ni Ricarda Villar
Higit 100 pinta (pint) ng dugo ang nalikom ng Municipal Health Office (MHO) sa isinagawang Dugong Bayani Alay ko sa Bayan noong ika-21 ng Hunyo sa bagong munisipyo ng Los Baños.
Ayon kay Dr. Alvin Isidoro, tagapamahala ng MHO, mahigit 200 na residente ng Los Baños ang nagparehistro upang magbigay ng dugo ngunit nasa 108 lamang ang pumasa sa mga panuntunan para makapagbigay ng dugo. Karamihan sa nakibahagi ay mga nagsasanay sa Philippine National Police at mga miyembro ng iba’t-ibang samahan sa Los Baños.
Ipinaliwanag ni Dr. Isidoro na ang blood donation drive ay isinasagawa tatlong beses sa isang taon. Ang nangyaring blood donation drive ay ang pangalawa sa taong ito. Ang pangatlo at huli ay isasagawa sa ikalawang linggo ng Oktubre. Ani Dr. Isidoro, sa buwan ng Hunyo ginanap ang pangalawang blood donation drive bilang bahagi ng selebrasyon ng World Blood Donor Day noong ika-14 ng Hunyo.