nina Donato Catipon, Kassel Clarisse Kraft, Jyra Canlas, at Catherine Bucu-Flores
Bilang bahagi ng proyekto ng Philippine National Railway (PNR) na pagsasaayos ng Tutuban-Los Baños South Commuter Line, nagkaroon ng tagging o pagmamarka ng mga bahayan at iba pang istraktura na nasa gilid ng riles sa sa Los Baños Natapos ito noong ika-2 ng Pebrero sa Brgy. San Antonio.
Ang tagging ay kasama sa isinasagawang socio-economic survey para sa proyekto ng PNR, na kapwa sinimulan noong ika-25 ng Enero sa Brgy. Anos. Naisagawa na ang kinakailangang survey sa 8 sa 12 barangay nang makumpleto ang tagging.
Ang socio-economic survey ay isang 10 hanggang 15 minutong panayam sa mga residente ng mga barangay na kasapi sa KOalisyon ng mga SAmahan sa RIles KAtagalugan (KOSARIKA), partikular sa may-ari, nangungupahan, at nakikipisan sa mga bahayan sa gilid ng riles.
Ang KOSARIKA binubuo po ng mga kasapi mula sa 12 barangay sa baybay riles ng Los Baños: Anos, Bambang, Batong Malake, Baybayin, Lalakay, Maahas, Malinta, Mayondon, San Antonio, Tadlac, Timugan, at Tuntungin-Putho.
Bahagi ng proyekto ng PNR ang relokasyon ng mga residente ng nabanggit na 12 barangay, na siya namang pinagdiskusyunan sa ginanap na pulong o Resettlement Action Plan (RAP). Idinaos ito noong ika-19 ng Enero ngayong taon, sa pagitan ng KOSARIKA at mga kinatawan ng Department of Transportation, Japan International Cooperation Agency, at Municipal Urban Development and Housing Office ng Los Baños.
Ang nasabing proyekto ay may 72 kilometro mula Tutuban hanggang Los Baños at makaaapekto sa mahigit 3,500 kabahayan.