Ni Clarisse Mae N. Abao at Irven Spence S. Bustamante
Si Barangay Tanod Mila Reyes ay isa sa mga mamamayan ng Brgy. Bagong Silang sa bayan ng Los Baños. Isa siya sa mga maliliit na negosyanteng nakikinabang sa pangunahing produkto ng kanilang barangay – mga prutas tulad ng lansones at rambutan.
Ang Brgy. Bagong Silang ay kilala sa mga tanim nilang gulay at prutas na hindi ginagamitan ng mga komersyal at kemikal na pataba. Ayon kay Gng. Mila, maipagmamalaki ang mga produktong prutas at gulay ng kanilang barangay dahil sila mismo ang nagtatanim, nag-aalaga, at nag-aani bago dalhin sa pamilihang bayan at karatig-barangay.
Isa lamang ang Brgy. Bagong Silang sa mga pamayanan sa Los Baños na maaaring umunlad kung mabibigyan ng oportunidad ang mga maliliit na negosyanteng maipakilala ang kanilang produkto sa merkado.
Ang “Go-Negosyo Act” para sa MSMEs
Ang mga micro, small, medium enterprise (MSMEs) ay may malaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo sa isang bayan. Ito ay dahil sa mga produktong kanilang ibenebenta ay sumasalamin sa kanilang kultura.
Kaya naman noong ika-15 ng Hulyo noong makaraang taon, ipinanukala ang Republic Act 10644 o mas kilala sa tawag na “Go Negosyo Act”. Sa tulong ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino katuwang ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI), hangad nitong bigyang importansya ang mga MSMEs at palawigin ang kanilang kaalaman upang lalo pang mapalago ang kanilang kabuhayan.
Isa sa mga layunin ng batas na ito ay ilapit ang merkado sa mga MSMEs sa pamamagitan ng pagtulong sa magsisimula at nakapagsimula, ng kanilang sariling kabuhayan at ituro sa kanila ang iba’t ibang aspeto nito. Mula sa pagpapakilala sa publiko ng kanilang mga produkto hanggang sa pagpapayaman ng kaalaman at kakayahan nila ay papatnubayan sila ng pamahalaan. Ito ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsangguni sa mga eksperto at pag-oorganisa ng diskusyon upang mabigay ang mga impormasyon at solusyon na nararapat ayon sa pangangailangan nila.
Ang pagbubukas ng Negosyo Center – Los Baños
Bilang pakikiisa ng munisipalidad ng Los Baños sa nasabing batas, inilunsad proyekto kung saan ipinatayo ang ikaapat na Negosyo Center sa rehiyon ng CALABARZON sa publiko sa tulong ng Center for Technology Transfer and Entrepreneurship (CTTE), University of the Philippines Los Baños, Association of Laguna Food Processors Inc. (ALAFOP), Laguna Chamber of Commerce, at San Pablo Chamber of Commerce.
Ito ay naganap noong ika-14 ng Setyembre sa munisipyo ng Los Baños. Pormal na binuksan ang Negosyo Center sa pamamagitan ng isang isang “ribbon-cutting ceremony” na pinasimulan ni Senador Bam Aquino, mga kinatawan ng DTI, at mga institusyong nakibahagi upang maisakutaparan ang pagbubukas ng Negosyo Center.
Ito ay sinundan ng isang programa na dinaluhan ng mga nagsasanay sa Philippine Employment Services Offices (PESO) na isang proyekto ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga negosyanteng pangunahing benepisyaryo ng Negosyo Center, at mga taong sumusuporta sa Negosyo Center.
Nagbigay rin ng mensahe ang Senador sa mga dumalo sa programa upang hikayatin silang maging bahagi ng Negosyo Center.
Ani nya, maraming mga negosyante sa bayan ng Los Baños at malaki ang potensyal na maging matagumpay ang proyekto sa pagsasakatuparan ng mga adhikain nito.
“Kung tulung-tulong po tayo, kaya po nating mailabas ang kaunlaran na hinahanap po natin… This Negosyo Center is now open for business, lahat po pwedeng pumunta diyan – kung kayo po ay estudyante, nanay sa mga barangay, sa aming Women’s Brigade, government worker, o maliliit na negosyante, pwedeng-pwede po kayo, and it can provide the right support and right programs para po sa inyong patnubay at kaunlaran.”, wika ng Senador.
Sa pagtatapos ng programa, nagkaroon ng press conference para sa pagtanggap ng mga katanungan ukol sa bagong proyekto ng bayan ng Los Baños.
Ang Negosyo Centers sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas
Ang Negosyo Center – Los Baños ay ikasyamnapu na sa isang daang layuning itatag ng Go Negosyo Act sa buong bansa sa kasalukuyang taon.
Ang unang mga Negosyo Centers sa bansa ay binuksan sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iloilo, Quezon, at Batangas.
Negosyo Center para sa lahat
Dahil sa Go Negosyo Act, hindi lamang si Gng. Mila ang maaaring umunlad sa Brgy. Bagong Silang at sa bayan ng Los Baños. Ang mga maliliit na namumumuhunan tulad niya ay maaaring mabigyan ng oportunidad upang mas lumago, hindi lamang sa larangan ng pagne-negosyo kundi pati na rin ang kanilang kakayahang makipagsabayan sa mga negosyanteng matagal na sa industriya.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa proyektong ito, maaaring magtungo sa Negosyo Center Building sa Municipal Hall ng Los Baños o tumawag sa (049) 576-7927, (049) 530-2818, o sa 0917 504 6533.