ulat nina Joshua Jonas, Patricia Cuevas, Shaznhae Lagarto, Joyce Santos
Sinimulan ng Bureau of Fire Prevention (BFP) – Los Baños ang maagang Fire Prevention Month sa pamamagitan ng mga paligsahan sa poster making, essay writing, at drawing. Ang mga lumahok dito ay mga mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Los Baños. Ang mga paligsahang ito ay ginanap sa workshop room ng New Municipal Hall noong ika-22 ng Pebrero mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali. Ang tema ng Fire Prevention Month ngayong 2018 ay “Ligtas na Pilipinas ang ating hangad, pag-iingat sa sunog sa sarili ipatupad.”
Bawat paaralan na inimbitahan ay nagpadala ng isang mag-aaral para sa bawat kategorya ng paligsahan. Sampung magaaral mula sa elementarya ang sumali sa drawing contest, 6 mula sa high school ang sumali sa poster making at 4 mula rin sa high school ang sumali sa essay writing.
Ang mga naging hurado sa mga paligsahan na ito ay mga kinatawan ng Jollibee Foods Corporation, Robinsons, Department of Interior and Local Government (DILG), at ilang konsehal mula sa Sangguniang Bayan ng Los Baños. Ang Robinsons, na isa sa katuwang ng BFP sa programa, ang nagsponsor ng mga art materials na kinailangan para sa paligsahan..
Ang mga nanalong mag-aaral sa bawat kategorya ay ia-anunsyo sa darating na ika-5 ng Marso sa Activity Center ng New Municipal Hall pagkatapos ng flag ceremony. Ang mananalong likha sa bawat kategorya ay isasali ng BFP-Los Baños sa regional level ng paligsahan. Ang mananalo naman sa regional level ang ipapadala ng regional office para sa national level.
Ayon kay FO3 Duannee Fadri, ginaganap ang mga paligsahan na ito isang beses kada taon mula noong 2016, kung kaya’t ito na ang ikatlong beses na isinagawa ng BFP-Los Baños ang mga nabanggit na aktibidad bilang bahagi ng kanilang kampanya.
Ani niya, layunin ng BFP-Los Baños na mapalaganap ang kamalayan ng publiko ukol sa pag-iwas at pag-iingat sa sunog. “Nagenjoy naman ang mga bata, nag-enjoy din kami [BFP], nakakawala ng pagod na makita ang output ng mga bata”, ani ni Fadri.
Ang tema ngayong taon ay nagmula sa BFP ng Quezon Province. Bawat taon ay naglalabas ng memorandum ang National Headquarters ng BFP sa lahat ng fire stations upang magbigay ng posibleng tema at mula rito ay pipili sila ng isa na gagamitin sa pangkalahatang kampanya ng kanilang adbokasiya.
Bukod sa mga nabanggit na paligsahan, maraming programa at gawain ang inihanda ng BFP para sa darating na Fire Prevention Month ngayong Marso katulad na lamang ng Intensified Fire Prevention Campaign na isasagawa sa lahat ng barangay ng Los Baños.Para sa mga katanungan at sa karagdagang impormasyon ukol sa mga aktibidad ng BFP – Los Baños, ay maaari silang tawagan sa numerong (049) 536-7965.