ulat nina Joshua Jonas, Patricia Cuevas at Cesar Ilao III
Ang tanggapan ng Gender and Development (GAD) ng munisipyo ng Los Baños ay maglulunsad ng isang programa na may layuning palakasin ang sektor ng kababaihan sa Los Baños, partikular sa Barangay San Antonio.
Noong ika-11 ng Pebrero, pumunta ang mga kinatawan ng GAD Office sa Brgy. San Antonio upang kausapin ang mahigit 50 na mga kababaihan na mga asawa ng Trolley Boys. Ang Trolley Boys ay isang organisasyon ng mga kalalakihan sa San Antonio na namamasada ng trolley sa riles. Sa tulong mismo ng organisasyon na ito, tinipon ang kanilang mga asawa o Trolley Ladies sa daycare center ng barangay. Dito ay nakipagusap sila sa GAD ukol sa mga programang pangkabuhayan na gusto nilang isagawa sa kanilang barangay.
Nais ng tanggapan ng GAD na mabigyan ng tulong pangkabuyahan ang komunidad ng kababaihan sa Brgy. San Antonio. Ang mga livelihood projects na ito ay susuriin at pipiliin ng mismong mga kababaihan. Babalik ang tanggapan sa barangay pagkatapos ng Women’s Month ngayong paparating na Marso upang alamin ang mga napiling proyekto ng mga kababaihan.
Layunin din ng tanggapan na ipaalam sa kanila ang mga serbisyong inaalok ng munisipyo na maari nilang mapakinabangan, katulad na lamang ng libreng pag-iissue ng birth certificate, medical and financial assistance, at marami pang iba.
Ayon kay Karen Lagat-Mercado, GAD Officer, isa sa mga rason kung bakit bumababa ang kanilang tanggapan sa sektor ng kababaihan ay hindi lamang para mabigyan sila ng kabuhayan, ngunit upang maipaalam sa kanila ang mga programa ng munisipyo.
“Women’s right to information din kasi ay stated sa Magna Carta for Women,” sabi ni Mercado.
“Ang GAD’s [purpose] kasi is to develop, gusto namin sila [kababaihan] madevelop para hindi lamang sila nasa bahay. Gusto namin sa GAD ay lahat ng kababaihan ay may alam,” wika ni Pamelyn Hope C. Magas, staff ng GAD Office.
Dagdag ni Magas, ang pinakamalaking pagsubok sa pagbuo ng programang ito ay ang bukal sa loob na pakikiisa ng mga kababaihan sa mga ganitong programa, dahil nakasalalay dito ang tagumpay ng magiging programa ng GAD at ng kanilang barangay.
Bagama’t may naitatag nang organisasyon ng kababaihan ang Los Baños — ang Women’s Brigade — nais ng GAD na maghanap ng iba pang komunidad ng kababaihan na maaari pang tulungang umunlad. Nauna sa listahan ang Trolley Ladies kasunod ang iba pang mga komunidad tulad ng OFW’s, organic farmers, at mga asawa ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
“Ang motto namin ay: Lahat ng kababaihan sa Los Baños ay masaya,” ani Magas.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng International Women’s Day, ang tanggapan ng GAD ay mangangasiwa ng taunang “Walk for A Cause” sa darating na ika-8 ng Marso na may temang “Lakad mo, tulong mo: Help Juana Fight Cancer”. Ito ay isang proyekto kung saan may mga donation box na ibibigay sa maraming organisyon at institusyon sa bayan ng Los Baños.
Ang malilikom na tulong ay gagamitin para matulungan ang mga babaeng may cancer sa Los Baños, at para sa kanilang mga diagnostic at medical na pangangailangan.
Inaanyayahan ang lahat na makidalo sa araw na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, makipagugnayan na lamang sa tanggapan ng Gad sa numerong: (049) 530-2818 loc.201