ulat nina Joshua Jonas, Patricia Cuevas, Shaznhae Lagarto, at Joyce Santos
Mahigit 500 trainees ng PESO-CAESAR Los Baños Manpower Skills Training Center (PCLBMSTC) ang nakatapos sa kani-kanilang mga kursong pangkabuhayan sa ginanap na seremonya noong ika-22 ng Pebrero sa Activity Center ng New Municipal Hall ng Los Baños, ganap na alas-2 ng hapon.
Ang mga training programs ng PCLBMSTC ay handog ng Sangguniang Bayan ng Los Baños, sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Mayroong pitong kursong inilaan ang Public Employment Services Office (PESO) para sa mga mamamayan ng Los Baños:
- Shielded Metal Arc Welding
- Electrical Maintenance
- Basic Computer Literacy
- Hilot Wellness and Massage Therapy
- Dressmaking
- Hairdressing
- Bread and Pastry making
Layunin ng mga programang ito na mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan sa iba’t-ibang uri ng trabaho ang mga trainees upang magkaroon sila ng hanapbuhay.
Ayon kay Gliceria A. Trinidad, PESO-LB Manager, ang mga training programs na ito ay nagtatagal ng tatlong buwan. Dahil sa ugnayan ng Munisipyo ng Los Baños at ng TESDA, nabibigyan ng sapat na kagamitan ang mga training programs na ito.
Isa sa dumalo sa pagtatapos ng mga trainees ay ang TESDA Provincial Director na si Jaime S. Castillo. “Masaya ako na makita na masaya kayo dahil sa kaunlaran ng inyong mga buhay. Mas maraming nakapagtayo ng sariling negosyo na umasenso sa kani-kanilang buhay,” ani Castillo. Ayon naman kay Mayor Caesar P. Perez, hindi sagabal ang kawalan ng puhunan at sapat na kapital para maghanapbuhay. “Ang pag-asenso ay nagsisimula sa kung saan niyo gagamitin ang karunungan niyo!” sabi ni Perez.
Isa sa mga nagsitapos ay ang 52-taong gulang na si Lulu Lazaro, isang dressmaking trainee mula sa Barangay Tadlac.
“Masaya ako dahil natuto ako sa sarili kong pagsisikap; malalaki ang maitutulong nito sakin,” sabi ni Lazaro.
Pagkatapos makuha ng mga trainees ang kanilang mga certificates ay maaari na silang makapag-apply sa mga iba’t-ibang tanggapan ayon sa training program na kanilang kinuha. Sila ay inaanyayahan din na dumalo sa gaganaping Job Fair sa New Municipal Hall ngayong darating na ika-27 ng Pebrero mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Ang job fair na ito ay pinangungunahan din ng PESO at TESDA.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga training programs ng PESO, maaari silang tawagan sa numerong (049) 536-5976.