ni Eliza Arrojo at Aria Caisip
Mahigit sa dalawampung kababaihan ang dumalo sa ginanap na taunang pap smear at visual inspection with acetic acid (VIA) testing sa Health Center ng Barangay Timugan noong ika-20 ng Pebrero, 2018.
Sinimulan ni Minda Mariano, resident Health Worker ng Los Baños, ang programa sa isang pagpapaliwanag kung ano ang pap smear at VIA at ang kahalagahan nito.
Sa pamamagitan ng VIA at pap smear, matutukoy nang maaga, at magkakaroon ng ideya ang mga kababaihan kung sila ay may komplikasyon sa matres, partikular na sa kanilang cervix.
Matapos ng pagpapaliwanag, nagsimula na ang proseso ng pap smear.
Kinuhanan ng specimen ang matres ng mga kakabaihang nakiisa sa programa. Dadalhin ang mga ito sa laboratoryo para suriin. Sinasabing aabutin ng dalawang linggo bago makuha ang resulta nito.
Base sa resulta, ang babae ay maaaring resetahan kung may nakitang problema sa kanyang reproductive system, o di kaya’y papupuntahin sa main Health Center ng Los Baños para sa mas malalim na pagsusuri.
Ayon kay Dolly Eroles, isang Rural Health Midwife ng Los Baños, ang VIA at pap smear ay ilan lamang sa mga libreng programa ng gobyerno ukol sa family planning.
Walang edad na kinakailangan kung nagnanais na sumailalim sa paps smear at VIA. Ayon pa kay Dra. Eroles, mahalaga ang hindi pagkakaroon ng contact ng mga kababaihan sa kanilang mga mister o nobyo, dalawa hanggang tatlong araw bago ang pagsusuri, sapagkat maaaring makaapekto ito sa specimen na kukunin.
Kabilang sa mga babaeng nagpasuri ay ang mag-inang sina Maricel Cabangon, 36 at Elvira Cabangon, 55. Nabanggit nila na ito ang unang beses na susubukan nila ang pap smear at VIA, para maagang malaman kung may mga komplikasyon sa kanilang katawan. Nasabi din nila na sila ay suki ng iba pang mga programa ng baranggay.
Kagaya nila ay umaasa si Dra. Eroles na mahikayat ang mga kababaihang makibahagi sa mga ganitong programa upang maintindihan nila ang kahalagahan ng maagang pagtuklas sa mga maaring sakit.
Ang pap smear at VIA testing ay nagsimula 9:30 ng umaga hanggang 1:00 ng hapon. Ito ay kasalukuyang idinaraos sa iba’t ibang baranggay sa Los Baños. Katatapos lamang ng nasabing testing sa Brgy. Anos noong ika-12 ng Febrero.
Ang susunod na pap smear at VIA testing ay gaganapin sa Brgy. Bambang, ika-8 ng Marso.
Ang programa ay naganap sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang baranggay sa lokal na pamahalaan. Ang mga programang katulad nito ay ipinakakalat sa pamamagitan ng mga pampublikong anunsyo, at pagbabahay-bahay ng mga Baranggay Health Workers.