ni Monica Laboy
Isang Valentine’s Day Party para sa mga taong may autism, at iba pang kapansanan, ang ginanap sa Samaral Restaurant, Calamba, noong Pebrero 23.
Ang selebrasyong ito ay pinangungunahan ng Autism Resource Center (ARC) ng Autism Society of the Philippines (ASP) Los Baños kasama ang STP-UPLB.t ibang mga volunteers.
Ayon kay Gng. Ana P. del Valle, direktor ng ARC, ang Valentine’s Day party na ito ay binuo para mabigyan ng mga oportunidad ang mga may autism o iba pang kapansanan.
“Wala silang trabaho. Kadalasan doon nae-experience ang mga ganitong parties. Isa na rin itong paraan para mabigyan sila ng pagkakataon makipag-socialize especially with other peers,” paliwanag ni del Valle.
Bago ang naturang party, ang mga dadalo ay sumailalim sa pagsasanay kung saan sila ay tinuruang makisalamuha sa ibang mga tao, paano asistihan ang kasama, at iba pang mga paraan ng pagpapakita ng common courtesy.
“Masaya. Masaya ako ngayong gabi. Siyempre, nilu-look forward ko itong gabi dahil once a year lang naman mangyari ito, so sana masaya tayong lahat na nandito,” wika ni Wilbert, isang 30-taong gulang na may autism.
Ilan sa mga dumalo ay ang kanilang mga magulang, at mga volunteer na siyang kasama ng mga taong may autism sa gabing puno ng sayawan at saya.
“Maganda mag-vovolunteer sa ganitong events kasi aside from awareness, maganda ang epekto nito sa pagkatao mo at sa growth mo rin, kasi nalalaman mo na may mga tao na may special needs, at the same time nagiging way ka para ma-enrich nila yung well-being nila,” kwento ni Denise, ang ka-date ni Wilbert para sa gabing iyon.
Ano ba ang autism?
Ang autisim spectrum disorder (ASD), o mas kilala na autism, ay isang developmental disorder na may malawak na sakop ng karamdaman. Ang mga taong apektado nito ay maaring maging low-functioning, high-functioning, o anoman sa pagitan ng dalawa, kaya ito ay tinawag na spectrum.
Ang taong nakakaranas ng low-functioning autism ay maaring may kakulangan sa abilidad ng pag-iintindi, pag-iisip, pakikisalamuha sa ibang mga tao (social interaction), at maaaring magpakita ng hindi pangkaraniwang asal tulad ng tantrums, pagiging agresibo, at iba pa. Sa kabilang dako, ang taong may high-functioning autism ay nagpapakita ng mas mataas na abilidad sa kanyang cognitive skills subalit may kakulangan pa rin sa kakayahang ipahayag ang damdamin (expression), pakikisalamuha sa iba (social interaction), at sa pagsasalita (komunikasyon).
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDCP), noong 2014, hindi bababa sa 500,000 ang kaso ng mga Pilipinong may autism. Ayon naman sa datus ng Philippine General Hospital (PGH), ang autism ay pangatlo sa mga developmental disorder laganap sa Pilipinas. Nauuna ang intellectual disability, at pumapangalawa naman ang Celebral Palsy.
Pagbubukas ng mga oportunidad
Dahil sa stigma na nailalagay sa mga taong may autism, nalilimitahan sila sa maari nilang makamit sa kanilang buhay. Karamihan sa mga dumalo sa naturang pagdiriwang ay hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral sapagkat hindi sapat ang kanilang mental na kapasidad para magawa ang mga kinakailangan.
Ayon kay Gng. Catherine Lopez, presidente ng ASP Laguna Chapter, ang mga taong may autism ay may kapasidad makapagtrabaho gaya ng nakararami, subalit kinakailangan na sila ay magabayan.
Sa darating na Marso, ang mga dumalo sa Valentine’s Day Party, kasama ang iba pang mga taong may autism ay sasailalim sa programang AutiSM at Work ng SM Cares, SM Primeholdings Inc. Sila ay magtatrabaho sa SM Supermarkets mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas tulad ng Savemore Market Berkley sa Quezon City, Savemore Market Basak sa Cebu, SM Supermarket sa Calamba, at iba pa.
“Their immersion will last for 45 days. After which, they will be evaluated if they are ready to work or not,” wika ni del Valle.
Karamihan sa trabahong gagawin nila ay bagging at shelving ng bilihin sa mga supermarket.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa AutiSM Works, tumawag sa (049) 536 0655 o bisitahin ang kanilang facebook page.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa autism, maaaring bistahin ang http://www.autismsocietyphilippines.org/