Vermicomposting sa Los Baños

nina Jonah Romasanta at Kathryna Marie Lopez

Taong 1992 nang mamulat sa gawaing pagsasaka si Bernardito Regis, kilala bilang si Mang Bernard, sa lalawigan ng Tacloban sa Visayas. Magmula noon ay pagsasaka na ang nagsilbing kabuhayan ni Mang Bernard na siya ding kanyang sinandalan upang maitaguyod ang pamilya sa araw-araw.

Sa pagpasok ng Bagyong Yolanda sa bansa noong 2013, isa ang pamilya ni Mang Bernard sa mga libu-libong labis na naapektuhan at napinsala sa buong Kabisayaan.
Matapos ang bagyo na maituturing na isa sa pinakamalakas at pinakamapaminsalang
naranasan sa buong mundo, pinili ni Mang Bernard na lisanin ang kinalakihang Tacloban upang magsimula ng bagong buhay sa Laguna. Ipinagpatuloy niya ang kinagawiang pagsasaka sa Brgy. Putho-Tuntungin sa Los Baños.

Sa kasalukuyan, si Mang Bernard ang tumatayong pangulo ng Putho-Tuntungin
Farmers Association at kasalukuyang isa sa mga magsasaka na nagsasagawa ng
vermicompostingsa Los Baños.

Ano ang vermicomposting?

Sa isang panayam kay Ginoong Jose Honrado, may ari ng J.A. Grasslands Farm sa Los Baños, ang vermicomposting ay ang paggagamit ng bulate upang makapaggawa ng masustansiyang pataba na maaaring magamit na lupa ng isang sakahan.
Nagsisimula ang lahat sa paghahalo ng dumi ng hayop kagaya ng kalabaw.
Ito ay ihinahalo sa dayami at balat ng mga prutas at gulay. Ang J.A. Grasslands
Farm ay isa sa mga kumpanya na ngayon ay nagbebenta na ng bulateng ginagamit
para sa vermicompostingna tinatawag na African night crawlerat ng produkto
mismo na nagagawa ng mga bulateng ito sa pamamagitan ng vermicomposting.

Ayon kay Honrado, ang mga magsasakang nandito sa Pilipinas ay nagsimula nang magparami ng African Night Crawler sa pamamagitan ng vermiculture.

Paggamit ng vermicompost

Si Mang Bernard ay nagtatanim at nagpapatubo ng iba’t-ibang halaman at gulay
tulad ng sitaw, kamatis, pipino, at iba pang mga gulay sa maliit na bahagi ng lupang pagaari ng isa niyang kamag-anak. Ginagamit niya dito ang mga kaalamang natutunan
tungkol sa proseso ng vermicomposting. Nangongolekta siya ng dumi ng baka at kambing na ginagamit niya bilang substrate na ipapakain sa mga bulateng African night crawler. Gumagamit din siya ng mga damong nabubulok, dahon ng ipil-ipil, acacia,o kaya’y dahon ng kahit anong halaman na sinasabing mayaman sa nitrogen.
Payo niya sa ibang magsasaka na mas mabuting nahaharangan o kaya’y nakalagay sa nakasabit na lalagyan ang mga bulate upang hindi mawala ang mga ito.

Inirerekomenda din niya na maglaan lamang ng sapat na dami ng substrate na kayang ubusin ng mga bulate, depende sa naunang obserbasyon sa dami ng kinain ng mga ito.

Ayon kay Mang Bernard, umaabot ng halos isang buwan bago makapaglabas ng
sapat na dami ng dumi o vermicastang mga bulate na maaari nang gamitin bilang
organikong pataba sa lupa matapos palamigin sa loob ng maikling panahon.
Sa kasalukuyan, ang iba sa mga magsasakang miyembro ng Farmers
Association sa Putho ay magsasagawa din ng vermicomposting sa pagtatanim sa kanyakanyang bakuran o likod-bahay. Mayo 2014 nang opisyal na naiparehistro bilang
samahan para sa maliliit na magsasaka ang Putho-Tuntungin Farmers Association sa
pamamagitan ng Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC).


Sa taon ding iyon ay naturuan ang mga magsasaka ng mga pamamaraan ng organic farming pati na din ng vermicomposting, sa tulong ng Gender and Development (GAD) Office at ng Department of Agriculture. Ayon kay Mang Bernard, patuloy silang nakatatanggap ng mga buto na ipinamamahagi ng GAD. Kaugnay nito ay nagbubukas ang GAD ng organic market tuwing Biyernes sa harapan ng munisipyo ng Los Baños upang maibenta ang mga organicna produkto ng mga magsasaka at kung saan ang mga perang kinita ay ibinabalik sa kanila.


Benepisyo ng pagbe-vermicompost

Mula sa mga karanasan ni Mang Bernard sa pagbe-vermicompost, masasabi niyang madaming magandang naidulot ang prosesong ito para sa mga magsasaka. Ayon sa kanya, nakatutulong ang paggamit ng vermicast sa pagpapasigla ng lupang taniman kung kaya’t nakatitipid silang mga magsasaka mula sa pagbili ng kemikal na pataba. Sa paggamit ng vermicastay naiiwasan ang pagkalason na maaaring idulot ng mga kemikal na pataba at nababawasan din ang mga pesteng lumalapit sa mga pananim. Higit sa lahat ay makatitiyak na ligtas para sa mga tao na kainin ang gulay na pinatubo sa lupang ginamitan ng vermicast.


Para kay Mang Bernard, bukod sa pagsasaka ay higit na malaki ang naitulong ng pagsubok at pagpapatuloy niya ng vermicompostingsa pagsisimula ng bagong
buhay matapos ang Bagyong Yolanda.


Mula sa kinita niya sa paggamit ng vermicompostsa pagtatanim ay nakaipon
si Mang Bernard ng sapat na pera upang makapagtayo ng simpleng bahay para sa
kanyang pamilya at upang makabili ng pamasadang pedicab na kanya rin ngayong
ginagamit sa paglalako ng mga inani niyang gulay.

Sinasabi ni Honrado na ang pagbevermicompostay isang pamamaraan na
talagang makakatulong sa mga maliliit na magsasaka tulad ni Mang Bernard dahil
kaya nilang magparami ng mga bulate gamit ng vermiculture upang mayoong
magagamit pa para sa susunod na pagsasagawa nila ng vermicomposting.
Ang kagandahan din ng gawaing ito ay maaari nilang ibenta ang parehong
vermicast at ang bulateng African night crawler. Maaari din naman nilang gamitin
ang vermicast bilang pataba sa mga pananim na pinapatubo sa mga organic
farms dahil ito ay walang karagdagang kemikal na ginagamit dahil lahat ng mga
ginamit sa paggawa nito ay mula sa mga organikong kagamitan.


Ang isa pang kagandahan ng paggamit ng vermicastay ito ay nakakapagpasigla ng lupa at kayang pasiglahin muli ang mga lupang nataniman ng mga halamang ginamitan ng mararaming kemikal. Ang pagbe-vermicompost ay isang magandang gawain dahil ito ay pangmatagalan dahil pwedeng paramihin ang mga bulate upang magamit pa
muli. Ito rin ay pwedeng mapagkunan ng karagdagang hanapbuhay ng mga magsasaka dahil pwede silang magbenta ng bulate at ng vermicast.
Kita nyo?

Ang kagandahan sa likod ng vermicomposting!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.