Isinulat nina Lorelie M. Liwanag (kalihim ng LBFPWD) at Lenie M. Bonapos (PRO ng LBFPWD)
Patuloy na tinutulungan ng Los Baños Federation of Persons With Disabilities, Inc. (LBFPWD) sa pamamagitan ng libreng braces o prosthetics ang mga mamamayan ng Los Baños na naputulan ng paa o kamay maging ang may polio. Ito ay sa pakikipagtulungan ng School of Prosthetics and Orthotics ng University of the East Ramon Magsaysay Medical Center sa Quezon City.
Noong Pebrero 2014, apat na pasyente ang nadala ng LBFPWD sa naturang pagamutan sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Los Baños. Dalawa sa mga pasyente, sina Arnel Lumawod ng Brgy. Baybayin at Leoncio Dechitan ng Brgy. Mayondon, ang pinaka-unang nabiyayaan ng prosthetic legs.
Mayo 2014 naman nang mabigyan ng pagkakaton ang ikawalang grupo ng mga pasyente na madala sa pagamutan. Apat sa kanila ang nakapag-uwi ng kanilang mga prosthetic legs at braces. Sila ay sina Manuel Evangelista at Rosa Pascua ng Brgy. Bayog, Alejandro Meraña ng Brgy. Anos, at Medel Rodriguez ng Brgy. Batong Malake.
Nagsimula ang proyektong ito sa pakikipag-ugnayan ng samahan kay Ms. Louie Golla, direktor ng Motorcycle Philippines Federations-Persons with Disabilities, noong Nobyembre 2013. Ang kanilang samahan ay binubuo ng mga motoristang may kapansanan sa kanilang paa. Si Ms. Golla ang pinaka-unang natalang babaeng motorista na may kapansanan. Si Ms. Golla din ang nagbahagi sa LBFPWD ng patungkol sa organisasyon at paaralan na tumutulong sa mga mamamayang may katulad na kondisyon.
Ilan sa mga requirements upang mabigyan ng libreng prosthetic at braces ay ang mga sumusunod: Social Case Study, Barangay Certificate of Indigency at Philhealth. Para sa anumang katanungan, sa mga nais na magkaroon ng braces o prosthetics o may kakilalang nangangailangan nito, maaaring makipag-ugnayan kay Lorelie M. Liwanag sa numerong 0915-584-8844, kay Jeanette I. Talag sa numerong 0936-347-1973, kay Lenie Bonapos sa numerong 0935-683-6995 o tumawag sa PWD Office sa numerong 530-9143.