by Krischen Balberan and Haezelyn Ragodon
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bañamos Festival at ng ika-400 taon ng pagiging munisipalidad ng Los Baños, idinaos ang Civic Parade noong Setyembre 17, mula alas sais hanggang alas nuwebe ng umaga.
Ayon sa Civic Parade Registration Committee na pinamumunuan ng LB-COPS, itinatayang 12,210 hanggang 13,000 na katao ang nakilahok sa parada kasama na ang 14 na barangay ng Los Baños at 142 na ahensya ng gobyerno.
Nagsimula ang parade sa Olivarez Plaza at nagtapos sa lumang munisipyo ng Los Baños. Nagtipon-tipon ang mga mamamayan ayon sa kanilang barangay, ahensya, at paaralan. Nanguna sa pila ang hanay ng mga opisyal ng pamahalaang bayan sa pamumuno ni Mayor Ceasar Perez. Sunod sa pila ang mga barangay, mga ahensyang pangkalahatan, at ang mga paaralan. Huli sa parada ang mga float ng iba’t-ibang establisyamento at institusyon sa bayan.
Kasama ang mga volunteers mula sa opisina ng Municipal Disaster Risk Reduction Management (MDRRM) sa pagpapanitili ng kaayusan sa naturang parada.
Suporta sa parada
Karamihan sa mga mamamayang dumalo ay sumusuporta sa pagdaraos ng Bañamos Festival katulad na lamang ni Annie Lantican, 59, na miyembro ng isa sa mga NGO sa Los Baños. “Siyempre, bilang mamamayan ng Los Baños, dapat talaga ay maki-isa kami. Kahit na anong haba pa ng pila n’yan, at kahit anong aga, gigising kami… kumbaga obligasyon namin na maki-isa sa ating bayan”, ani niya.
Ayon rin sa mga miyembro ng Association of Senior Citizens, “Siyempre, mahalaga ito dahil mas mapapatibay ang relasyon naming mga senior citizen, bonding baga.” Samantala, may ilan ring nakapanayam na sumama sa parada upang hindi mamarkahang liban sa eskwela o opisina.
Pinagmamalaking aspeto ng pagiging residente ng Los Baños
Mula sa mga grupong nakiparada, ilang komentaryo ang binaggit ukol sa aspeto ng Los Banos na pinaka-ipinagmamalaki nila. Isang masigabong “Buko Pie!” ang tugon ng mga kawani mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon naman kay Randy Banzuela, Election Officer, mula sa opisina ng COMELEC, ipinagmamalaki niya ang payapang eleksyon sa Los Baños, sino man ang tumakbo mula noon hanggang sa kasalukuyan. Ipinagmamalaki rin niya ang pamunuan sa munisipalidad sapagkat bagamat maliit na bayan lamang ang Los Baños, ito ay napapanatiling maunlad ng mga tao.
14th Banamos Festival
Ang pagdiriwang ng Bañamos Festival na nangangahulugang ‘pagpaligo’ o to bathe ay naglalayon na ipagbunyi ang mga natatanging maiinit na batis at bukal na isa sa mga ipinagmamalaki ng Los Baños. Ito na ang ika-14 na pagdiriwang ng Bañamos Festival ng Los Baños at inaasahan pang ipagpatuloy ang pagdiriwang sa mga susunod na taon.