Early Pregnancy and HIV Awareness Seminar, ginanap sa Barangay Malinta

ulat nina Shaznhae Lagarto at Joyce Santos

Ginanap noong ika-24 ng Pebrero 2018 sa Barangay Malinta Assembly Hall ang isang talakayan sa health awareness partikular sa maagang pagbubuntis at sa sakit na HIV AIDS na may temang “Kabataan pangalagaan sa maayos na kalusugan at sa magandang kinabukasan”.

Katuwang ng Sangguniang Baranggay ng Malinta, ang Task Force on Youth Development ay nakipag-ugnayan sa iba’t ibang mga ahensiya at institusyon upang maimbita bilang panauhin sa nasabing seminar.

Sinimulan ang talakayan ng isang mensahe mula kay Karen L. Mercado, Gender and Development (GAD) Officer ng Los Banos. Isa itong pagpapaalala na ang GAD ay bukas upang suportahan ang pantay na karapatan ng mga babae sa mga lalaki. Isa pa sa layunin ng ahensiya ay ang maprotektahan ang mga kababaihan sa mga potensiyal na makapagpapahamak sa kanila dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Si Kapitan Rolando Erroba habang nagbibigay ng kaniyang mensahe sa mga manonood.

Aniya, patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng mga maagang nagbubuntis sa bayan ng Los Baños sa hindi pa nila matukoy na dahilan. Bukod pa dito ay naitala na din ang pinakamurang edad ng maagang nabuntis; ito ay labindalawang (12) taong gulang.

Bukod sa tumataas na bilang ng mga kabataang nabubuntis sa murang edad ay binanggit din niya ang banta ng mga sakit na maaaring makuha sa pakikipagtalik. Isa na dito, at pangunahing problema sa kalusugan ng mga kabataan ay ang HIV at AIDS.

Aniya, “mas madaming bilang ang naitatalang may HIV-AIDS sa mga lalaki”. Pinaniniwalaan nilang dahil ito sa pagiging diverse ng mga kasarian na mayroon na tayo ngayon. Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang GAD ng mahigit sampung iba’t ibang kasarian.

Dahil sa mga bantang ito, mas pinagbubuti ng lokal na pamahalaan na magbigay ng serbisyo para sa mga taong pinaglilingkuran nito. Isa na sa mga magagandang paraan upang maiwasan ang mga panganib na ito sa mga kabataan ay ang bigyan sila ng sapat na kaalaman.

Para sa chairman ng Task Force on Youth Development at ang organizer ng event na si Jesus H. De Una Jr., hindi lamang awareness ang layon ng talakayang ito kundi ang magbigay pangangalaga sa kanilang mga kabataan. Nais nilang iparating sa mga kabataan ang epekto ng mga nagiging desisyon nila sa buhay na may karelasyon.

Bukod kay De Una, inimbitahan din ng TFYD si Ginoong Nathan Felix ng University of the Philippines Los Banos-College of Human Ecology at OIC of the Vice-President, Marketing of National Alliance of Youth Leaders Incorporated upang magbigay ng kaniyang sariling presentasyon at leksyon ukol sa maagang pagbubuntis o early pregnancy na kaakibat ng pre-marital sex.

Si Nathan Felix habang sinisimulan ang kaniyang talakayan.

Ayon kay Felix, hindi sapat na edukado at well-informed lamang ang mga kabataan. “Kasi aminin naman natin o hindi, hindi ito maiiwasan dahil may mga bagay na nakakaapekto katulad ng kultura at ng impluwensiya”, aniya.

Upang gawing mas interaktibo at mas kapanapanabik ang talakayan ay pinaanyayahan siya ng TFYD upang magbigay ng diskurso sa sanhi, at epekto ng teenage pregnancy. Dagdag pa niya, “kaya natin ginagawa ang seminar na ito ay upang bigyan sila ng iba pang perspektibo.”

Pinaunlakan din ni Dr. Alvin Isidoro, Municipal Health Officer, ang imbitasyon ng TFYD upang magbigay naman ng isang siyentipikong anggulo kung ano nga ba ang HIV at AIDS. Ibinahagi niya ang kanyang kaalaman sa kung ano ang sanhi, bunga, at implikasyon ng pakikipagtalik at ang kaugnayan nito sa pagkakaroon ng ganitong sakit.

Para sa mga kabataang naimbitahang dumalo, ang kahalagahan ng mga programang gaya nito ay bilang babala sa kanila. Ayon kay Roldan Panis, 17, mula Baranggay Malinta, ang seminar ay makakatulong upang madagdagan ang kanilang kaalaman at kamalayan sa isyu. Ika niya “Mas makakaiwas ka doon sa mga bagay na delikado.”

Ayon naman kay Alysa Suelto, mag-aaral mula sa Laguna State Polytechnic University (LSPU) Los Baños, ang kahalagahan ng seminar na ito ay upang maging aware ang kabataan at upang makaiwas na rin sa mga sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.