Isinulat ni Martin Imatong at Batoy Tolentino
Naglunsad ng iba’t-ibang pagsasanay ang lokal na pamahalaan ng Los Baños sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) Office para sa mahigit 50 na mga nais maging volunteers o responders. Isinagawa ang Basic Life Support at First Aid Training noong Setyembre 13, 14 at 20, 2014 sa munisipyo ng Los Baños samantalang ang Water Search and Rescue (WASAR) training naman ay ginanap noong Oktubre 3-5, 2014 sa City of Springs Resort ng Brgy. Baybayin at sa Laguna Lake sa nasasakupan ng Los Baños. Siyam na katauhan mula sa Special Operations Group ng Philippine Coastguard ng Region IV-A ang nagsagawa ng WASAR training. Sa mga nagsanay sa WASAR, 12 volunteers ang nabigyan din ng pagsasanay sa Outboard Motor (OBM) Operation o ang paggamit ng motorized speed boat sa panahon ng emergency.
Layunin ng pagsasanay na madagdagan ang kaalaman at kagalingan ng mga volunteers mula sa iba’t-ibang barangay ng Los Baños sa pagresponde sa iba’t-ibang uri ng sitwasyon. Ang mga volunteers ay patuloy na magkakaroon ng iba pang pagsasanay sa ibang kapasidad tulad ng high angle rescue, fire rescue at iba pa.