nina Christina Mae Bernardo at Charlie Cagampang
Malabo man ang kanyang paningin ay naaaninag ni Lolo Ambo sa mahabang baybayin ng Bayog ang paglubog ng ginintuang araw. Ilang oras na lang ay gagayak na siya upang mangisda. Layunin niyang makahuli ng marami upang may pangkain ang kanyang pamilya kasabay ng pagsikat ng araw kinaumagahan.
Pagdating sa may baybayin ay nagsamang malakas na hangin at alon ang nadatnan ni Lolo Ambo at ng kanyang 12- taong gulang na apo, si Kiko. Ngunit hindi parin sila nagpatinag sa lakas ng hampas ng alon ng gabing iyon. Ang nasambit lamang ni Lolo Ambo ay, “tara apo sagwanin natin ang malakas na alon na ‘yan at kung papalaring makahuli ay may maipapangkain na tayo kinabukasan.”
Sa laot, hawak ni Lolo Ambo ang sagwan. Kasabay ng paandap-andap na apoy sa ilawan ng kanilang bangka ay hindi na niya makita ang mga isdang naglalanguyan sa kulay itim na tubig dahil sa kanyang malabong paningin. Si Kiko na ang kanyang nagsisilbing mata. Kaya kung wala ang kanyang apo upang samahan siya ay hindi rin makapangingisda si Lolo Ambo sa malawak na tubig-tabang ng Laguna de Bay.
Pakikipagsapalaran sa lawa
Pangunahing pangkabuhayan ng mga residente sa Brgy. Bayog ang pangingisda dahil sa kalapitan nito sa lawa. Maraming mangingisda ang pumapalaot doon sa araw-araw.
Ayon kay Benjamin Moldez o Mang Ben, kasalukuyang pangulo ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC), tinatayang nasa humigit kumulang 200 na mangingisda ang lehitimo at malayang nakapanghuhuli sa lawang iyon. At halos lahat ng mga mangingisdang ‘yon ay ipinapangbenta ang kanilang huli upang kumita’ o kung hindi ‘man ay inihahain sa kani-kanilang hapag-kainan.’
Tulad ni Lolo Ambo, isa siya sa mga mangingisdang araw-araw na nakikipagsapalaran sa lawang iyon. “Halos lahat ng kita ko ay ibinibigay ko sa aking mga apo upang kanilang ipang baon,” ang nasaad ni Lolo Ambo habang itunutulak niya ang kanyang bangka papalaot sa lawa. Kanya ring ipinagpapasalamat na dahil sa pangingisda ay napag-aaral niya ang kanyang apat na apo. Siya na ang nagsilbing ama dahil napiit sa kulungan ang ama ng mga ito. Talagang hindi maikakaila ang dedikasyon at pagpupursigi ni Lolo Ambo sa pangingisda basta ba’y mapagtapos niya ang mga ito sa kanilang pag-aaral.
Ngayong buwan ng Oktubre masasabing sapat lang ang kinikita ni Lolo Ambo sa pangingisda. Sapat lang sa gastusin sa bahay at pang-baon ng kanyang mga apo. Katulad halos sa ibang mga mangigisda ng Bayog, ang huli ni Lolo Ambo ay pumapatak sa 3-4 kilos kada-araw. At madalas, tilapia ang nahuhuli ng mga mangingisda dito. At ayon kay Mang Ben, ang kadalasang kita ng mga mangigisda rito ay humigit kumulang 200-300 na piso kada-araw. Ngunit mababa na ito kumpara noong 1990s na umaabot ang huli ng mga mangigisda ng lima hanggang sampung kilo at noong 1980s naman ay 30-40 kilos.
Patunay nito ang kwento ni Lolo Ambo tungkol sa mga panahong wala silang huli. At dahil dito’y nakaranas sila na hindi kumain ng hapunan. “Lolo, kumain na po ba kayo? Papalaot na tayo maya-maya.” ang saad ni Kiko galing sa maghapong paglalaro. Tanging pagtango na lamang ang kanyang nagawa na may halong nadamang kalungkutan. Maging ang kanyang mga apo ay hindi na rin inisip kumain. Kundi ay inabala na lamang nila ang kanilang mga sarili sa paglalaro upang makalimutan ang kumakalam nilang mga sikmura.
Maraming dahilan kung bakit nakararanas ng ganito ang mga mangingisda sa panahon ngayon. Mula sa dating mayaman at masaganang lawa ay mabilis ang pagkaubos ng mga isda nito. Malaki talaga ang epekto nito sa produksyun ng isda sa pamilihang bayan at lalung-lalo na sa mga mangingisda na ito na lamang ang inaasahan upang mabuhay.
Isang malaking pagbabago
Na-ikwento nga ni Mang Ben ang dating ganda ng lawa ng Laguna. “Ang kalidad ng tubig noon ay sadyang napakalinis,” kanyang naidagdag. Kaya’t laking pagtataka na lamang niya na maraming problemang kinahaharap ngayon ang lawa. Isa na nga rito ang papaonting huli ng mga mangingisda. Minsan pa nga’y umaabot sa isang kilo na lang ang nahuhuli ng iba. “Marahil sa kompetisyon ng mga mangingisda kaya’t nakakaranas sila ng mababang huli,” ani ni Mang Ben.
Ayon din kay Mang Ben, ang pagdagsa ng maraming pabrika sa karatig lugar ang isa sa pangunahing nagbigay ng perwisyo sa mga mangingisda sa Bayog. “Dati’y sagana ang lawang ito sa mga seaweeds ngunit dahil sa mga kemikal at dumi na sinasalo ng lawa ay naglaho ito bigla,” kanyang paliwanag. Ang seaweeds ang nagsisilbilbing palaitlugan ng mga isda. Sa madaling salita, kung walang seaweeds, wala ring buhay na maisasalba sa mga isda ng lawa.
Ngunit ang nakapagpapabagabag sa kanya ay ang mga dumi na galing sa kabahayan. Nabanggit ni Mang Ben ang mga dumi na nanggagaling sa mga alagang hayop. Bilang presidente ng FARMC, minsan na niyang sinabihan ang mga residente patungkol sa masamang dulot ng dumi sa lawa. Ngunit hindi parin niya nakontrol ang mga ito dahilan na rin sa kanilang kapabayaan. “Marahil nakakalimutan na nilang ingatan ang lawa at nauuwi nalang ito sa kapabayaan.”
Sasagwan ka pa ba?
Iginiit ni Mang Ben na hindi parin sila nawawalan ng pag-asa na maibabalik pa sa dating ganda ang Laguna de Bay. Ngunit hindi na katulad ng dati na kahit saan ka man sumagwan ay may mahuhuli at mahuhuli ka. Hindi rin tulad ng dati na maaring inumin ang malinis na tubig ng lawa.
Bilang solusyon sa pagkaunti ng mga nahuhuling isda, ang organisasyong FARMC na kinabibilangan ni Lolo Ambo at iba pang lehitimong mangingisda ay nagbuo ng isang estratehiyang magpapataas sa produksyon ng isda na tinatawag na “aquaculture.” Ang nasabing estratehiya ay tinatawag ding “Blue Revolution.” Ilan sa mga popular at tradisyunal na inaalagaan sa “aquaculture” ay tilapia, bangus, hito, guso, lapu-lapu, alimango at iba pa.
Ayon kay Mang Ben, ang konseptong ito ay binubuo ng kulungang-lambat o “floating cage” kung saan nakalagi sa kalmadong tubig at protektadong lugar ang mga lambat upang makaiwas sa malakas na hangin at alon. “Sa pamamagitan ng pagku-culture ng mga isda tulad na nga ng tilapia ay napapadami ang mga ito upang may mapagkunan ng hanapbuhay ang mga taga Barangay Bayog,” dagdag pa niya.
Pakikipagsagwan
Pasikat na ang araw nang dumaong ang bangka na sinasakyan ni Lolo Ambo at ang kanyang apo na si Kiko sa tabi ng baybayin. May dala-dalang tatlong kilong tilapia si Lolo Ambo. Halos hindi maipaliwanag ang nararamdaman niya ngayon. Sa wakas makakain na sila. Ang ilang oras na pinagpaguran nila ay nagbunga. “Kakaunti man pero sapat na ‘to para sa pamilya ko at ito ay galing pa sa biyaya ng Panginoon.”
Ayon pa rin kay Mang Ben, simple lang naman ang nais nilang maisakatuparan at iyon ay ang araw na kung saan ang agos ng lawa ng Laguna ay sasabayan ng masagana at maraming huling isda. “Kung inyong mapapansin maraming mangingisda hindi lang sa barangay na ito kundi pati na rin sa ibang lugar ang nakikipagsapalaran at bumababad sa init ng araw upang makabingwit man lang. Maraming mangingisda ang umaasa na ang lawa ang magsisilbing kasagutan sa kumakalam nilang sikmura,” paliwanag ni Mang Ben.
Para naman kay Lolo Ambo, na simula’t sapol pa ay pangingisda na ang hanapbuhay na nagmula pa sa kaniyang mga magulang, hindi siya matitinag kahit ilang alon pa ang humampas sa kaniyang bangka. Sasagwanin at sasagwanin ko pa rin ito,” aniya.
Ang pagsagwan ba ni Lolo Ambo ay katulad din kaya ng pagsagwan ng ibang mangingisda? Marahil iisa ang kanilang tinatahak na direksyon at iisa ang kanilang layunin- ang makahuli at makakain. Ika nga, mahirap sumagwan na salungat sa alon. Ngunit para kay Lolo Ambo, “sa agos ng buhay, aking natutunang sumagwan ng paayon, at manalig sa Panginoon na may darating na biyaya para sa amin.”