ulat nina Shaznhae Lagarto at Joyce Santos
“Ako ay teenager pa lang noon, dalagita pa lang, punong puno ng pangarap sa buhay subalit ang lahat ng ito ay naglaho, bigla-biglang naglaho.”
Ginunita ang ika-73 Anibersaryo ng pagkubkob sa Los Baños na may temang “Pagpupugay sa Kagitingan ng mga Bayani ng Bayan”, noong ika-23 ng Pebrero sa Dambana ng kagitingan, Baker Hall, University of the Philippines Los Baños. Sa pangunguna ng Los Baños Culture History and Arts Tourism Office (LB CHATO), ito ay dinaluhan ng mga miyembro ng Veterans Federation of the Philippines, mga mag-aaral mula sa mga malalapit na paaralan, ang ilang kapulisan at opisyal.
Sinimulan ang pagdiriwang na ito sa pagbibigay mensahe ng UPLB Chancellor Fernando C. Sanchez Jr. sa representasyon ni Professor Zolio Belano bilang kinatawan niya. Pinaunlakan din ito ni Gobernador Ramil Hernandez, sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan na si Maricar Palacol upang magbahagi rin ng mensahe. Naroon din ang ama ng bayan ng Los Banos, Mayor Caesar Perez na nagbahagi rin ng kaniyang saloobin hinggil sa selebrasyong ito.
Ang Los Baños Raid
Ang Los Baños Raid ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bayan ng Los Banos. Umaga noong ika-23 ng Pebrero 1945, naganap ang pagkubkob sa Los Baños ng pinagsamang lakas ng hukbong pampapawid ng United States at ng mga Pilipinong gerilya upang mailigtas ang 2147 katao.
Ang mga nailigtas na ito ay mga sibilyan at militar na intern mula sa noo’y isang Agriculture School na di naglaon ay naging Japanese internment camp kung saan sila ikinulong para abusuhin at maltratuhin. Ang kampong ito ay matatagpuan malapit sa Baker Hall.
Buhat ng giyera ng mga Hapon at ng mga Amerikano ay naipit sa pagitan ang mga Pilipino sa buong bansa. Isa sa malalagim na pangyayari para sa mga Pilipino noon ay ang pagtuturo ng mga makapili, mga kapwa Pilipino na nakatakip ang mukha ng mga bayong at nagtuturo sa mga Hapon, na siya namang babayunetahin at papatayin ng mga ito.
Walang magawa ang mga Pilipino noong panahon na iyon dahil kapalit ng kanilang pagtuturo ay siyang pagbibigay sa kanila ng laman ng tiyan at ng makakain ng kanilang pamilya.
Si Sofia Tidon, ang witness ng Los Baños Raid
Bilang isa sa mga pangunahing panauhin, inimbitahan si Sofia Tidon, 91 taong gulang, upang ilahad ang kaniyang mga karanasan noong panahong ito. “Marahil ako lamang ang nandito ang nabubuhay na naka-witness sa mga ganoong pangyayari. Mayroon man, ay hindi naman taga-dito sa Los Baños”, aniya.
Isang mag-aaral sa UP Rural High School na may edad na 14 pa lamang si Sofia Tidon nang maranasan ang mapait na parte ng kasaysayang ito. Kwento niya, kasama ang kaniyang mga kaibigan ay pinupuslitan nila ng pagkain ang mga bilanggo.
Aniya, naglaho ang lahat ng pangarap niya nang mapabilang ang kanyang ina at tatlong kapatid sa Maahas massacre kung saan mahigit sa 2000 na katao ang sinunog at pinatay ng mga Hapon. Ang mga Pilipinong biktimang iyon ay naipit lamang sa alitan ng dalawang bansa.
“Ako at ang aking tatay, wala kaming magawa kung hindi umiyak ng umiyak.” Kinagabihan ng araw ding iyon, dinala ng mga kapwa niya gerilya sina Sofia, kaniyang ama, at iba pang mga kamag-anak at nagsilikas, sa bundok Makiling upang magtago.
“Napakasakit isipin na sa isang iglap ay nawala ang inyong mga mahal sa buhay at hinding hindi niyo na makikita kailanman.” Dahil sa labis na pagluluksa sa pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay, hindi nakatulog si Sofia ng gabing iyon. Kasabay ng pagsikat ng araw kinabukasan ay siya namang pagdating ng saklolo.
“Nakita ko ang napakaraming mga usok sa paligid ng Baker Hall…mga usok na puti, kabi-kabila sa paligid ng Baker Hall. Pagkatapos nakita ko mga formation ng mga eroplano, napakaraming eroplano, naka-V shape; yun pala ay 11th Airbone ng United States.”
Kasama ng mga eroplanong iyon, umahon ang mga armed truck mula sa Mayondon. Dala ng 11th Airborne, nahulog mula sa langit ang mistulang mga payong na nagbabagsakan sa lupa; mga sundalo tangay ng kanilang mga parachute na agad na nagtungo sa base upang iligtas ang mga bilanggo. Nagkataon lamang na plano ng mga Hapon ng araw na iyon na ifumigate ang mga bilanggo sa balon na sila mismo ang pinaghukay.
Matapos ang matagumpay na pagligtas sa mga bilanggo, umalis sila at iniwan ang mga nakaligtas na mamamayan ng Los Baños na noo’y nananatiling guho ang mga mundo dahil sa lupit ng kanilang mga naranasan.
“Bandang alas-tres ng hapon, pagkatapos ng paghahakot, nag alisan na sila, ang mga gerilya kasama na rin. Subalit hindi ba sila nagkaroon ng plano na matapos maisave ang mga intern, sana may plano sila para sa kalagtisan ng mga Pilipinong taga Los Baños.”
Kwento niya, nagbubunyi ang mga nailigtas na intern, ngunit siya at ang mga naiwan ay nanatiling malungkot sa bundok kung saan sila nagtatago. Natapos ang matagumpay na Los Baños Raid para sa mga bilanggo ngunit hindi pa rin natapos ang paghihirap ng mga Pilipino sa kamay ng mga Hapon. Nagsilabasan ang mga Hapon at patuloy na pumatay ng kung sino mang Pilipinong makita nila.
Ang Importansya ng Celebrasyon
Ayon sa ilan sa mga panauhin ng komemorasyon, mahalaga ang pagkilalala sa bahaging ito ng kasaysayan ng Los Baños lalo na sa mga kabataan, upang mamulat sila sa ganitong pangyayari.
“Itong event na ito ay para sa mga kabataan, kasi hindi naman nila inabot yan eh. Kumbaga kaya lang nila nalaman kasi umattend sila. Kaya nandiyan iyan upang ipaalala ang mga nangyari noong panahon ng digmaan, kung ano yung masamang nangyari, at kung ano yung matutununan sa mga nangyaring iyon”,ani ni SPO3 Israel Gillaco ng bayan ng Los Baños.
“Meron tayong matutunan sa mga bayani, sa kanilang magagaling na gawa. Pati mainspire rin yung mga youth na maging bayani kagaya nila. Hindi dapat tayo matakot at sumuko at maging faithful pa rin sa huli. Manalo man o matalo basta’t may napatunayan na pwede kang makatulong”, sabi naman ni Ryne Tan, 16, estudyante ng sa Christian School International.