Si Julio T. Managat o Kano sa kanyang mga kaibigan, ay matiyagang iniisa-isang tignan ang huli ng kanyang patanga. Napag-usapan kasi ang nalalapit na fishing ban na magsisimula sa Marso upang malinis di-umano ang Laguna de Bay.
Noong Pebrero 1, ang Board Resolution No. 518 o ang Moratorium on the Operation of Aquaculture Structures within the Laguna de Bay ay inaprubahan na ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Chairman Gina P. Lopez.
Isinasaad nito na simula sa Marso 31, lahat ng uri ng pangingisda sa Laguna de Bay ay ititigil pansamantala upang bigyang panahon ang Laguna de Bay na magpahinga. Sakop nito ang mga fishpen at fishcage ng malalaking kumpanya pati na rin ang sa mga maliliit na mangingisda.
Isinasaad ng resolusyon na ito ang pagbaklas ng mga fishpen at mga fishcage na hindi sumusunod sa ZOMAP. Ang ZOMAP o Zoning and Management Plan ay isang mapa na ginawa ng Laguna Lake Development Authority kung saan nakatala ang mga lugar na maaaring pangisdaan, at ang mga lugar na para sa transportasyon.
Ang pagpapatigil sa lahat ng gawaing aquacultural ay alinsunod sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang State of the Nation Address o SONA na nagsasabing ang Laguna de Bay ay lilinisin at aayusin upang maging destinasyon ng mga turista. Sa pagtaas ng halaga at pagsikat ng Laguna de Bay, ang mga mangingisdang naninirahan sa baybayin ang siyang unang makakaramdam ng pag-unlad. Ngunit bago ito magawa, kailangan munang malinis ang lawa.
Bukod sa pagkakalinga sa lawa, ang resolusyong ito ay para rin sa mga mangingisda. Layunin ng resolusyon na puksain ang mga torero o mga illegal fishers. Sa pansamantalang pagtigil, maisasaayos ang pagrerehistro ng mga mangingisda at ng mga fishpen at fishcage operators.
Nais rin nitong ibahagi ang lawa sa mga naninirahan. Hindi lingid sa kaalaman ng mga tao na may mga General kung tawagin na ang pinangingisdaan ay hekta-hektarya, habang ang mga maliliit na mangingisda ay naghahati-hati pa. Sa pagpapasa ng resolusyong ito, ang buong lawa ay malilinis at mabibigyan ng nararapat na pangisdaan ang mga maliliit na mangingisda.
Kahit na ang moratorium na ito ay para sa ikabubuti ng mga mangingisda, napakalaki pa rin ng epekto nito sa kanilang pamumuhay.
Simple lang ang pamumuhay ng isang mangingisda sa FARMC ng Mandaragat. Una ay iniiwan nila ang kanilang mga lambat o kung kanilang tawagin ay panti nang 8 hanggang 12 oras, depende kung anong oras sila lumalaot. Si G. Kano ay kadalasang lumalabas bandang alas-kwatro ng madaling araw upang kunin ang kanyang huli. Pagkagising niya ay didiretso sa laot at iisa-isahin niya ang kanyang 200 patanga.
Ang patanga ay isang uri ng kagamitan na iniiwan lamang na parang bitag sa tubig. Iniisip naman ng nga isda na ang mga bitag na ito ay kanilang mga bahay, kaya sila ay pumapasok rito at nahuhuli. Ito ang dahilan kung bakit ito ay pinangalanan ang kagamitang ito na patanga o minsan ay pambobo; ang mga isda ang kusang nagpapahuli sa mga gamit na ito.
Matapos likumin ang huli sa patanga, kanya namang kokolektahin ang nahuli ng kanyang panti. Lahat ng huli ay ipapadala niya sa kanyang asawa upang ipagbenta sa palengke, at ang iba minsan ay pangkain. Kadalasan natatapos ang paglilikom bandang tanghalian. Matapos magpahinga, sina G. Kano ay babalik sa laot bandang alas-sais ng gabi upang ilagay na muli ang kanilang panti, na siya namang lilikumin ulit kinaumagahan.
Kung titignan, ang buhay ni G. Kano ay nakasentro sa lawa. Bukod sa nakaaambang fishing ban, may iilang pagsubok nang kinakaharap ang mga mangingsida tulad ng mga higanteng fishpen at fishcage na nangangain ng kanilang pangingisdaan, mga peste tulad ng knife fish na umuubos sa mga maliliit pang isda, at syempre ang mga turero o illegal fishers. Ang mga turero ay mga tauhan ng mga malalaking tao, kaya sila ay may magagandang bangka at maging mga armas. Kahit na hindi kuntento sa suportang natatanggap mula sa gobyerno, ang FARMC ng Mandaragat ay patuloy na nilalabanan ang nga turero. Nitong Pebrero 16 lang ay nakahuli sila ng mahigit 20 katao, kasama ang 17 bangka, na mga nangingisda sa mga illegal na lugar. Gayunpaman, ayuda parin mula sa gobyerno ang kanilang hinihingi.
Kadalasang hinaing ng mga tao ang kulang na suporta ng gobyerno. Ang kagawaran na sumasakop sa FARMC ng Mandaragat ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR. Sa isang panayam kay Ginang Emiliana Casbadillo, Officer-in-Charge ng Provincial Fisheries Office sa Bambang, Laguna, nabigyang pansin ang mga proyekto ng BFAR IV-A para sa mga mangingisda ng buong Laguna.
“…Kaya nagagalit ako kapag sinasabing walang ginagawa ang gobyerno.”
Iyan ang tinuran ni Gng. Emi matapos talakayin ang mga proyekto na kanyang inilatag para sa mga mangingisda. Una ay ang Knife Fish Collection ng BFAR, kung saan binabayaran nila ang mga pesteng nahuhuli ng mga mangingisda. Sa ganitong paraan, natutulungan nila na dahan-dahang puksain ang Knife Fish habang binibigyan rin ng dagdag kita ang mga mangingisda. Kahit ang Knife Fish ay hindi nakakain, hinuhuli na rin ito ng ilang mga mangingisda dahil ayon sa ilang mga nagbebenta, ang bawat kilo raw nito ay nagkakahalaga na ng 30 piso. Sa kabila ng pagbebenta nito, hindi pa rin hinahayaan o hinihimok ng BFAR na magpalaki ng mga Knife Fish dahil sila ay peste pa rin ng lawa.
Sunod ay ang paglaban sa mga turero, na pinaiigting ng FishR. Ang FishR o Fisherfolk Registration ay isang proyekto ng BFAR na naglalayong kilalanin ang mga taong dapat nilang pagsilbihan. Bago ilunsad ang FishR, mayroon lamang 100,000 rehistradong fisherfolk. Dahil sa bagong proyektong ito, naitala na sa kasalukuyan ay may 1.5 milliong fisherfolk. Makatutulong ngayon ito sa pagdidisenyo at pagiisip kung paano gagastusan ang mga proyekto sapagkat mayroon nang tiyak na bilang ng mga benepisyaryo.
Kaakibat ng FishR ay ang BoatR o Boat Registration. Inirerehistro ang mga specs ng bangka upang malaman kung gumagamit ng mga illegal na pamamaraan. Binibigyan rin ng mga special training ang ilang mga mangingisda upang mapayagan na makapanghuli ng mga torero. Kaakibat ng training na ito ay ang donasyon ng mga bangkang panghuli. Ayon sa kanila, lahat ng FARMC ng 17 munisipyong nasa may baybayin ay nakatanggap na ng 20-foot fiber glass boat na para sa pagbabantay ng lawa.
Kahit na andami-raming benepisyo at wala namang babayaran, bakit kaya may mga iilan pa ring mga mangingisda ang ninanais na maging mga turero? Ayon kay Gng. Emi, sapagkat mas malaki ang pera roon. Mas maraming nahuhuli, ngunit mas nasisira naman ang lawa.
Medyo ganito rin ang pag-iisip ng mga General ng lawa. Ang mga ito ay ang mga malalaking kumpanya na hekta-hektaryang katubigan ang pinangingisdaan. Habang ang mga maliliit na mangingisda ay naghahati-hati, ang mga heneral ay nakakalikom nang sandamakmak na isda kada araw. Paano ito lalabanan? Dyan papasok ang fishing ban.
Pero hindi pa rin nasasagot ang katanungan; paano ang mga mangingisda?
Ang sagot ni Gng. Emiliana ay BuP. Bottoms-up planning. Ang ibig sabihin nito ay hihingi sila ng mga suhestiyon mula sa mga nasa baba–sa mga mangingisda, na makakaranas ng epekto–kung anong kabuhayan ang kanilang nais na gawin. Ika niya, hindi nila alam kung anong materyales o produkto ang mayroon sa lugar ng mga mangingisda, kaya hindi sila makapagbigay ng basta-bastang pangkabuhayan.
Kahit papaano ay nabigyang-linaw si G. Kano nang marinig niya na may plano naman pala ang gobyerno sa mga mawawalan ng trabaho dahil sa fishing ban. Nang siya ay tanungin kung ano ang naiisip, ang sagot niya ay, “Eh wala namang ibang ihahanap buhay kundi pamamanti.” Umaasa siyang kahit papaano, sa paglilinis ng lawa o kung ano mang trabaho, sila ang unang-unang kokontratahin.