ikatlong Gantimpala). Pinarangalan ng tropeyo, katumbas na pera bilang pa-premyo, at sertipiko ang mga paaralang nanalo sa paligsahang ito.
Ang mga hurado para sa Sabayang Pagbigkas ay sina G. Joey Ting, G. Kristofer Abe Pojas at Atty. Maria Joy Karen Adraneda-Filio
Sa panayam sa isa sa mga punong abala sa Pintig ng Lahi na si Maria Regina Regalado, binanggit niya na sa sabayang pagbigkas at tradisyunal na sayawang Pilipino, maipapakita ng mga estudyante ang pagkamalikhain nila at ang pagmamahal nila sa sariling kultura. Natutuwa siya na maraming estudyante parin ang sumusuporta sa sayaw Pilipino at ipinahayag na hindi natin dapat hayaang maging parte na lamang libro at kasaysayan ito.“Habang pinapanood sila alam mong hindi lang nila basta kinabisa ang piyesang ibinigay sa kanila, sa bawat pagtatanghal nila mararamdaman mo ang oras na kanilang ginugol para makapagtanggal ng maganda. Lahat ng mga kalahok ay magagagling at nabigyan nila ito ng magandang interpretasyon,” idinagdag niya.
Sa Tradisyunal na Sayawang Pilipino naman, 8 na paaralan ang naglaban-laban. Ito ay ang: Pagsanjan National High School; Los Baños National High School; Mater Dei Academy – Tagaytay City; Calamba Bayside National High School; Alaminos National High School; Our Lady of Peace School – Antipolo, Rizal; University of Rizal System – Morong; at Mater Ecclesiae.
Nakamit ng University of Rizal System-Morong ang unang gantimpala, sinunandan sila ng Calamba Bayside National High School na nakakuha ng ikalawang parangal at Mater Ecclesiae na napalanunan ang ikatlong gantimpala. Ang nakakuha ng gantimpala ay pinarangalan ng P10,000, tropeyo, at sertipiko; ang ikalawang gantimpala ay binigyan ng P5,000, tropeyo, at sertipiko; samantalang ang ikatlong gantimpala ay hinandugan ng P3,000, tropeyo, at sertipiko.
Nagsilbing hurado sa paligsahang ito sina Bb. Denise Anne Mallari, Bb. Joanne Cerille Calapine, and G. Joelino Lapitan.
Ang Pintig ng Lahi ay nagbibigay daan para maipakita ng kabataan ang importansya at pagmamahal para sa sariling wika at kultura. Layunin din nitong tipunin ang mga mag-aaral ng CALABARZON upang maipakita ang kanilang natatagong galing at talento sa pagsusulat ng tula, paggawa ng poster, sabayang pagbigkas, at sa tradisyunal na sayawang Pilipino.