Ulat ni Margaret Julia Mercado
Noong ika-14 at 15 ng Pebrero, 2018 ay nagsagawa ng free anti-rabies vaccination drive ang College of Veterinary Medicine Student Council (CVM SC) sa pakikipagtulungan ng College of Veterinary Medicine (CVM) at UP Society for Advancement of Veterinary Education and Research (UP SAVER), alinsunod sa pagdiriwang ng VetMed Week.
Ito ay pinamunuan nina Russel Denny Manzanilla, Councilor ng CVM Student Council at Head ng Vaccination Drive, at ni Alejandre Marie Dimaano, Councilor ng CVM Student Council at Head ng VetMed Week.
Ang mga tao ay hinikayat na dalhin ang kanilang mga alagang aso at pusa na dapat ay tatlong buwan gulang na o mahigit, hindi buntis, at walang anumang karamdaman, sa parking lot ng CVM sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Ang programang ito ay first come, first serve dahil 50 shots lamang ang naibahagi ng CVM Department of Clinical Sciences.
Ang mga estudyante ng CVM, sa tulong ng mga CVM faculty tulad nila Dr. Joseph dela Cruz at professor emeritus Dr. Ceferino Maala, ang mga nagbigay ng anti-rabies vaccines sa mga alagang hayop ng mga nakilahok.
Ayon kay Manzanilla, importante ang anti-rabies vaccination dahil magsisilbi itong proteksyon ng mga alagang hayop laban sa rabies, pati na rin sa kaligtasan ng mga tao. Nabanggit din ni Manzanilla na inirerekomendang taun-taon ang pagpapabakuna ng mga alagang hayop laban sa rabies.