Nina Jeanette Ilagan-Talag at Lenie Bonapos
Ipinagdiwang ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities (LBFPWD), Inc. ang National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week na may temang “Talento at Paninindigan, Pasaporte sa Kaunlaran” mula ika-4 hanggang ika-8 ng Agosto.
Layunin ng isang linggong pagdiriwang na maipamalas ang kapasidad at kakayanan ng mga mamamayan ng Los Baños na may kapansanan sa pamamagitan ng iba’t-ibang gawain. Ito ay upang maipakita din na sila ay mahalagang parte ng lipunan at may pantay na karapatan. Gayundin, ang gawain ay upang maitaas ang morale ng mga may kapansanan.
Ilan sa isinagawang aktibidades bilang paggunita sa NDPR week ang mga sumusunod:
- Agosto 4 – Talakayan kasama si Arthur Letim (Region IV-A Head AKAP PINOY) tungkol sa ugnayan ng mga may kapansanan, mga kapitan ng barangay at ng iba’t-ibang social service committees gayundin ang tungkol sa tamang paggamit ng Internal Revenue Allotment.
- Agosto 5 – Pagdadala sa mga amputee patients sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center kung saan pito sa mga pasyente ang nasukatan para sa kanilang prosthetics.
- Agosto 6 – Pagdaraos ng “Talentadong PWDs” kung saan nagpamalas ng angking talento ng mga may kapansanan sa larangan ng pagkanta at pagsayaw.
- Agosto 8 – Pagdaraos ng Sports fest kung saan iba’t-ibang palaro ang sinalihan gaya ng wheelchair race, marathon at swimming.
Ang pagsasagawa ng livelihood training partikular sa paggawa ng antibacterial soap na dapat ay isinagawa noong Agosto 7 ay nalipat sa ika-30 ng Agosto, 2014.
Para sa impormasyon at katanungan patungkol sa LBFPWD, maaaring makipag-ugnayan kay Jeanette Ilagan-Talag, kasalukuyang pangulo, sa numeronga 0936-347-1973. Maaari ding bumisita sa kanilang tanggapan sa PWD Office, Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) na nasa lumang munisipyo ng Los Baños at hanapin si Lorelie Liwanag (0915-584-8844).