ni Rachel N. Nuñez
Patuloy ang pagsasagawa ng Philippine National Police (PNP) – Los Baños ng checkpoint sa buong bayan alinsunod sa binabang direktibang “Oplan Wildcat” ng panlalawigang pamunuan ng PNP.
Layunin ng operasyon na magkaroon ng mas istriktong implementasyon at paghuli ng mga motorista na lumalabag sa mga alituntunin tulad ng hindi pagsusuot ng helmet, kawalan ng official receipt of certificate of registration (ORCR), lisensya, at plaka. Simula Disyembre noong nakaraang taon, walong motorsiklo na ang na-impound ng PNP-Laguna.
Naglabas ng sticker ang PNP- Laguna upang mas lalong mapagtibay ang programa. Tuwing may checkpoint, kailangang ma-verify ang motorsiklo na clean motorbike. Ang clean motorbike ay naiparehistro ng tama sa oras at mayroong orihinal at hindi expired na lisensya.
“Naka focus ito sa lahat ng motorsiklo dahil maraming crimes ang nangyayari na perpetrated ng motorcycle na riding-in-tandem,” ayon kay PO2 Marife P. Cruz, pinuno ng operations ng PNP-Los Baños. “Pagdaan mo dito na nadikitaan ka na ng sticker, kapag makadaan ka ulit sa checkpoint sa kabilang bayan yun lang ang ipapakita mo. Ibi-verify lang nila ang sticker,” ayon kay Cruz.
Nagsimula ang programang “Oplan Wildcat” ng PNP-Laguna noon pang Setyembre 2011. Pinangunahan ang proyekto ni PNP Laguna Provincial Director Senior Supt. Gilbert dela Cruz na pinasinayahan sa Sta Rosa, Laguna.
Layon ng operasyon na masigurong legal at hindi nakaw ang mga bumibyaheng motorsiklo. Ayon sa tala ng PNP-Los Baños, mula sa 25 na kaso ng carnapping noong 2011, naging sampu ito noong 2012, at bumaba sa siyam noong nakaraang taon.