Kwentong mula sa Puso (ni Felix Ilagan)

ulat nina Crissel Tenolete, MIstral Reyes, Nel Benjamin Magdaleno, Margarite Igcasan, at Cesar Ilao III

Akala ko noon nagsasaya ako, akala ko ‘yun yung sinasabing mag-enjoy sa buhay”, hindi napigilan ni Felix Ilagan ang pagpatak ng kanyang mga luha habang binabanggit ang mga katagang ito.

Paninikip ng dibdib, pananakit ng batok, at mabilis na pagkapagod — ilan lamang ‘yan sa mga iniinda niyang sakit sa murang edad na 33 taong gulang.


Si Ilagan, residente ng Mayondon, ay isa sa mga taong nakararanas ng sakit sa puso.  Nagtrabaho siya noon bilang lineman, technician, at drayber ngunit kinailangan niyang tumigil noong Enero 2017 para alalayan ang kanyang amang may sakit. Sa kasalukuyan, si Mang Felix ay tumutulong sa kanyang ina sa pagbubukas ng kanilang tindahan sa palengke ng Los Baños. Bukod dito, siya ay namamasada ng tricycle tuwing gabi upang may maipangtustos sa kanyang sarili.

Felix Ilagan, 33-taong gulang na local na residente mula sa Brgy. Mayondon, Los Banos, na may sakit sa puso.

Simpleng pananakit ng dibdib, sintomas na pala ng panganib.

Makalipas ang ilang buwan, Agosto 2017, napagdesisyunan niyang ikunsulta sa Los Baños Doctors Hospital ang nararamdamang paninikip ng dibdib. Ayon sa kanya, pabalik-balik ang pagkirot nito. Noon ding pagkakataong iyon, na-diagnose siya ng sakit na Cardiomyopathy o abnormal na pag-laki ng puso. Dagdag niya, nagkaroon din siya ng heart attack.

Pinayuhan siya ng doktor na magpa-confine, ngunit sa kakulangan ng pera ay kinailangan pa niyang magtungo sa ospital ng Sta. Cruz, Laguna dahil mas mura roon. Sa apat na araw na pamamalagi sa ospital, pinagpahinga siya ng doktor, niresetahan ng mga gamot, at pinayuhan na alisin ang kanyang mga bisyo.

Mga bagay na ginagawa noon, siya namang limitasyon na ngayon.

Malinaw pa sa alaala ni Ilagan ang mga panahong siya ay nagsasaya kasama ang barkada.

“Kapag may pera ako noon at nandyan ang barkada, inuman na,” ani Ilagan.

Dagdag pa niya, “Ang dami kong kasalanan, minsan napapaaway pa lalo na kapag lasing.” Bukod pa sa pag-inom, nabanggit din ni Ilagan na nahihirapan siyang tumigil sa paninigarilyo. Aniya, sinubukan niyang tumigil ngunit hindi niya kaya. Kahit na mayroon daw smoking ban ay hindi rin ito naging epektibo sa kanya dahil mayroon pa rin namang nagbebenta ng sigarilyo.

Kaakibat pa ng sakit niya ay ang mga bagay na hindi na niya kayang gawin. Ilan dito ang paglalakad nang malayo na higit sa dalawang kilometro, pagbubuhat ng mga bagay na lagpas sa dalawang kilo, at paliligo gamit ang malamig na tubig. Labis ang kanyang pagkadismaya sa sarili dahil sa mga bagay na ito. Lubos ang kanyang pagsisisi. Sa murang edad na 33, naiisip niya ang mga bagay na nais pa niyang gawin ngunit hindi na maaari. Dagdag pa niya, “ganoon lang pala ang buhay, ang bilis lang, anytime pwede kang kunin.”

Kung nais ninyong makatulong kay Felix Ilagan, maaari lamang makipagugnayan sa kanyang numero: 0917-937-2654

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.