ni Nel Benjamin Magdaleno
Sa ika-1 ng Pebrero, ganap na alas tres ng hapon, pormal na papasinayaan ang bagong Fire Station ng Bureau of Fire Protection-Los Baños (BFP-LB) na matatagpuan sa PCAARRD Road sa Brgy. Timugan.
Ang programa ay dadaluhan ng mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), University of the Philippines Los Baños, Philippine High School for the Arts (PHSA), at business owners ng Los Baños. Ang nasabing gusali ay itinayo upang mabigyan ng komportableng espasyo ang mga administrative at office workers ng BFP. Ayon kay Chief Inspector Robert Bana-ag, mas mabilis na ang pagresponde sa mga sunog at sakuna. Ito ay dahil ang bagong gusali ay nakapwesto sa strategic zone na mas malapit sa highway.
“Wala gaanong hindrance o obstruction [sabagal] kasi malawak yung espasyo na mabibigay sa amin nung highway. Dito kasi, nasa loob kami ng palengke, [na kung saan] madaming tao at ibang sasakyan,” ani SFO1 Duannee Fadri.
Magdaraos ng misa at maghahanda ng maagang hapunan ang BFP para sa mga dadalo sa programa.
Kasabay ng pagpapasinaya ng kanilang bagong gusali, nagkaroon din ang BFP ng mga bagong kagamitang pang sakuna: apat na breathing apparatus na magagamit kapag lumala ang sitwasyon ng pagrereskyu, at 20 Personal Protective Gear (PPG) na ibibigay sa mga miyembro ng rescue and operation squad ng BFP.
Ang bagong gusali ay sinimulang itayo noong Hunyo 2016 sa pangunguna ni Former Chief Inspector Analee Atienza, ngunit nahinto ito noong Nobyembre ng parehong taon. Itinuloy ang proyekto noong Nobyembre 2017 at natapos nitong Enero.
Hindi pa rito matatapos ang proyekto ng BFP sa gusali. Ayon kay Bana-ag, magtatayo pa ng garage para sa fire trucks ng rescue and operation squad ng BFP.
Ang paglipat sa bagong gusali ay makatutulong rin sa pagplaplano ng programa para sa Fire Prevention Month ngayong Marso.
Para sa karagdagang impormasyon, makipagugnayan sa Bureau of Fire Protection-Los Baños sa numerong 536-7965 o sa kanilang Facebook page.