Lanie Malihan: Reyna ng Ultramarathon

ni Aletheia G. Canubas

“Pangarap ko talagang matakbo ang buong Pilipinas at ang mensahe ko habang tumatakbo ay pangalagaan ang kapaligiran. Ayaw ko kasing mangyari uli ang nangyari noon sa [Bagyong] Yolanda.”

Ipinapakita ng pangarap na ito ang mga bagay na mahalaga kay Melanie A. Malihan – ang pagtakbo at ang kalikasan.

Bagama’t tubong Bay, sa Los Baños na nahubog ang pagmamahal at talento ni Lanie, 30, sa pagtakbo. Nagsimula siyang sumama sa isang kaibigang mananakbo noong 2006. “Patakbo-takbo lang ako noon,” ani Lanie.

“Sumasama sa training namin yan noon, hindi pa tama ang basic running posture at naka-tsinelas pa,” ani Coach Nick Gandeza, ang running coach ni Lanie mula taong 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Nagsimula siya ng ‘focused at seryosong’ pagtakbo noong 2009. Ang mga running outfit at gadgets ni Lanie ay kalimitang bigay ng mga kasamahan sa Laguna de Bay Running Team. “Ipinanghiram ko rin siya ng running shoes. Medyo malaki sa kanya yung naipahiram at para siyang penguin pero tumatakbo pa rin siya. Napaka-determinado,” dagdag ni Coach Nick.

Sa ngayon, full-time siyang tumatakbo. Nag-eensayo siya kada makalawa. Sa programang binigay sa kanya ni Coach Nick, dapat makatakbo siya nang may kabuuang 50 oras mula sa 16 na beses na takbo sa isang buwan o humigit-kumulang tatlong oras kada araw.

Minsan ay tumatakbo siya mula alas singko hanggang alas nuwebe ng umaga o simula alas tres hanggang alas siyete sa gabi bukod pa sa pace work at speed training. “Depende sa pakiramdam mo, kailangan kasing makinig sa katawan,” sabi ni Lanie. Ang mga karaniwang ruta ng kanyang ensayo ay mula Bay hanggang Calamba, o Caliraya, o San Pablo at pabalik sa Bay.  Nag-eensayo din siya sa UPLB. “Magandang training ground ang campus, pati pang-high altitude sa may National Arts Center, sa Jamboree, sa Mud Spring, at Mt. Makiling Rainforest Park,” ani Coach Nick Gandeza.

Tuwing Linggo, isinasagawa niya ang Long, Slow Distance training (LSD) na inaabot ng 6-8 oras na takbo na may kasamang walking breaks. Ito ay para sa mga ultramarathon runs niya.

Sa kasalukuyan, ang pinaka-malayong distansya sa karera na natakbo na ni Lanie ay ang 2014 Bataan Death March (BDM 102) Ultramarathon Race na may layong 102 kilometro (km).

Sa nasabing paligsahan, nakuha ni Lanie ang unang pwesto sa mga kababaihan at pangalawa sa lahat ng mahigit 300 na tumakbo. Nagtala siya ng oras na 11:18:24 – ito rin ang bagong record ng mga kababaihan sa BDM Ultramarathon Race para sa 102 km.

Nakuha din niya ang ikalawang pwesto sa mga babae mula sa 405 na nakilahok sa Mayon 360˚ Ultramarathon Race na may distansyang 80 km. Nanalo din siya sa ginanap na Independence Day Ultramarathon noong Hunyo 15, 2014 sa Kawit, Cavite, kung saan siya ay nagtala ng oras na 5:57:59 para sa    54 km na takbuhan.

Pinapayuhan lamang ni Coach Nick si Lanie ng mga dapat niyang sundin upang manatiling malusog at malakas para sa ensayo at mga karera. Si Lanie na mismo ang naghahanda ng masustansyang pagkain, nagsisiguradong walong oras ang kanyang tulog, at umiiwas sa mga bisyo gaya ng pag-inom at paninigarilyo.

Pagkatapos ng mga mahabang takbuhan, may dalawang araw si Lanie na recovery period. “Kailangang ipahinga ang mga muscles at tissues sa katawan,” aniya.

Kung walang karera at kung hindi nag-eensayo, masaya si Lanie sa simpleng buhay sa bukid. “Laking bukid kasi talaga ako – nagtatanim sa palayan, namimingwit sa sapa, ganun.” Mayroong tindahan dati si Lanie pero natigil ito dahil walang nakaka-pag-bantay. “Nag-iipon na uli ako para mabuksan ko yung tindahan,” dagdag ni Lanie.

Ayon sa mga tala ng kanyang pagsali sa mga karera at time trials kasama ang mga teammate, halos 1,600 km na ang kabuuang layo na natatakbo ni Lanie mula 2011 hanggang 2014.  Hindi pa kasama ang halos araw-araw na kanyang tinatakbo para sa ensayo.  Sa 72 karerang kanyang sinalihan, nakuha niya ang unang pwesto sa 32 pagkakataon.

Hindi na malayo sa pangarap niyang matakbo ang buong Pilipinas na ayon sa nationsencyclopedia.com ay may habang 1,851 km mula timog-timog silangan hanggang hilaga-hilagang kanluran. “Pinaplano na namin yan pero sa tingin ko ‘pag 40 years old na si Lanie namin yan magandang ituloy,” ani Coach Nick.

Ayon kay Coach Nick, kailangan ng matinding pagpa-plano, pag-eensayo, at suporta ang ganitong takbuhin.

Sa lahat ng ito, hindi kuntento si Lanie na tumakbo lamang para manalo. “Ayoko ng takbo lang nang takbo, gusto ko iyong pagtakbo nakakatulong din sa community ko,” sabi niya.

Sa nalalapit na hinaharap ay matutupad ni Lanie ang kanyang pangarap na takbuhin ang buong Pilipinas kasama ang kanyang mensahe na pangalagaan ang kapaligiran. Sa ngayon, patuloy siyang nag-eensayo para sa mga ultramarathon races na kanyang sasalihan at ipapanalo.

Upang malaman kung paano masuportahan si Lanie Malihan sa kanyang mga karera, makipag-ugnayan lamang kay Coach Nick Gandeza o bisitahin ang kanilang Facebook Page (Laguna de Bay Running Team).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.