ulat ni Veronica Mae Escarez
Sa pangunguna ng DEVC 80 V1, isinagawa noong ika-5 ng Marso sa D.L. Umali Auditorium ang iWitness #DocuFest2018 sa tulong ng Department of Development Broadcasting and Telecommunications (DDBT) ng College of Development Communication (CDC), University of the Philippines Los Baños (UPLB) at GMA Public Affairs.
Ang layunin ng programang ito ay ang imulat ang mga kabataan sa mga mahahalagang problemang panlipunan at ihatid ang kanilang mga hinaing sa mga kinauukulan.
Humigit-kumulang 600 mga estudyanteng mula elementarya hanggang kolehiyo na galing sa iba’t ibang mga eskwelahan sa Laguna at Cavite ang lumahok sa programa. Kabilang dito ang:
- Los Baños National High School
- Pedro Guevarra Memorial National High School
- Dayap National High School
- Laguna College of Business and Arts
- Trace College
- Laguna University
- Adventist University of the Philippines
- San Pablo Colleges
- Trace College
- Colegio de Los Baños
- Paciano Rizal Elementary School
Isinalarawan ng unang dokumentaryo na Busal ni Howie Severino ang istorya ng mga piling aktor ng isang dulang isinagawa ng mga mamamayang naninirahan sa ilan sa mga mahihirap na lungsod sa Maynila. Sila ang mga Pilipinong direktang umaani ng bunga ng mga kasalukuyang mapaniil na mga polisiya tulad ng Oplan Tokhang. Inihayag ni Amaris Abella, AB Communication Arts ng Laguna University ang kahalagahan ng pagpapakita ng mga dokumentaryong ito ng hustisya. Pinuri din sa open forum ang makulay na pagkakabuhol-buhol ng istorya nila Lilian Tiglao, Christian Dayo, at Waldo Detona.
“Parang namulat ako sa katotohanang meron talagang karahasang nangyayari”, ani Margil Dumabi ng Laguna University matapos mapanood ang Women Warriors ni Sandra Aguinaldo. Ipinakita ng mamamahayag sa dokumentaryong ito ang sari-saring mukha ng mga kababaihang myembro ng Hukbong Katihan ng Pilipinas mula sa mga marksman hanggang sa mga tenyente.
Ang Sundalong Aso ni Kara David naman ang umani ng pinakamaraming pagkilala mula sa mga estudyante bilang kanilang pinakapaboritong dokumentaryo na ipinalabas noong hapon na iyon. “Parang maaappreciate niyo po talaga ýung mga aso at kung gaano po sila nagsisikap para sa bansa natin.”, ibinahagi ni Majaliah Lucañas, 10 taong gulang na estudyante ng Paciano Rizal Elementary School.
Pinili naman ni Juan Emmanuel Quilloy, 9 na taong gulang, bilang kanyang paborito ang Silang Kinalimutan ni Atom Araullo. Ikinwento ng mamamahayag rito ang kalagayan ng diyaspora ng mga Rohingya ng Myanmar na ngayon ay lumilikas patungo sa Bangladesh upang makawala sa dahas na kanilang nararanasan sa kanilang bansa.
Nakita ng mga estudyante ang importansya ng pagkakamulat sa mga problemang ito, inihayag pa nila Majaliah at Emmanuel na nabigyan sila ng inspirasyon ng mga dokumentaryong ito upang maging mas magagaling na batang mamamahayag sa kanilang sariling eskwelahan.