ni Pamela Sabuero at Crissel Tenolete
(Mga larawan kuha ni Nel Benjamin Magdaleno)
Pormal na binuksan ang bagong tayong Fire Station ng Bureau of Fire Protection-Los Baños (BFP-LB) sa PCAARRD Road, Brgy. Timugan noong Pebrero 1, sa ganap na alas tres ng hapon.
Ang bagong tayong gusali ng BFP-LB na matatagpuan sa PCAARD Road, Brgy. Timugan
Nagdaos ng misa sa simula ng programa na sinundan ng ribbon cutting sa pangunguna ni Mayor Caesar Perez at pagbabasbas ng gusali. Ang inagurasyon ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Los Baños (LGUs), University of the Philippines-Los Baños (UPLB), at ilang establisyemento ng munisipalidad.
Ribbon Cutting na pinangunahan ni Mayor caesar perez
PagbaBasbas ng labas ng bagong tayong gusali ng BFP
Nagpamalas din ng kani-kanilang talento sa pagtugtog ng instrumento ang mga mag-aaral mula sa Philippine High School for the Arts (PHSA), sa pamumuno ni Arjay Viray. Ipinarinig naman ni Hon. Joselito Sumangil, Barangay Councilor ng Barangay Anos, ang kantang kanyang kinatha patungkol sa kabayanihan ng mga bumbero. Nakilala si Hon. Joselito sa kaniyang paglahok sa Talentadong Pinoy.
pagtanghal ng mga mag-aaral mula sa phsa
Ayon sa kantang sinulat ni Sumangil, handang magbuwis ng buhay ang mga bumbero sa gitna ng operasyon, “tawagan ang BFP… Ililigtas ating buhay pati sunog sa’ting bahay. Lalabanan ang apoy, matinding usok at amoy…”
hon. joseph sumangil ibinabahagi ang mahalagang kahulugan ng awit
Nauna nang sinabi ni Chief Inspector Robert Bana-ag na mas mapapabilis ang pagresponde ng mga bumbero ngayong nakapwesto sa strategic zone ang bagong fire station. Dagdag pa ni SFO1 Duannee Fadri malapit ito sa highway na siyang magbibigay ng sapat na espasyo para sa mga naglalakihang fire truck upang makaresponde sa nang mabilis.
Pinuri naman ni dating Fire Marshal at dating CINSP Analee Atienza ang mga kapwa bumbero sa bagong milestone na kanilang narating. “Nakakaproud nang sobra dahil naumpisahan natin, ipinagpatuloy, at natapos. Although I know there’s more [room] for improvement,” aniya.
Isa sa mga panauhin ay si FO3 Stephen Cortez ng Calamba City Fire Station. Aniya, ang nasabing bagong fire station ay patunay na ang BFP ay papunta na sa modernization process alinsunod ng kanilang mission at vision. Pagpapaliwanag niya, kasama sa prosesong iyon ang pagsasaayos ng fire trucks, rescue equipment, at paglulunsad ng trainings para sa mga empleyado. “Ini-improve na po namin ‘yan para yung services namin sa mga tao, sa mamayan ay lumevel-up pa,” dagdag niya.
Mayor Caesar Perez — nagsasalita tungkol sa bagong gusali
ng BFP at mga problema na kinaharap nito
Lubos namang nagpasalamat si Retired Colonel Renato A. Samson sa tulong at malasakit ng gobyerno sa pagpapagawa ng naturang establisyimento. “Ngayon ay nakatitiyak na sila na sa darating na panahon ay mayroon na silang matutuluyan at masasabi na fire station ng Los Baños. Malaking karangalan sa amin na makita ang aming kapwa na nasa magandang kalagayan.”
Maagang hapunan ng mga dumalo sa inagurasyong ng bagong gusali ng BFP-LB
Nagtapos ang programa pasado alas kwatro ng hapon sa pagkanta ng himno ng BFP na sinundan ng maagang hapunan para sa lahat ng dumalo.