ni Lorelie Liwanag, miyembro ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities at focal person ng Los Baños Office for Persons with Disabilities
Apat na amputees mula sa Los Baños ang mabibigyan ng libreng prosthesis sa darating na Mayo bilang bahagi ng Regalo, Handog sa Magandang Kinabukasan na proyekto ng iba’t-ibang Rotary Club (RC) chapters sa CALABARZON. Kabilang dito ang RC-Los Baños, Cabuyao Circle, Lipa-West, at Sariaya.
Noong March 22, sinukatan para sa kanilang libreng prosthetic legs ang apat na beneficiaries na sila Marilyn Latuga ng Brgy. Bambang, Alberto Artisola ng Brgy. Malinta, Oliver Maningas ng Brgy. Mayondon, at Trisha Opena ng Brgy. Putho-Tuntungin. Ito ay ginanap sa Brgy. Sala Basketball Court, Cabuyao City, Laguna. Kasama nila ang mga napiling amputees mula sa CALABARZON na hahandugan rin ng RC ng prosthesis.
Aksidente sa motor ang sanhi ng pagkapilay ni Latuga habang diabetes naman ang sanhi ng kay Artisola. Nasagasaan ng tren ang paa ni Maningas kung kaya siya ay naging amputee habang si Opena naman ay may cancer sa buto na sanhi ng kaniyang pagkapilay.
Nakipagtulungan ang Los Baños Federation of Persons with Disabilities (LBFPWD), Inc. sa Rotary Club ng Los Baños sa pamumuno ng kanilang presidente na si Dr. Donald Padua upang mabuo ang listahan ng beneficiaries sa bayan ng Los Baños. Ang tulong na mabigyan ng libreng prosthetic leg ay pagbibigay din ng pag-asa para sa mga beneficiary.